Subyang Sa Puso

ni Belen “Bheng” Arellano

NASA underground si Fidel ng Baron Court. Labasan ng mga tao mula sa kanilang pinapasukan. Rush hour. Dumating ang tren sa himpilan at bumukas ang pinto. Mabilis na pumasok sa sasakyan ang binata at ang iba pang mga taong nag-aabang. Sa isang bakanteng upuan, naupo siya. Sa tabi niya, may isang magandang dalagang sa wari niya’y Filipina. Nagkatinginan sila.

“Pinay ka?”

“Oo, Kuya.”

“Ako si Fidel. Matagal ka na ba sa London?”

“Kailan lang. Si Elena ako.”

“Sa’n ka bababa?”

“Sa istasyon ng Kings Cross. Ikaw?”

“Do’n din ako e…sabay na tayo sa paglabas.”

“Sige.”

Nagsimulang tumakbo ang tren. Dahil sa magkababayan, nagkumustahan at nag-usap sila. Nagkapalagayang-loob. Magaan ang damdamin sa isa’t isa. Hindi nagtagal, tumigil ang tren sa kanilang destinasyon.

Nagkakagulo at nagtatakbuhan ang mga tao nang umibis sina Fidel at Elena sa tren. Nasa himpilan na sila ng Kings Cross. Nagsisigawan ang mga tao.

“Fire! Fire! There is a fire in this station!”

Tumutunog nang tuluy-tuloy ang fire alarm. Napahawak si Elena sa kaliwang braso ni Fidel. “May sunog, Kuya.”

“H’wag kang matakot, hindi kita pababayaan,” sabi ni Fidel.

Sinundan nila ang pulutong ng mga taong tumatakbong papaakyat sa huminto na sa pag-andar na iskaleytor. Hindi bumibitiw si Elena sa pagkakahawak sa binata. Takot na takot siya.

Nang araw na iyon, galing ang binata sa gusali ng negosyong ipinababahala sa kanya ng ama sa London, isang import-export enterprise, samantalang ang dalaga’y buhat sa tanggapan ng Tagpuang-Pilpino. Si Elena’y sangkot at aktibo sa mga organisasyong kinabibilangan ng mga kababayan.

“Kuya, nagliliyab ang paligid. Baka mapahamak tayo!”

“Bilis ang takbo….”

“Magdasal tayo, Kuya.”

“Wala nang panahon! Magmadali ka…”

“Tumawag tayo sa Diyos!”

“Oo.”

Nang makarating ang dalawa sa may pintuan ng underground, naglalagablab na ito. Marami ang hindi makalabas. May nakaabang na mga sasakyang ambulansiya sa harapan. May mga sasakyan din ng pamatay-sunog at mga bumberong nagsisikap na mapuksa ang apoy. Nguni’t mataas at malawak na ang natutupok.

“Halika, lalabas tayo…tatakbo tayo nang mabilis!”

“Hindi ko kaya…takot ako. Baka mabagsakan tayo ng nagliliyab na mga kahoy at haligi.” Biglang nawalan ng malay si Elena. Nasalo ni Fidel ang dalaga bago natumba. Pinasan niya ito. Wala siyang sinayang na sandali. Sa tulong ng mga bumbero, mabilis niyang natakbo at nabagtas ang nagliliyab na pintuan. Nakalabas sa nasusunog na gusali si Fidel na pasan-pasan si Elena.

Dumalo sa dalawa ang ambulance men at inalalayang patungo sa nakahimpil na ambulansiya. Ilululan na sana si Elena na kasama si Fidel, nang magising ang dalaga. Mumukat-mukat ito at sinabing maayos daw lamang siya. Lumapit ang ambulance nurse, pinulsuhan at tiningnan ang blood pressure ni Elena. Mabuti raw naman ang kalagayan ng dalaga at hindi na kailangan pang dalhin sa ospital.

“Ihahatid na kita sa inyo.”

“H’wag na, Kuya…h’wag ka nang mag-abala. Mabuti na naman ang pakiramdam ko.”

Hindi na nagpilit si Fidel sa paghahatid sa dalaga. Bago sila naghiwalay ay isinulat ni Elena sa kapirasong papel ang kanyang address at telepono. Iniabot iyon sa binata.

“Kung may panahon ka sa Sabado, puntahan mo na lang ako sa address na ‘yan.”

“Sige, darating ako”

“Thank you for everything…See you.”

Kinagabihan, hindi dalawin ng antok si Fidel. Laman ng kanyang gunita si Elena. Naaalaala niya ang kanilang mga pag-uusap at ang karanasang muntik na nilang ikapahamak. Hindi makatkat sa isip niya ang kagandahan ng dalaga.

SABADO ng hapon. Gumayak si Fidel at lumulan sa kotseng BMW na katatapos lamang niyang kunin sa garahe sa malapit na Motor Repair Shop. Minaneho niya ang sasakyang patungo sa address na ibinigay sa kanya ni Elena. Hindi gaanong kalayuan ang tirahan nito kina Fidel, kalahating oras lamang na pagmamaneho.

Pinindot niya ang buton ng door bell ng isang magarang tahanan. Bumukas ang pinto.

“Magandang hapon po.”

“Magandang hapon naman.”

“Ako po si Fidel. Inaasahan po ako ni Elena.”

“Tuloy ka, Fidel, alam naming darating ka.” Isinama ang binata ng may-edad nang madre sa loob ng bahay. Pinaupo siya sa sopang nasa salas.

“Siyanga pala, ako si Sister Manuela, ang pinakamatanda sa mga madreng nakatira sa tahanang ito.”

Napansin ni Fidel na nakaabito ang kausap niya. “Si Elena po?”

“Sandali lamang at tatawagin ko siya.”

Parang binagsakan ng bomba ang dibdib ni Fidel nang lumabas si Elena. Nakasuot ito ng abito at may belo na nakalabas lamang ang mukha. Isa pala siyang madre, naisaloob ni Fidel.

“Salamat at dumating ka, Kuya Fidel.” Itinuro ang iba pang kasamang madre sa binata. “Sila ang mga kasama ko rito.”

Isa-isang nagsilapit ang mga madre sa binata, kinamayan ito, at nagpasalamat sa ginawang pagliligtas kay Elena sa sunog sa Kings Cross underground. Kapagkuwa’y umalis na ang mga madre. Naiwan ang binata at si Elena.

“Isa ka palang madre.”

“Oo, kuya.”

“Hindi mo pala ako dapat na tawaging Kuya. Dapat, ikaw ang tawagin ko ng Sister Elena.”

“Bayaan mo na lang na Kuya ang itawag ko sa ‘yo, nakasanayan ko na e, p’wede ba?” wika ng madre. “Ang tunay ko nga palang pangalan ay Maria Elena…Sister Maria Elena …pero tawagin mo na lamang ako ng Elena, okay?”

“Sige. Pero bakit hindi mo nabanggit sa akin nang nasa tren tayo na madre ka pala…saka bakit hindi ka nakasuot ng abito at belo noon?”

Ipinaliwanag ni Elena na kabilang siya sa Active na pangkat ng mga madre at pinapayagang walang belo at abito kung nasasa-labas. Sa loob daw ng kumbento at sa tirahan nila nagbibihis siya ng kasuotang pang-madre. Ipinadala raw siya ng nakatataas sa Filipino Chaplaincy sa London upang sumangkot sa mga organisasyon at tumulong sa mga kababayan. Sinasadya raw niyang hindi mag-abito at magbelo kung kahalubilo ng kapuwa Filipino sa labas upang ang mga ito’y hindi mangimi o mangilag sa pakikisalamuha sa kanya. Bago pumasok sa pagmamadre, nakapagtapos daw siya ng karera sa Pilipinas at isa siyang propesora na nagtuturo sa La Salle University bago isinugo sa ibayong-dagat.

“Active ba ‘ka mo ang tawag sa grupo ng madreng kinabibilangan mo?”

“Oo, Kuya Fidel.”

“E, ‘yong mga madreng lagi sa loob ng kumbento at di lumalabas?”

“Sila ang tinatawag na Contemplative Sisters…sadyang nakatalaga sila sa tahimik at taimtim na pananalangin lamang.”

Nagsalaysay din si Fidel ng mga bagay tungkol sa kanya. Sinabi niyang dito sa London siya pinapag-aral ng mga magulang. Nagtapos siya sa Oxford University. Isa siyang kuwalipikadong Accountant at nagdalubhasa sa Economics. Pinamamahalaan niya sa kasalukuyan ang negosyong ipinundar ng kanyang mga magulang, isang import-export enterprise.

“Mayaman ka pala, Kuya Fidel. Kung nanaisin mo’y makatutulong ka nang malaki sa ating mga kababayan sa bansang ito. Maaari kang umanib sa mga organisasyon ng mga kababayan natin.”

“Masyadong busy ako. Saka bakit ako makikilahok sa mga organisasyon dito? Alam mo bang ang karamihan sa mga samahang ‘yan ay pinamumunuan ng mga taong walang inaatupag kundi sariling kapakanan? Marami rito’y may pilosopiya, na ang buhay raw e kanya-kanyang pakikipagsapalaran…walang pakialaman. This is a free country. Kanyang buntot – kanyang hila; kanyang lutas – kanyang problema.”

“Kuya, hindi ganyan ang buhay na gusto ng Diyos para sa atin. Nais niyang mahalin natin ang ating kapuwa nang tulad sa pagmamahal natin sa ating sarili.”

Nagsikap si Elena na kumbinsihin ang binata sa makatao at maka-Diyos na paraan ng pamumuhay. Sinabi niyang naririto siya sa London upang ipalaganap sa mga kababayan ang pagtutulungan, pagdadamayan at pagmamahalan. Na kung isasa-puso ito ay magkakaroon ng makatuturang pananaw ang mga tao sa kahalagahan ng pag-asa at pananalig. Na ang mga tao’y nilikha ng Diyos hindi para sa sarili lamang, manapa’y para sa isa’t isa. Na tayo’y may pananagutang umibig sa Diyos na lumalang sa atin at sa ating kapuwa.

Sa mahusay na paglalahad ng madre ng mga kaisipang iyon, nakatungong tumahimik si Fidel. Ang mga katagang binibitiwan ni Elena’y naglagos mandin sa pinakaliblib na lugar ng puso ng binata.

“Kuya Fidel, para sa akin…at para sa Diyos, maaari bang mag-ukol ka ng panahon sa ating mga kababayan, at maging bahagi ka ng lipunang-Filipino sa bansang ito?”

May luhang gumilid sa mga mata ng binata. “Oo, Elena…Oo…gagawin ko!”

Nagmamaneho nang pauwi si Fidel pagkagaling sa tirahan ng mga madre. Isang van ng walang ingat na tsuper ang malakas na bumangga sa kanyang kotse. Isinugod ang binata sa malapit na ospital. Bagama’t hindi gaanong malubha ang pinsala, kinailangang tumigil siya sa pagamutan ng ilang araw.

“May dalaw po kayo,” sabi ng nurse. “Mukhang marami po sila.”

“Patuluyin mo,” tugon ni Fidel.

Nangunguna si Elena, kasunod ang ilang kababayan.

“Kuya, mabuti’t hindi gaanong malubha ang pinsalang natamo mo sa aksidente. Lagi kitang ipinagdarasal.”

“Maraming salamat.”

“Siyanga pala, Kuya Fidel,” tumingin sa mga kasama, “sila ang mga pinuno ng ilang organisasyon ng mga kababayan natin dito sa London.”

Kumamay na isa-isa sa binata ang mga bisita at iniabot ang ilang mumunting regalong dala nila. Hangad daw nila ang madaling paggaling ni Fidel.

Tumimo at nakabagbag sa puso ng binata ang pagdalaw ng mga kababayan. Taimtim siyang nagpasalamat nang magpaalam ang mga ito.

Makailang araw gumaling na si Fidel at lumabas na sa pagamutan.

MULA noon, naglaan ng panahon si Fidel para sa mga kababayan. Tuwing mga araw ng Sabado at Linggo, malimit na kasama siya ni Elenang nakikisalamuha sa kapuwa Filipino. Ginawa siyang tagapayo ng ilang samahan, at ito’y di niya tinanggihan. Kung hindi gaanong abala sa opisina, hindi man weekend, dumadalo siya sa pagpupulong ng mga organisasyon.

Nguni’t ang malimit na pagsama-sama ni Fidel kay Elena ay nagdulot sa puso ng masidhing pag-ibig sa kaibigan. Maraming mga gabing hindi siya makatulog. Umuukilkil sa kanya ang sinisikil na damdamin. Subali’t papaano niya mabibiglang-laya at maipagtatapat ang pag-ibig na iyon. Madre ang kaibigan niyang minamahal. Ang panliligaw niya rito’y talos niyang isang kalapastanganan. Sumisigaw ng pakundangan ang kanyang budhi! A, hindi siya makapagtatapat…hindi siya makapanliligaw…malaki ang paggalang niya sa kaibigan!

Di man nagsasabi’y batid ni Elenang hindi lamang siya hinahangaan ni Fidel. Nararamdaman niyang may banyagang damdaming iniuukol sa kanya ang binata. Maililihim ang maraming bagay, datapwa’t ang pag-ibig ay di maikukubli. Kung hindi man ang salita, ay nagkakanulo ang mga sulyap at mga kilos ng isang nagmamahal. Gusto na sana niyang iwasan ang binata, pagka’t sa damdamin niya’y may moog na rin ng maka-taong pag-ibig na unti-unting nalikha. Bagama’t isang madre, tao rin siyang may pusong nasasaling…marunong humanga at umibig. Nguni’t ang pag-iwas sa kaibiga’y alam niyang makaaapekto sa ginagawa niyang paglilingkod sa mga kababayan, gayon din sa nasimulan nang makabayang gawain ni Fidel. Nagpasiya siyang huwag nang iwasan ang binata. Sisikilin na lamang niya ang damdamin at pagbabawalan ang pusong umiibig.

LUMIPAS ang mga taon. Tapos na ang misyon ni Elena sa London. May natanggap siyang kalatas ng kautusan mula sa Madre Superyora. Idinidestino raw siya sa Roma, kung saan naroroon ang Mahal na Papa. Doon niya ipagpapatuloy ang paglilingkod sa Diyos.

Maraming Pilipinong naghatid kay Elena sa London Heathrow Airport. Maraming lumuluha…maraming nasasaktan…kabilang doon si Fidel.

Mahigpit na yumakap si Elena sa kaibigang binata, umiiyak, “Lagi kitang ipagdarasal, huwag kang makalilimot sa Diyos!”

“Oo,” basag ang tinig ng binata. “Asahan mong ipagdarasal din kita.”

Nakangiti, nguni’t lumuluha, habang papalayong kumakaway kay Fidel si Sister Maria Elena, ang madreng nagmulat sa kanya sa katotohanan ng buhay at natutuhan niyang ibigin nang lihim! –

Si Mang Estong

ni Lamberto B. Cabual

MALAT ang tinig na binasa ni Mang Estong ang kanyang tula sa harapan naming mga kasama niya sa KAPILING, isang samahan ng mga manunulat sa London. “Kamanunulat na Pilipino sa Inglatera” ang ibig sabihin ng Kapiling.

Nguni’t dahil marahil sa magpipitumpung taon na si Mang Estong, tila hindi na siya makabigkas nang maganda. Bukod sa malat ang tinig niya’y hindi na niya gaanong mabigyang-buhay ang tulang binabasa o binibigkas. Gayunma’y dinig kong mahusay naman ang sinulat na tula ng matanda.

Nang kabataan daw ni Mang Estong ay mahusay siyang mambibigkas. Luma raw ang kanyang mga kababatang makata sa kanilang lalawigan. Kung malungkot ang tula’y kaya niyang magpaiyak, at kung nakatatawa ang tula, kaya niyang magpahalakhak. Ayon kay Jennifer, ang editor ng Pinoy’s Courier dito sa London at kamembro namin sa Kapiling, sinira raw ng alak ang tinig ni Mang Estong. Subali’t bukod sa makata’y kuwentista at nobelista pa raw si Mang Estong, sabi niya.

“Jenny, bakit mo alam na sobra kung uminom at sinira ng alak ang tinig ni Mang Estong sa pagbigkas?” tanong ko.

“Nakakausap ko kasi siya, at naipagtapat niya sa akin,” kumindat siya, “malakas daw siyang uminom lalo na nang kabataan pa niya.”

“Uy, mukhang friend mo siya, ha?”

“E, nakikipagkaibigan siya e.”

“Talaga, ha?”

“Alam mo namang hindi ako suplada,” ngiti ni Jenny, “saka mabait naman siya.”

“Baka may gusto sa ‘yo,” biro ko. “Balo ‘yon, di ba?”

“Ay, ‘no ka ba?”

“Pag nagkataon, magkakaroon ka ng boy friend, at the same time, may Daddy ka pa.”

“E, ano namang masama no’n,” nakatawa si Jenny, “wala siyang asawa at dalaga naman ako!”

Tinutudyo ko si Jenny dahil sa hindi ang pagkamakata at pagkamanunulat ni Mang Estong ang umuukilkil sa isip ko. May lumalaganap na balitang pilyo raw siya sa tsiks. At ang mga tsiks na nabibiktima niya ay pawang mga bata pa. Halos kakalahati o sasangkatlo ng edad niya ang pumapatol sa kanya. At si Jenny na dalaga at dalawampu’t walong taon lamang ay halos sing-edad ng misis ko. Kaibigang matalik namin ng asawa ko ang diyurnalistang ito. Gusto namin siyang paalalahanan.

Papaano kaya nagagawa ni Mang Estong na bumingwit ng kay babatang dalaga? Nagtataka ako, hindi naman siya guwapo. May gayuma yata sa babae.

O baka naman kaya dahil sa mayaman si Mang Estong. Kasi retiradong Bar Tender siya sa London Hilton. Malaki raw ang kita ng Bar Tender nang panahon niya sa otel.

Nakabili raw siya ng isang four-bedroom house, ipinagbili niya ngayong maedad na siya, at bumili na lamang ng isang munting flat. Mukhang malaki ang naipon ni Mang Estong. Limpak daw ang deposito niya sa Building Society.

Anuman ang talagang dahilan ng pamimleyboy ni Mang Estong, basta gusto namin ng misis kong babalaan si Jenny.

“Jenny, nais naming paalalahanan ka tungkol kay Mang Estong,” turing ni misis, “mukhang malapit na malapit ka sa kanya.”

“E, maano naman ‘yon,” sagot niya, “nakikipagkaibigan lamang naman ‘yong tao.”

“Alam mo ba ang lumalaganap na usap-usapan tungkol sa kanya?” tanong ko.

“Ano ‘yon?” nakatingin sa amin si Jenny. “Parang worried na worried kayong mag-asawa.”

“Playboy daw si Mang Estong,” sabi ni misis, “at maraming nabibiktimang mga babaeng simbata mo at ang iba’y mas bata pa sa iyo. Worried kami sa ‘yo dahil matalik ka naming kaibigan.”

“Ano ba naman kayo,” napahagikhik si Jenny, “ang tanda-tanda na no’ng tao, saka hindi naman lumiligaw sa akin. Baka naman tsismis lang ang nasasagap n’yo.”

“Basta gusto naming mag-ingat ka,” aniko, “ayaw naming may pagsisihan ka sa bandang huli.”

“O, sige, salamat sa mga paalaala ninyo,” nakangiti ang magandang kaibigan namin, “mag-iingat na po, promise!”

Alam namin ng misis kong hindi nababahala si Jenny sa kabila ng aming mga paalaala. Tuloy siya sa pakikipagmabutihan kay Mang Estong. Hindi kami tumigil, malimit na sinusubaybayan namin si Jenny, lalo na kung alam naming kasama ang matandang palikero.

Sa isang restorang-Pilipino sa Earls Court nasubaybayan namin si Jenny. Nakakuha kami ng impormasyon na kakatagpuin daw niya roon si Mang Estong.

Maagap kaming dumating ng asawa ko sa Earls Court, sa hindi kalayuan sa restoran. Binantayan namin si Tandang Estong at si Jenny sa isang kubling lugar, sa isang parke na may upuan, hindi kami makikita.

Lumipas ang ilang minuto, nakita naming dumarating ang kotse ni Mang Estong na pumarada sa harap ng restoran. Umibis siya sa sasakyan. Magara ang bihis ng matanda. Dahil sa summer, nakabarong-Tagalog at brown ng pantalon. Mas batang tingnan kaysa talagang edad niya. Pumasok siya at naupo sa isang mesang malapit sa bubog na dingding. Transparent ang dingding at nakikita ang mga tao sa loob. Sa kinaroroonan namin, kitang-kita si Mang Estong.

Kapagkuwan, dumating si Jenny na sakay ng isang mini-cab. Ang ganda-ganda niya. Sa soot niyang bestidang dilaw na walang manggas ay litaw na litaw ang kanyang kaputian. Katamtaman ang taas ng takong ng soot niyang sapatos. Nasok si Jenny sa loob ng restoran at naupo sa katapat na upuan ni Mang Estong. Lumapit ang waiter at nakita naming nag-order sila ng kakanin at iinumin.

“Ling, masayang-masaya sila,” puna ni misis. “parang may relasyon na yata sila.”

“Mag-obserba pa tayo,” sabi ko, “baka naman magkaibigan pa lang.”

“Sige, hindi tayo aalis hangga’t hindi sila lumalabas ng restoran.”

Nakita naming nagtatawanan at nagtutuksuhan ang dalawa habang kumakain. Tila ba malapit na malapit ang damdamin nila sa isa’t isa. Gusto ko nang maniwalang si Jenny ay magiging biktima ng kapilyuhan sa babae ni Mang Estong.

Nagpatuloy kami ng pagmamasid. Nabaghan kami nang makita naming nakahawak si Mang Estong sa kamay ni Jenny. Mayamaya lamang ay tumayo at lumabas na ng restoran ang dalawa. Sa labas, bago sumakay ng kotse si Mang Estong ay ginawaran niya ng halik sa pisngi ang dalaga. Tumawag si Jenny ng taxi at umalis na rin.

Sa loob-loob ko, marahil naghiwalay sila ng sasakyan upang hindi mahalata na talagang magsiyota na sila. Nahihiya rin marahil sa kapuwa Pilipino dahil sa agwat ng kanilang mga edad. Datapwa’t kung talagang tunay na umiibig sila sa isa’t isa, hindi sila dapat na mahiya.

Naragdagan ang kutob kong gusto lamang biktimahin ni Mang Estong si Jenny.
Lumaki pang lalo ang aming pangamba ng misis ko nang sa mga pagpupulong ng Kapiling ay nakikitang laging magkatabi sina Mang Estong at Jenny. May mga nagsasabi pang kung nalalasing sa pakikipag-inuman ang matanda ay sinusundo ito ng dalaga naming kaibigan.

Nakikiramdam pa rin ako sa mga nangyayari, nguni’t ang asawa ko’y hindi na mapalagay.

“Ano kaya ang mabuti nating gawin, Ling? We should not give up,” nakakunot-noo ang misis ko. “Umisip pa tayo ng ibang paraan upang iligtas si Jenny.”

“Sa susunod na miting namin sa Kapiling,” sabi ko, “kakausapin ko na si Mang Estong.”

“Ano naman ang sasabihin mo?” nakatingin siya sa akin, “baka masabihan ka ng… mind your own business!”

“Hindi naman marahil, kasi sasabihin ko sa kanyang concerned lamang tayo kay Jenny.”

“Sana nga ay hindi magalit sa iyo si Mang Estong pag kinausap mo.”

“Ang idalangin mo ay huwag bibiktimahin o lolokohin ni Mang Estong si Jenny, dahil pag ginawa niya ‘yon,” nagtiim ang aking mga bagang, “bugbog sarado siya sa akin!”

LUMIPAS ang isang buwan, dumating ang takdang araw ng pagpupulong ng Kapiling. Inabangan ko si Mang Estong.

Nagsimula na ang pagpupulong. Wala si Mang Estong at hanggang sa matapos ang pulong ay hindi sumipot. Hindi alam ng Pangulo kung bakit wala si Mang Estong. Ang ipinangamba ko, wala rin si Jenny. May kutob akong magkasama sila at napapahamak na nang husto ang kaibigan naming journalist sa kamay ng matandang pilyo sa girls.

Umuwi ako sa bahay at ibinalita ko sa asawa kong wala sa pulong ng Kapiling si Mang Estong, saka wala rin si Jenny.

Nagpasiya kaming puntahan sa kanilang tahanan si Mang Estong at doon namin siya kakausapin.

Sa flat ni Mang Estong, nag-door bell kami. Walang nagbubukas ng pinto. Baka sira ang door bell. Paulit-ulit kaming kumatok. Wala ring nagbubukas. Mayamaya’y may lumapit sa aming isang Pilipinong naninirahan sa karatig na flat ng matanda.

“Wala pong tao riyan,” sabi ng lumapit sa amin. “Dinala po siya ng ambulansiya sa ospital.”

“Bakit, ano’ng nangyari sa kanya?” gulat ko. “At saang ospital siya dinala.?”

“Basta nakita ko na po lamang na may ambulansiya sa tapat namin at usung-usong si Mang Estong na isinakay,” pahayag ng kausap namin. “Ang dinig ko po’y sa Central London Hospital dadalhin.”

Sugod kami ni misis sa ospital. Habang sakay kami sa kotse na patungo roon, tila ba nawala na sa amin ang hindi mabuting mga hinala kay Mang Estong. Habag sa matanda ang wari’y humalili sa aming damdamin.

Hindi namin sukat akalaing daratnan namin sa ospital si Jenny. Nasa labas siya ng ICU (Intensive Care Unit) at umiiyak. Nang makita niya kami’y yumakap siya sa misis ko, napahagulgol siya.

Lumikha ng ingay ang paghagulgol ni Jenny, kaya nilapitan kami ng isang nurse at inihatid si Visitor’s Room. Tahimik kaming naupo.

Si Jenny ang unang nagsalita, aniya’y siya ang tumitingin sa matanda.

“Malubha siya, Ate,” aniya. “May kanser siya sa atay at may taning na ang kanyang buhay!”

“H’wag kang mawalan ng pag-asa,” bulong ni misis. “May awa ang Diyos.”

“Mahal ko siya, Kuya,” binalingan ako ni Jenny, “at talagang balak ko nang ipagtapat sa inyo ni Ate ang aming relasyon.”

Nanahimik kami ni misis.

“Kahi’t matalik tayong magkakaibigan, Kuya, Ate,” nakatungo si Jenny, “marami pang mga bagay kayong hindi alam tungkol sa akin.”

Mataman kaming nakikinig.

“Laki ako sa Lola,” may luhang gumilid sa mata niya. “Maliit pa ako nang iwan ako kay Lola ng mga magulang ko.”

Ayon kay Jenny nagtaksil sa tatay niya ang kanyang inay at sumama ito sa ibang lalaki. Subali’t hindi nagtagal ay namatay ang inay niya, kasama ng kalaguyo nito, sa isang motor accident. Ang pagkatuklas sa kataksilan ng asawa at ang pagkamatay nito sa piling ng kalaguyo ay labis na ipinagdamdam ng kanyang tatay.

“Ano’ng ginawa ng tatay mo?” si misis

“Naglayas at nagpakalayu-layo si Tatay.”

“At iniwan ka niya?”

“Oo,” humikbi siya, “naiwan ako kay Lola.”

Maykaya raw sa buhay ang Lola ni Jenny at napapag-aral siya nito. Napapagtapos siya sa kolehiyo. Pangarap niyang makapangibayong-dagat, kaya humingi siya ng pahintulot sa kanyang Lola upang makapagtrabaho sa ibang bansa. Pinayagan daw siya. At nagkapalad siyang makarating at makapaghanapbuhay sa London

Sa bahaging ito ng pagsasalaysay, nakayukong huminto at nagbuntunghininga si Jenny. Namayani ang katahimikan.

At ako ang bumasag ng katahimikang yaon.

“Jenny, ‘lam mo bang sinubaybayan ka namin nang magkita kayo ni Mang Estong sa restoran sa Earls Court noong isang buwan?”

“Talaga?”

“Pero nang lumabas kayo ng restoran, bakit naghiwalay kayo ng sasakyan. Si Mang Estong ay sa kotse niya at ikaw naman e nag-taxi.”

“Kinailangan kong dumaan sa opisina ng Pinoy’s Courier, at magkaiba ang direksiyon ng pupuntahan namin,” wika ni Jenny.

“Bakit nga pala may usap-usapang babaero si Mang Estong at ang pinipili pa’y yaong lubhang mga bata kaysa kanya?” tanong ni misis.

“Naipagtapat niya sa akin, Ate, na noon ay sabik siya sa pagtingin ng nakababatang kapatid at nakikita niya iyon sa mga nakababatang kaibigan niyang manunulat na dalaga. Wala siyang anumang masamang motibo.”

“Kung gayo’y mali ang bulung-bulungan at iniisip ng mga tao,” sabi ko naman.”

“Oo, Kuya, maling-mali ang hinala nila sa kanya. Malinis at maganda ang isipan at puso niya, sinlinis at singganda ng kanyang mga tula.”

Talamak na ang kanser sa atay ni Mang Estong at namatay siya sa ospital. Labis na ipinagdamdam ni Jenny ang lahat.

Sa gabi ng paglalamay sa yumao, naroon kami ng asawa ko. Nakalaan kaming magbigay ng anumang tulong na kailangan ni Jenny sa kanyang pagdadalamhati.

Hindi pa naitatakda ang libing ni Mang Estong.

“Jenny, kailan ba ang libing ng boy friend mo?” tanong ko.

“Hindi ko siya boy friend, Kuya”

Namangha ako, “bakit, nagpakasal na ba kayo… secretly married ba kayo?”

“Hindi rin, Kuya.”

“Kung hindi, e… bakit nagmamalasakit ka sa kanya nang ganito?”

Tinitigan niya ako, “Kuya, siya ang…” may luhang naglandas sa kanyang pisngi.

“Sino nga siya?” hinawakan ko siya sa balikat.

Yumakap siya sa akin, “Siya ang ama ko!” bigla siyang humagulgol.

Tigalgal kaming napaupo ni misis sa kalapit na sopa! —

Mayo At Disyembre

ni Lamberto B. Cabual

“MAHUSAY ang pagkasulat mo nitong iyong essay tungkol sa pag-ibig, Bheng,” may paghangang puna ni Leo sa matalino at maganda niyang estudyante. “Journalism o creative writing ang naghihintay sa iyong kinabukasan.”

Pumalakpak sa papuri ang buong klase. Tumunog ang bell at nagmamadaling nagsilabas ang mga mag-aaral na nasa silid-aralan, liban kay Bheng.

“Sir, salamat sa papuri mo. Pinagbuti ko iyan para sa iyo. Ikaw, Sir, ang inspirasyon ko sa pagsulat.”

“Talaga, tila wala na akong ituturo sa iyo tungkol sa pagsusulat sa tema ng Pag-ibig.”

“Theory lamang iyan, Sir, gusto kong ituro mo sa akin ang application.”

“Miminsan ko lang naranasan iyon sa aking misis. Wala akong maraming karanasan tungkol doon.”

“Titser ka, maaaring turuan mong muli ang iyong puso.”

“Natuturuan ba ang puso?”

“Siyempre naman,” ngiti ni Bheng habang nakatitig ang malamlam na mata kay Leo. “Mas alam mo ’yan, Sir, dahil guro ka.”

“Sa parteng iyan e tila magaling ka kaysa akin.”

“Kung gusto mo, Sir, e, ituturo kong lahat sa iyo ang nalalaman ko sa paksang iyan.”

“Sige nga, bigyan mo ako ng lecture sa ganyang topic.”

“Doon tayo sa Plaza Mabini, Sir. Sasabihin ko sa iyo ang lahat.”

“Okey.”

MAGKASAMANG nagtungo sa liwasan ang matalisik na guro at ang brain and beauty na estudyante.

Sa una’y masayang-masaya ang pag-uusap nila. Pinag-usapan nila ang iba’t ibang kahulugan ng pag-ibig. Ang pakahulugan ni Balagtas sa temang ito sa walang kamatayang Florante at Laura, “O, pagsintalng labis ang kapangyarihan, sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw…” Ang pananaludtod ni Huseng Batute, “Ang Pag-ibig ay may mata, ang Pag-ibig ay di bulag, ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak!” at ang sinabi ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Conrinto, “Matiyaga ang pag-ibig at may kagandahang-loob, hindi ito naninibugho, nagmamapuri o nagmamataas…”

Anupa’t masiglang-masigla ang kanilang makabuluhang pag-uusap. Ang bawa’t isa sa kanila’y naghanay ng magagandang opinion tungkol sa paksang matamang pinag-uusapan.

Nguni’t sa dakong huli’y may sinabi ang dalagang labis na ikinagulat ng guro.

“What?” tarantang napatingin si Leo kay Bheng, “ano’ng pinagsasabi mo? Nasisiraan ka na ba ng ulo?” marahan subali’t may tatag na bulalas ni Leo habang minamalas ang tila hugis-pusong mukha ng dalaga. Inaaninaw niya sa kislap ng mga mata ni Bheng ang katotohanan ng ipinagtapat nito.

Matipid at may bahagyang pait ang ngiting sumilay sa maninipis na labi ng binibining estudyante bago nagsilita. “Kung pagkasira ng ulo ang pakahulugan mo roon, ay Oo…nasisiraan ako ng bait nang dahil sa iyo,” may katiyakang sagot ni Bheng habang minamalas ang maamong mukha ng kausap na guro.

Tumanaw sa malayo, nakakunot ang noo at seryosong-seryoso ang mukha, ipinakita ni Leo sa dalaga ang tibay ng kalooban sa kanyang mga pahayag.

“Sorry, Sir,” nangilid ang luha ng dalagang estudyante. “’Yon talaga ang aking nararamdaman.”

“Naiintidihan mo ba ang sinasabi mo?” mabalasik na tanong ng guro.

“Sir, alam ko ang aking ginagawa at sinasabi.”

“Isang malaking kahibangan!”

“Hindi, Sir,” nakatungo si Bheng, “basta ang alam ko’y mahal kita!”

“Tumigil ka sa kabaliwan mo!” pinandilatan ng guro ang magandang mag-aaral niya.

“Sir, h’wag mo akong kagalitan,” hilam na sa luha ang mga mata ni Bheng. Umiibig ako, at nagkataong ikaw ang itinitibok ng puso ko.”

MALAKI ang agwat ng edad nina Leo at Bheng. Mag-aapatnapung taon na ang guro samantalang ang mag-aaral niya ay labing-anim na taon pa lamang. Kumbaga sa santaon, ang dalaga’y buwan pa lamang ng Mayo, buwan ng pamumukadkad ng bulaklak, at ng paglulunti ng paligid sa pagpatak ng ulan.

Subali’t kahima’t buko pa lamang kumbaga sa bulaklak si Bheng, dahil sa di pangkaraniwang ganda at talino ay di kataka-takang magkaroon ng hukbo ng mga tagahanga at manliligaw. Katunaya’y nagkaroon na siya ng boy friend, subali’t sa napakaikling panahon lamang. Kinalasan niya agad ang unang kasintahan sa isang malalim na dahilang hindi niya maarok. At nangyari ang pakikipagkalas na yaon nang makilala ang iniidolo niyang guro.

Kung ihahambing ang guro sa bata pang binibini, siya’y nagsisimula nang tumapak sa buwan ng Disyembre, na bagama’t malamig ang dapyo ng hangin dahil sa nalalapit na kapaskuhan at sa pagpapahimakas ng lumang taon, siya’y dumanas na ng pag-uulayaw ng init at lamig, ng dilim at liwanag. Hinog na siya sa karanasan at bantad na sa kaway ng mahiwagang pagsinta.

Kabilang si Bheng sa Advising Section ni Leo at sa simula pa lamang nang pasukan nila ng taong iyon ay naging malapit na sila sa isa’t isa. Pinakamahusay palibhasa ang dalaga sa mga tinuturuan ni Leo kaya palagay ang loob ng gurong ang paglapit-lapit nito ay bahagi lamang ng pamimitagan. Datapwa’t ngayo’y nagulumihanan siya sa narinig sa pinakamatalino at pinakamagandang mag-aaral. Hindi siya makapaniwala!

“Please, Bheng, huwag naman ako,” nagsusumamong tinig ni Leo. “Guro mo ako at eskuwela kita.”
“Ito ang aking nararamdaman, Sir.”

“Supilin mo na ang damdaming, iyan,” giit ng guro, “nakikiusap ako.”

“A, basta’t mahal kita,” biglang niyapos ni Bheng si Leo at sa pagkakaupo ng guro’y inihinang ng dalaga ang kanyang mga labi sa mga labi nito.

May daluyong na nag-alimpuyo sa dibdib ng guro na hindi napigilan. Sinalubong niya ng nag-aapoy ring halik ang mga labi ng magandang mag-aaral.

Pagkatapos ng simbuyong yaon ay pinagala ng guro ang paningin sa paligid. Salamat at walang ibang tao, nasabi niya sa sarili.

ANG totoo, sa kabila ng mga pagbabawal ng guro sa iginigiit ni Bheng, ang pagtutol na iyon ay may bahid ng pagsisimpi. May hiwagang namumugad sa kanyang dibdib. May bugtong sa puso niyang di maihanap ng sagot.

Dapat niyang aminin sa sariling mahal din niya ang maganda at masigla niyang eskuwela. Noon pa mang una niya itong makita at makilala ay ibig na niya itong suubin ng papuri, ibig niyang bumigkas ng isang malamyos na tula para sa binibini, palibhasa’y isa siyang makata at guro ng panitikang Ingles at Filipino.

Ibig kong ibukas yaring abang puso
Na bihag ng isang lihim na pagsuyo;
Mag-aaral ka ma’t ako’y iyong guro,
Nawa’y marinig mo ang piping pagsamo!

Hindi niya magawa ang pagtulang iyon, baka pagtawanan siya, dahil sa agwat ng kanilang edad. Si Bheng ay Mayo, siya ay Disyembre. Nag-aalang-alang siya sa batambatang mag-aaral na itinitibok ng puso. Ang mga taludtod at rimang iyon ay nanatili na lamang na naglalatak sa kanyang kaibuturan.

Ang lalo pang malaking dahilan kaya ayaw niyang patulan ang dalaga ay may pananagutan na siya sa buhay, bagama’t hindi sila nagkakaanak ng kabiyak sa loob ng dalawampung taong pagsasama.

NANG binata pa si Leo ay ipinagkasundo siya ng kanyang mga magulang na ipakasal sa babaeng anak ng kumpare ng kanyang ama, si Helen. Halos magsing-edad sila nito. Hindi na siya tumutol sa mga magulang dahil nang makita niya ang babaeng gusto ng mga magulang ay hinangaan na rin niya ito. Ang isa pa’y ayaw niyang bigyan ng sama ng loob ang mga magulang. Laki siya sa tradisyon ng pamilya na ang anak ay walang tanung-tanong na sumusunod sa ginugusto ng ama’t ina.

Gusto rin ni Helen si Leo, kaya naganap ang kasalan. Magkaiba sila ng propesyon ni Helen. Ang babae’y tagapagbalita sa radyo sa lokal na himpilan sa Lungsod ng Batangas, samantalang si Leo ay isang guro sa mataas na paaralan. Gayunma’y magkasundo sila sa mga unang taon ng kanilang pagsasama.

Ang hindi pagkakasupling ng mag-asawa’y naging sanhi ng unti-unting panlalamig ng kanilang buhay-may-asawa. Gustung-gusto ni Leo na magkaanak datapwa’t ang babae’y hindi mandin interesado sa gayon. Magandang babae si Helen, matangkad, at ang lalong makatatawag ng pansin ay ang magandang hubog ng katawan nito. Sa loob ng unang pitong taong pagsasama’y ayaw pang mag-anak, hindi niya nais na masira ang anyo ng balingkinitang katawan.

Sa pakiusap ni Leo ay pumayag na rin si Helen na mag-anak sa ikawalong taon ng kanilang pagiging mag-asawa. Subali’t ang kasunduang yao’y biniro ng tadhana. Sinabi ng doktor ng pamilya na si Helen ay hindi na maaaring magkaanak. May kapansanan siya sa matris at hindi maaaring magdalantao.

Ang mga pangyayaring ito’y lubhang ikinalungkot ni Leo. Pumanaw ang pag-asa niyang magkaroon ng mga anak. Nalungkot din si Helen. Mula noo’y mag-usap-dili ang mag-asawa, bagama’t hindi naman sila nag-aaway.

“SIR, mahal mo rin ako, hindi ba?” nakatingin ni Bheng sa guro.

Nakatungo si Leo, animo’y aliping natutop sa pang-uumit ng mahalagang bagay na pag-aari ng kanyang panginoon, animo’y bilanggong nadakip ng kanyang tanod sa tangkang pagtakas.

“Huwag mong linlangin ang iyong sarili, Sir,” pagpapatuloy ng dalaga, “sabihin mo ang katotohanan.”

“Magtigil ka,” pagmamatigas pa rin ni Leo. “Di mo ba alam na kung papatulan kita’y masisira ang buhay mo?”

“Ano’ng halaga ng buhay kung wala ka?”

“Dala ka lamang ng simbuyo ng damdamin, Bheng.”

“Aminin mong mahal mo ako,” yumakap ang dalaga sa guro.

Ang yakap na yao’y ginanti ni Leo ng kapuwa yakap, at sa kanyang mga mata’y gumilid ang luha. “Oo, mahal din kita,” tuluyan nang naglandas ang luha sa pisngi ng guro.

Napaiyak din si Bheng, “Sir, mahal na mahal kita!”

“Magtungo tayo sa upuan sa tabi ng punong-akasya,” kumalas sa pagkakayakap si Leo. “Kubli ang lugar na iyon, at walang makapapansin sa atin.”

Kumalas din sa pagkakayakap ang dalagang mag-aaral, “Sige, tayo na.”

At sa upuang yaon, sa may punong-akasya, sa pagkukubli ng araw sa kanluran, sa pagtugtog ng orasyon, ay ganap na sumanib ang Mayo sa Disyembre. Ang nagbabalang dagim ng ulan sa tigang na bukirin ng Mayo ay tuluyang ibinuhos ng balumbon ng mga ulap. Pinaram ng Mayo ang lamig at hinahong taglay ng Disyembre. At pinagsaluhan nila ang di karaniwang timyas ng bagong luwal na pagsuyo.

Bago sila maghiwalay ay muling naghinang ang kanilang mga labi. Nasa gayon silang akto nang biglang humantad ang asawa ni Leo, si Helen.

“Aha, ang magaling kong asawa,” malakas ang tinig ng maybahay ni Leo, “at kaya pala ginagabi sa pag-uwi ng bahay ay may batang-batang kerida!”

“Helen!” mangha ni Leo.

“Sayang, guro ka pa naman na dapat maging huwaran ng iyong mga mag-aaral,” galit na galit ang ginang. “At ikaw, batang babae, na eskuwela yata niya, di mo ba alam na mawawasak ang kinabukasan mo sa lalaking iyan!”

Walang kibong napatungo si Bheng.

Matalim na tingin ang itinudla ni Helen kay Leo, “Sa bahay, Leonardo, pagkikita natin … magtutuos tayo!”

Magsasalita pa sana si Leo, nguni’t biglang tumalilis si Helen. Sumakay ng kotse at pinaharurot iyon.

Sa pangingipuspos, napaupong nanlulumo si Leo, samantalang si Bheng ay umiyak nang umiyak sa dibdib ng itinatanging guro.

Sa kanilang mga puso’y gustung-gustong papaghugpungin nina Leo at Bheng ang malaking puwang ng kanilang panahon. Bakit hindi sila naging magkapanahon?—bakit kailangang si Bheng ay maging Mayo at si Leo ay maging Disyembre? Bakit?

Hindi batid ng Mayo at Disyembre kung sa takipsilim ng kanilang lunting suyuan ay may umaga pang naghihintay! —

May Lihim Ang Bahay-bahayan

ni Lamberto B. Cabual

MASAKIT ang sigid ng init ng araw sa balat, ikasampu pa lamang ng umaga. Sinimulan na ang paggawa ng isang mansiyon na umano’y pag-aari ng isang maykaya. Hindi namin kilala ang may-ari ng ipinagagawang ito. Ayaw raw na magpakilala. Sa isip-isip ko, marahil ay isang malaking pulitiko na ayaw mabisto ang kayamanan sa pangambang baka siya’y imbestigahan at makasuhan ng Inexplicable Wealth.

Isa akong arkitekto, at bukod sa rito’y Civil Engineer pa. Dalawa ang kurso kong natapos. Matiwasay akong nakapagtapos ng high school sa pagpupunyagi ng aking mga magulang. Mapangarapin ako at nag-working student ako sa siyudad. Awa ng Diyos, maluwalhati akong nakatapos ng dalawang kurso na kapuwa ko naipasa sa eksamen ng pamahalaan. Kaya ngayo’y licensed Architect at licensed Civil Engineer ako.

Sa ginagawang malaking gusali, ako ang arkitektong gumuhit ng plano at ako rin ang enhenyero. Hindi ko alam kung sino ang nagpapagawa, basta may kinatawan siyang nakipagkontrata sa akin. Pumayag ako, di ko man kilala ang may-ari, tutal babayaran naman ako sa halagang napagkasunduan. Ang kinatawan ng nagpapagawa ang pumirma sa kontrata.

Ang foreman na raw ang bahala sa lahat, sa pagbili ng mga materyales, pagpapatrabaho sa steel man, kapentero, tubero, electric man at labor. Basta’t ako’y manaka-naka raw lamang na sisilip upang tingnan kung tama ang ginagawa ng mga trabahador. Nguni’t ang nais ko’y tumutok sa ginagawang bahay. Gusto kong makita at masubaybayan nang malapitan ang lahat nilang ginagawa. Hangad kong ang bawa’t bahay o gusaling ako ang arkitektong gumuhit at enhenyerong namamahala ay magawa nang tama sa plano at pulido ang pagkakayari.

Kinausap ko ang kinatawan ng may-ari na gusto ko’y naroroon ako habang ginagawa ang bahay upang makatiyak na magiging maayos ang lahat. Subali’t sabi ng kinatawan ay pangingilagan at kasisilungan ako ng mga manggagawa. Para daw sa kabutihan at kapanatagan ng mga manggagawa, minsan-minsan na lamang akong sumipot. Naroon daw naman ang kapatas para ipatupad ang lahat ng nais ko sa pagpapagawang ito.

Iginiit ko ang gusto ko. Iminungkahi kong magpapanggap akong trabahador din, sasama ako sa mga manggagawang nasa grupo ng labor. Pumayag siya at yaon nga ang nangyari, kaya narito ako, kasamang nagtatrabaho at nagpapawis sa init ng araw.

“Pedro, bilis-bilisan mo nga ang paghahakot ng hallow blocks,” sigaw sa akin ng kapatas. “Aabutin tayo ng kuwaresma sa paggawang ito kung ganyan ka kabagal!”

“Opo,” tugon ko naman habang tagaktak ang pawis sa buo kong katawan.

Ang talagang palayaw sa akin ay Peter, nguni’t dito’y Pedro ang itinatawag nila, palibhasa’y nasa labor group lamang ako, busabos ang pagtingin nila sa akin. Wala silang kamalay-malay na ako ng arkitekto at enhenyero ng pagpapagawa ng malaking tahanang ito. Ngali-ngali na akong mainis, magpakilala, at sila ay pagmumurahin ko. Datapwa’t dahil nga sa may misyon ako, kaya dinagdagan ko ang pagpipigil ng sarili.

“Tumulong ka sa paghuhukay pagkatapos niyan.”

“Masusunod po.”

Malimit kaming binubulyawan na nasa pangkat ng labor hindi lamang ng foreman. Ang iba pang matataas sa amin ang tayo, tulad ng steel man, mason, at karpentero, sa paggawang iyon, ay nambubulyaw din.

Lumipas ang mga araw. Nang makapag-layout at iskuwalado na ang mga sulok, sinimulan ang excavation at kaming nasa labor ay pinapaghukay ng pagbubuhusan ng graba, buhangin at semento. Sabi sa akin ng kapatas ay doon daw mag-aasinta ng hallow blocks. Sa loob-loob ko, talagang bangag ang tingin sa akin ng kamoteng ito. Gusto ko nang mayamot at harapin siya, nguni’t nagpigil pa rin ako.

Tutulong sana ako sa pag-aasinta ng hallow blocks subali’t nagalit ang foreman.

“Kay bagu-bago mo e mag-aasinta ka, naloloko ka na ba?”

“Kung hindi po ako magsisimulang gumawa nito, paano po ako matutoto,” sabi ko.

“Hoy, magtigil ka nga, Pedro, gusto mo bang makagalitan ako ng arkitekto at enhenyerong nagplano at namamahala nito?” wika niyang mabalasik.

Ako ‘yon, sigaw ng isip ko na hindi ko maisatinig. “Pasensiya na po kayo, Bossing, gusto ko lamang po namang makatulong.”

“Doon ka nga sa paghahalo ng buhangin, graba at semento,” nakaismid siya, “at huwag kang parang laging natitikbalang.”

“Opo, Sir,” mahinahon akong nagtungo sa mga naghahalo.

KUNG gabing pagod ako sanhi ng maghapong paggawa, sa pamamahinga’y nagugunita ko si Melinda, ang kasintahan kong lumimot na sa akin. Nasasaktan ako kung naaalaala ko siya.

Kay saya ng aming kamusmusan. Mga bata pa kami’y magkapalagayang-loob na kami. Laging kami ang magkalaro palibhasa’y magkapitbahay. Iisa ang harapan ng aming bahay nguni’t sa gawing likuran ng tahanan ng cute kong kababata ay malimit kaming nagbabahay-bahayan.

“Ikaw ang tatay, ako naman ang nanay, payag ka.”

“Siyempre, payag ako, sabi mo e.”

Napapalakpak si Melinda, “Sige, pasok na tayo sa bahay natin.”

Nasok kami sa bahay-bahayang yari sa pinagsagpi-sagping karton. Karton din ang bubong at halos kasiyang-kasiya lamang kaming dalawa.

“Pa’no naman ako magiging tatay, at pa’no ka naman magiging nanay e wala naman tayong anak.”

“Meron na,” nakapikit na ngumuso siya sa akin.

“Nasa’n?”

“D’yan ka lang,” lumabas si Melinda, “kukunin ko ang anak natin.”

Naghintay akong nakahalumbaba, at di nagtagal bumalik siya. May kung anong dala na nasa kamay niyang nakatago sa likuran.

“O, ano ‘yang tinatago mo?”

Inilabas niya ang itinatago sa likod, “O, ito na ang anak natin.”

Inabot ko sa kanya ang isang manika, tuwang tuwa ako, at sa katuwaan ko’y niyapos ko siya at hinagkan sa kaliwang pisngi.

Napahagikhik siya, parang nagustuhan ang ginawa ko. “Hagkan mo rin itong kabila.”

“Bakit?”

“Kasi, nakikita ko, pag hinahagkan ni tatay si inay, magkabilang pisngi ang hinahagkan.”

“Ikaw naman, kulit-kulit . Sige na nga,” hinagkan ko ang kanang pisngi ng kababata ko.

Tuwang-tuwa siya.

NAITAYO na ang malalaking poste ng bahay at mataas na ang asinta ng hallow blocks. Inihanda na ang porma para sa pagbubuhos ng biga. Pinatulong ako ng kapatas sa pagtatayo ng mga pala-pala. Mataman kong inobserbahan ang paglalagay ng mga batangan at suliras. Naisagawa iyon nang ayon sa hangad kong tatag ng bahay. Nagporma ng mga plywood na de medya para sa pag-iislab at yaon ay nilatagan ng bakal na tama sa sukat na gusto ko. Tinalian ang mga bakal ng kawad sa tamang distansiya.

Habang pinagmamasdan ko ang ginagawang bahay, sumilid na naman sa isip ko si Melinda. Tapos na kami noon ng mataas na paaralan at kasintahan ko na siya. Nasa huling taon na siya ng kursong Nursing. Ako nama’y matatapos na rin ng Architecture. Nasa isip ko na rin ang plano kong kumuha ng Civil Engineering.

“Sweetheart, kung kasal na tayo at magpapagawa ng bahay, gusto ko’y matibay at matatag,” wika niyang tila nangangarap, “saka yaong malaki… mansiyon.”

“Bayaan mo,” tugon ko, “magsisikap akong mabuti. Pag natapos ko ang dalawang kursong gusto kong tapusin e maghahanapbuhay ako nang puspusan para sa ‘yo.”

“Oo, ‘lam ko namang gagawin mo ‘yon, tiwala ako sa iyo.”

Inilapit ko ang mukha ko kay Melinda, at naghinang ang aming mga labi. Maligayang-maligaya kami.

“HOY, Pedro, ano ba’t parang namamatanda ka na naman?” bulyaw ng kapatas. “Hindi pu’ede ang babagal-bagal, aba’y nag-iislab na tayo. Bilis-bilisan mo ang paghahakot ng halo at baka abutin tayo ng ulan, tingnan mo’t nagdidiklom ang langit.

“Opo,” sabi ko. Binilisan ko ang aking pagkilos.

Bawa’t isa’y naging masigasig sa aming pag-iislab. Tuloy ang paghahalo ng buhangin, semento at graba, tuloy ang paghahakot ng ng halo, ang iba’y nagpapasa-pasa ng timba ng halo hanggang sa makasapit ito na lugar na binubuhusan.

Nang mahinangan at mabuo na ang mga steel truss, iginayak na ang pagbububong. Ipinahanda at ipinahakot sa amin ng foreman ang nalalabing PVC para sa electrical wiring, at mga yerong pambubong. Elite type ang bubong na gagamitin, kulay maroon.

Anupa’t sa mabilis na paglipas ng panahon ay halos yari na ang ipinagagawang mansiyon.

ISA nang ganap na nars si Melinda noon, ako nama’y ganap nang arkitekto at Civil Engineer, nang isang araw ng Sabadong nasa White Beach kami ng Puerto Galera ay magpaalam siya sa akin.

“Pet, mag-a-abroad ako,” nakalingap sa akin ang mapupungay niyang mata. “Gusto kong magkaroon naman ng ibang karanasan sa pagiging nars.”

“Saan ka naman pupunta?” tanong ko.

“Sa London. Payag ka ba?”

“Kung gusto mo, at inaakala mong makabubuti sa iyo,” turing ko, “siyempre, payag ako.”

“Di ba para din sa atin ito at sa kinabukasan ng ating magiging mga anak?”

“Oo, alam ko ‘yon,” sang-ayon ko, “pero magkakalayo tayo!”

“Lumayo man ako… iiwan ko sa ‘yo ang aking puso at pag-ibig.”

“Talaga?”

“Oo, naman,” humilig siya sa aking dibdib. “Pagbabalik ko, payag na akong pakasal tayo.”

“Promise?”

“Nangangako ako.”

Ang pangakong iyon ng kasintahan ko’y naglahong parang bula. Nitong mga nakaraang buwan ay nawalan na kami ng komunikasyon.

Sa limang taong ipinamalagi niya sa United Kingdom, lagi kaming nag-uusap at nagbabalitaan. Kung di man kami makapag-usap sa telepono, nagpapalitan kami ng text o kaya’y nagpapahatiran kami ng email sa pamamagitan internet.

May ilang buwan na ngayong wala kaming ugnayan. Hindi ko na siya ma-contact. Tila nagpalit siya ng numero ng cell phone at ng email address. Walang sumasagot sa landline na dati kong tinawagan upang kausapin siya. Nilihaman ko siya sa huling pahatirang-sulat na ibinigay niya sa akin, nguni’t walang sagot akong natanggap.

Masamang-masama ang loob ko. Ganito pala ang hirap ng kalooban ng isang tunay na nagmamahal kung limutin ng kanyang minamahal.

Ang kutob ng loob kong lumimot at nagtalusira siya sa aming suyuan ay nagkaroon ng bahagyang linaw nang si Tito Bert na nangingibang-lupa din sa London ay magbalik-bayan. Ibinalita niyang nakita raw niya si Melinda at nakausap. Naging Private Nurse daw ang nobya ko ng isang bilyonaryong British. Pansin niyang si Melinda ay malapit na malapit sa ubod ng yamang pinaglilingkuran. O! Melinda, bakit mo nagawa sa akin ito! sigaw ng puso kong nagdurusa.

Gayunpaman, hindi ko pinabayaan ang aking sarili, ipinagpatuloy ko ang pagsisikap at puspusang paghahanapbuhay. Marami akong naging kliyente bilang Arkitekto at Enhenyero, at ito nga, sa ngayo’y pinagbubuti ko ang pagtatayo ng isang malaking mansiyon dito sa Lungsod ng Batangas.

NAYARI na ang malaking tahanang ginawa namin, liban sa ilan pang bagay.

“Dalhin mo nga rito, Pedro, ang kahon ng mga bisagra at kandado,” utos sa akin ng isa sa mga karpentero.

Ang ipinadadala ay mabilis kong kinuha, “narito na po.”

“Mabuti!”

Nang mapintahan ang loob at labas ng buong mansiyon ay sumunod ang pagla-landscape. Kay ganda ng ginawang halamanan sa paligid ng tahanan. At sa wakas, tapos na ang pinagpaguran naming lahat.

KAHARAP kaming lahat noon ng kinatawan ng may-ari ng ipinagawang bahay. Sabi niya’y gusto niya kaming makausap na lahat.

“Mamayang gabi, mga kasama, ay darating ang may-ari ng tahanang ginawa ninyo,” sabi ng kinatawan, “at isang salu-salo ang inihanda niya para sa inyo. Makikilala na ninyo siya.

“Sino po siya?” tanong ng kapatas.

“Mamaya, pagdating niya ay malalaman ninyo,” ngiti ng kinatawan.

Ikapito na ng gabi nang pumarada sa tapat ng mansiyon ang isang bagung-bagong Mercedes Benz. Laking pagkabigla ko nang bumaba sa sasakyan si Melinda, kasabay ng isang may-edad nang British.

Sa isip ko, marahil ay ang lalaking Puting kasama niya ang bagong nagmamay-ari ng kanyang puso. Sumulyap siya sa akin at ngumiti, nguni’t hindi siya lumapit. Ginanti ko siya ng isang tipid nguni’t may pait na ngiti.

“Mga kaibigan, narito ang may-ari ng tahanang ito,” pagpapakilala ng kanyang kinatawan, “si Bb. Melinda Bituin.”

Nagpalakpakan ang lahat, liban sa akin. Hindi ako makapalakpak dahil sa hapding nararamdaman ko sa puso ko.

“Magandang gabi po sa inyong lahat,” pasakalye ni Melinda. “Maraming salamat sa pagpapagod ninyo para sa tahanang ito. May ilang bagay akong nais ibunyag sa inyo.

Tumahimik ang bawa’t isa.

“Ang tahanang ito’y hindi ko lamang pag-aari. Kasama kong nagmamay-ari nito si Peter Katindig, ang aking kasintahan. Siya ang Arkitektong gumuhit ng plano at Enhenyerong namahala sa paggawa nito. Siya’y kasama ninyo sa pagbuo nito. Nagpanggap siyang nasa pangkat ng labor upang tingnan nang malapitan ang pagpapagawang ito. Alam kong malaking pagod ang dinanas niya. Ginawa niya ang lahat ng iyon upang hindi siya pangilagan at kasilungan ng mga manggagawa habang siya’y nagmamasid.”

Nagtaka ang bawa’t isa.

“Sino kaya siya?” umugong ang bulungan ng mga nakikinig.

Ibinunyag ni Melindang nalaman niya ang lahat sa kanyang kinatawan. Ipinagtapat niyang sinadya niyang huwag makipagkomunikasyon sa akin ng ilang buwan upang sorpresahin ako sa gabing ito.

Lumapit siya sa akin, hinawakan niya ako sa sa kamay, saka isinama ako sa gitna. Takang-taka ako, nguni’t sumama ako sa kanya.

Napasulyap ako sa kapatas na nambulyaw at nagmalabis sa akin sa buong panahon ng paggawang iyon ng mansiyon. Hiyang-hiya siya at hindi makatingin nang tuwid sa akin.

Nagpatuloy si Melinda ng pagsasalita.

“Malaking halaga ang ipinagkaloob sa akin ng pamilya ng British kong pinaglingkuran bilang Private Nurse sa London kaya nakapagpagawa ako ng ganitong kaluhong tahanan. Kasama ko ngayong gabi ang isang myembro ng kanilang pamilya. Siya ang isa sa magiging ninong namin ni Peter sa aming kasal. Di magtatagal, ikakasal na kami at lahat kayo’y inaanyayahan namin.”

Ang kasamang Puti ni Melinda ay nagsalita rin. Nagmagandang gabi siya, at matapos na magpasalamat sa ginawang paglilingkod ng kasintahan ko sa kanilang pamilya bilang nars, ay sinabi niyang magpapatayo siya ng ilang malalaking gusali rito sa Pilipinas upang simulan ang malaking negosyong Hardware. Lahat daw na gumawa sa tahanang katatapos namin ay kukunin niyang mga trabahador. Si Peter Katindig daw ang gagawin niyang General Manager ng mga Hardware na malapit nang simulan. Tuwang-tuwa ang lahat at pinagsaluhan ang isang masaganang hapunan.
Nang magkasarilinan kami ni Melinda, hinawakan ko ang kanyang mga kamay.

“Totoo ba ang lahat ng ito, Sweetheart?” bulong ko.

“Totoong-Totoo!”

“Akala ko talaga, nalimot mo na ako at nakakita ka na ng iba.”

“Hindi mangyayari ‘yon. Habang buhay, ikaw lang ang mahal ko.”

“Tunay na tunay?”

“Oo, naman. At maitutuloy na natin ang sinimulan nating bahay-bahayan nang mga bata pa tayo.”

“Saan natin itutuloy?”

“Sa mansiyon nating ito.”

Bigla kong kinabig si Melinda at hinagkan. Hindi namin namamalayang nakapaligid pala sa amin ang lahat. Nagpalakpakan sila.—

Ang Dasalan Ni Belen

ni Lamberto B. Cabual

NAKATAWAG ng pansin ko ang isang babaeng palakad-lakad at pabalik-balik na para bang may hinahanap sa ikalawang palapag ng SM sa Pallocan West, Batangas City. Nilapitan ko siya.

“Alright ka ba?”

“Hindi e, nalaglag ang wallet ko.”

“Sa lugar bang ito nalaglag?” tanong ko.

Patuloy siya ng paglakad-lakad, “Oo, kasi, hawak-hawak ko pa kanina nang nasa escalator ako. Tiyak kong dito lang.”

Tumulong ako sa paghahanap. Sumulyap siya sa akin.

Sa isang sulok na malapit sa escalator, natagpuan ko ang wallet. Pinulot ko iyon, “Ito ba ang hinahanap mo?”

Bigla ang pagbadha ng tuwa sa kanyang mukha. “’Yan nga! Sa’n mo nakita?”

“D’yan sa malapit sa escalator. O, heto, ingatan mo at hawakan mong mabuti, baka malaglag na naman.”

Napayakap siya sa akin, “Naku, maraming salamat!”

“Wala ‘yon. Sige, ingat ka lang.”

Papaalis na ako nguni’t hinawakan n’ya ako sa braso. “Teka muna.”

Nakita kong kumuha siya sa wallet ng pera. “Tanggapin mo ito.”

“H’wag na lang, itago mo na ‘yan.”

Hindi niya ako napilit na kunin ang pera. Talagang matindi ang pagtanggi ko.

“Kung ayaw mong tanggapin ito, baka naman pu’edeng samahan mo akong kumain. Mag-aalauna na rin e. Magtatanghalian ako. Sige na, please!”

Sa pakiusap niya’y napahinuhod ako at natagpuan ko ang aking sariling kasama niya sa Max Restaurant ng Mall.

Siya ang umorder ng pananghalian.

“’Buti’t tinulungan mo ako at ikaw ang nakatagpo ng aking wallet. Kung hindi, baka nakita ng iba at hindi na napabalik sa akin.

“Importante ba ang laman?”

“Napakahalaga, nandito kasi lahat ang aking mga access at credit card. Narito rin ang mga resident at email address ng karamihan sa mga kaibigan ko.”

Nang maidulot na ng waiter ang pagkain patuloy kami ng pag-uusap habang kumakain. Napansin n’ya ang madalas kong pagbulos ng kaldereta.

“Mukhang paborito mo ‘yan. Order pa ako ng isa.”

“A, tama na ito. Inuubos ko nga lang e.”

Ang totoo, talagang gutom na ako noon. Marami ang kinain ko at nang makatapos kaming kumain, busug na busog ako, at nagliwanag ang isip ko…pati ang aking mga mata.

Noon ko napagwaring maganda pala ang tinulungan ko na nag-anyaya sa akin ng pananghalian. Noon ko nakitang may nangungusap siyang mga mata kung nagsasalita, may hugis-pusong mukha na tila masasalamin ang isang anghel, may matangos na ilong na bumagay sa maninipis na labi…at may ngiting nakahahalina…pagkatamis-tamis.

Naramdaman ko ang paghangang nagpapitlag sa aking puso at nagkainteres tuloy akong makilala siya.

Ako muna ang nagpakilala. Matapos kong sabihin ang ngalan ko at ang iba pang bagay tungkol sa akin, nagpakilala naman siya.

“Si Belen ako…Belen Ledesma.”

“Singer ka siguro.”

“Ba’t mo nasabi iyan?”

“Kaapilyedo mo si Kuh Ledesma e, kamag-anak mo ba siya?”

“A, hindi, wala akong relasyon doon, saka hindi ako singer. Kumakanta rin ako, pero kung nasa banyo lang. Sintonado pa nga e.”

Napangiti ako at iniba ko ang usapan. Gusto ko kasing alamin kung may boy friend na siya. “Baka makita tayo rito ng boy friend mo at magselos siya.”

“A, wala ako n’yan,” nakangiti siya, “ walang magkamali e.”

Lumawig pa ang aming usapan, at napagkasunduan naming maging magkaibigan.

“May ibibigay ako sa ‘yo.”

“Ano ‘yon?” tanong ko.

May kinuha siya sa kanyang shoulder bag, “Ito…huwag mong tatanggihan, dahil pag tumanggi ka, babawiin ko ang pakikipagkaibigan sa ‘yo.”

“Okay, tatanggapin ko, takot akong mawalan ng kaibigan.”

Iniabot niya sa akin ang isang dasalan. “Gagamitin mo ‘yan, ha? Pag ginamit mo ‘yan maaalaala mo ako.”

Mapitagan kong tinanggap ang munting aklat, “Thank you, umasa kang gagamiting ko ito.”

Sabi ko, dadalawin ko siya sa kanila. Pumayag siya. Ibinigay rin niya sa akin ang kanyang address. Kinamayan ko siya at hinagkan sa pisngi bago kami naghiwalay.

NANG nasa bahay na ako, sanhi ng pananabik, binuklat ko ang bigay na dasalan ni Belen. Binasa ko ang mga pahina at kinagiliwan ang nilalaman niyon. Nasa dasalang ito ang mahahalagang bagay na dapat malaman ng isang Kristiyano.

Noong una pa man ay may ideya na ako sa mga simpleng bagay at kaisipang dapat malaman ng tao tungkol sa Diyos. Relihiyoso ang mga magulang ko at pinalaki nila akong isang mabuting Katoliko. Lay minister si Daddy sa Parokya ng Santisima Trinidad, ang bagong gusaling simbahan na hindi kalayuan sa aming tahanan.

Nguni’t sa dasalang bigay ni Belen, higit na naging malinaw sa akin ang kahalagahan ng sakripisyo ng misa. Na ang misa ay isang binalangkas na pagdiriwang. Na ang bawa’t bahagi nito ay bumubuo ng magkakaugnay na pagpupuri at pag-aalay sa Diyos.

Umantig sa akin ang malalim nitong kahulugan, mula sa pambungad na pagsisising humihingi ng awa ng Panginoon, sa pakikinig ng mga Salita ng Diyos, sa Liturhiya ng Eukaristiya, sa paghahandog ng ating sarili at ng pagtanggap sa Panginoon, hanggang sa katapusan na nagsusugo sa ating isabuhay ang ating pagiging Kristiyano.

Nabasa ko rin sa dasalan ang tungkol sa pangungumpisal sa Pari. Tila bugtong itong umukilkil sa aking isipan. Sa isip-isip ko, bakit ba kailangang mangumpisal sa Pari, at hindi tuwirang mangumpisal sa Diyos?

Dahil sa si Daddy ay makatigil-tigil na sa simbahan, nagba-Bible Study at sumasama sa mga Ispiritwal na mga pagpupulong, kinausap ko siya. Baka ‘ka ko siya ang makasasagot sa bugtong na nasa isip ko.

Ikuwento ko muna sa kanya ang pagtatagpo namin ni Belen Ledesma at ang pagbibigay nito sa akin ng isang dasalan na tila ba may hiwagang nagtutulak sa akin upang mag-usisa.

“Mukhang tinamaan ka yata sa dalagang ‘yon a.” kumindat siya, “baka naman hindi ang laman ng dasalan ang bumabalisa sa iyo, kung hindi siya.”

“Dad, pareho pong bumabalisa sa akin,” pagtatapat ko, “si Belen at ang bigay niyang dasalan.”
“A, palagay ko’y in-love ka na nga,” may tonong birong wika niya, “gusto mo bang magtanong ng epektibong paraan ng panliligaw?”

“Hindi po, Dad,” sagot ko, “nasa edad na po ako para magkaroon ng sariling diskarte.”
“O, e…ano’ng gusto mong malaman?”

“Tungkol po sa Sakramento ng Pagkukumpisal.”

“Sige, magtanong ka, anak.”

“Bakit po kailangang mangumpisal sa Pari,” nakatingin ako sa isang pahina ng dasalan, “gayong p’wede namang mangumpisal nang direkta sa Diyos?”

“Ang pagpapatawad sa mga kasalanan ay hindi isang simpleng proseso,” sumeryoso ang mukha ni Dad. “Ang pagpapatawad ay dumaraan sa dalawang mahahalagang hakbang.”

“Ano po’ng mga hakbang ‘yon?”

“Una, ang kapatawaran sa lupa na ipinagkakaloob ng mga apostol batay sa iniwang tungkulin ng Panginoong Hesukristo sa mga ito.”

Mataman akong nakikinig.

“At ikalawa, ang kapatawaran sa langit na makakamit lamang kung nakamtan na ang kapatawarang ipinagkaloob ng mga apostol,” huminga siya nang malalim. “Sa simpleng pag-aanalisa, ang kapatawaran ay kinakailangan munang matanggap dito sa lupa bago makatanggap ng kapatawaran sa langit.”

“Sino po ba ang mga apostol?” nakatingin ako kay Dad. “At bakit tayo lamang pong mga Katoliko ang nangungumpisal sa Pari, na tao ring katulad natin?”

“Ang tinutukoy kong mga apostol ay ang Papa, mga Obispo at mga Pari.”

“Bakit po naman natin sila itinuturing na mga apostol ni Kristo?”

“Romana Iglesia Katolika lamang ang tanging relihiyon sa buong mundo na may pamunuan na nagmula sa mga unang apostol ng Panginoong Hesukristo,” paliwanag ni Dad. “Mula kay San Pedro na itinuturing na unang Papa ng Simbahan, malinaw na matutunton mula sa mga aklat ng kasaysayan ng Iglesia ang mga sumunod pang mga Papa. Gayundin naman ang mga Obispo at mga Pari ay kasama sa pamunuang nabanggit.”

“Gayon po ba, Dad,” pahiwatig kong nagsisikap na maunawaan siya.

“Oo, anak ,” ipinatong niya ang kamay niya sa balikat ko. “Samakatuwid, kung ang mga gawain at awtoridad ng mga apostol ay naisalin sa mga sumunod pang mga pinuno ng Simbahang Katoliko, malinaw na masasabing kasama sa mga tungkuling ito ang tagubilin ni Kristong magpatawad ng kasalanan.”

“Dad, salamat po sa paliwanag n’yo.”

Halata marahil ng aking ama na may mga tanong pa ring nagtitining sa aking isipan. “Ang lubusang pagkaunawa ng mga bagay ng Diyos ay nagmumula sa puso at sa tibay ng pananalig,” aniya. “Ipauunawa sa iyo ng Panginoon sa takdang panahon ang mga banal na kaisipang hindi mo pa gaanong maunawaan ngayon!”

ARAW ng Sabado. Aywan ko kung bakit may kung anong kapangyarihang nag-uutos na magsimba ako nang araw na iyon. Nagbihis ako at nagpasiyang sumimba.

Taglay ko ang lumang dasalang galing kay Belen at ginamit ko ito sa pakikiisa sa sakripisyo ng misa. Taimtim akong nanalangin.

Nang dumating na sa bahagi ng Bidding Prayer, at sabihin ng namumunong manalangin ng pansariling kahilingan, naalala ko si Belen.

“Pangalagaan mo po, Diyos ko, si Belen. Mula po nang magkakilala kami’y hindi na siya nawalay sa isipan ko. Pagindapatin mo po sana ako sa kanyang pakikipagkaibigan sa akin. Aywan ko po, Panginoon, nguni’t dama ko pong umiibig ako sa kanya. Kung magkatugon po ang aming mga damdamin, makaaasa po kayong magkasama kaming maglilingkod sa inyo.”

Sa pagkukumonyon, hindi ako makapaniwala nang makita kong kasama sa mga nakapila roon ang dalagang di mapawi sa puso ko—si Belen. Nagsimba rin pala siya. Nang makapangumunyon, marahan akong bumalik sa luhuran. Naramdaman kong lumapit siya at doon din lumuhod.
Nang matapos ang misa, nag-usap kami.

“Nandito ka na ba nang magsimula ang misa?” tanong ko.

“Oo, nasa pangatlong upuan ako sa gawing likuran mo.”

Magkasama kaming lumabas ng simbahan.

“Belen, di ba sabi ko sa iyo noon, papasyal ako sa inyo?”

“Alam ko.”

“P’wede bang mamayang gabi kita pasyalan?”

“Sige, kung gusto mo. Bukas ang tahanan namin para sa lahat.”

“Mamayang gabi darating ako, ha?”

“Hihintayin kita.”

Kinagabihan dinalaw ko si Belen sa kanilang tahanan. Ipinakilala niya sa akin ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Kay babait nila at kay huhusay tumanggap ng panauhin.

“’Yong pangako mo sa aking lagi mong gagamitin ang dasalang bigay ko sa ‘yo, aasahan ko, ha?” may lambing na wika ni Belen nang kami na lamang ang nag-uusap.

“Pangako, Belen, lagi kong gagamitin iyon.”

Namayani ang katahimikan sa aming dalawa.

“May sasabihin ka ba?” binasag niya ang katahikang iyon. “Alam kong magkaibigan tayo kaya gusto mo akong pasyalan. May mahalagang bagay ka bang sadya sa akin?”

Sa loob-loob ko, tila nababasa ni Belen ang damdamin ko.

Hindi muna ako nakapagsalita. Subali’t makalipas ang ilang saglit ay binuo ko sa aking sarili ang pasiyang ipagtapat ang damdaming nararamdaman ko para sa kanya.

“Belen, h’wag mo sanang ikagagalit,” mahina datapwa’t matatag ang tinig ko, “mula nang magkakilala tayo’y hindi ka na nawaglit sa isip ko.”

“Bakit naman?”

“Mahal na mahal kita…pinakaiibig…at nais kong ikaw ang maging katuwang ko sa buhay sa habang panahon.”

“Tiyak mo ba ang damdamin mo?”

“Oo, handa akong ibigin ka habang buhay,” minasdan ko ang kanyang mga mata, “at kung katugon ng damdamin mo ang damdaming kong ito…handa kitang pakasalan.”

“Maraming salamat sa pagtatapat mo at sa pag-uukol mo sa akin ng ganyang damdamin… nguni’t…”

“Nguni’t ano?”

“Mayroon na akong kompromiso sa Panginoon…Nakatakda na akong maging alagad niya…nakatakda na akong maging isang madre.

Natigilan ako sa kanyang sinabi, humulagpos sa dibdib ko ang isang malalim na buntunghininga…at gumilid ang luha sa aking mga mata.

“H’wag mong ipagdamdam ang sinabi ko,” hinawakan ni Belen ang aking kamay. “Ayaw kong makitang nalulungkot ka!”

Nang magpaalam ako’y inihatid niya ako sa tarangkahan ng kanilang tahanan.
“Bye, Belen,” may panglaw sa boses ko. “Hangad ko ang tagumpay mo sa tungkuling nais mong gawin.”

Hindi siya sumagot. Nakatungo siya.

Inihakbang ko ang aking paa na patungo sa kotse ko.

Subali’t pinigil niya ako…biglang niyakap…at sa dibdib ko’y umiyak siya nang umiyak.
Niyapos ko rin siya nang mahigpit.

Yanig ang balikat niya at dinig ko ang mahina niyang paghikbi, “Alam mo ba…mahal na mahal din kita!”

Hindi ko napigilang hagkan siya…sa noo…sa pisngi…at sa huli… naghinang ang aming mga labi. Luhaan ang aming mga mata…humihingal kami kapuwa.

Nang magbalik sa katinuan, nagulumihanan kami…hindi makakibo…litung-lito…at hindi malaman ang gagawin.

Naisip ko ang bigay na dasalan ni Belen. At nanariwa sa diwa ko ang huling sinabi ni Dad nang mag-usap kami. “Ipauunawa sa iyo ng Panginoon sa takdang panahon ang mga banal na kaisipang hindi mo pa gaanong maunawaan ngayon!”

Isang Libo’t Isang Halik

ni Lamberto B. Cabual

“HIWALAY kung hiwalay!” sigaw ni Dupong. Yamot siya sa asawang si Takya, pagka’t lagi nitong sinasabing hihiwalayan siya kapag nagagalit. Akala niya’y nasa loob ng silid ang asawa. Nakalabas na pala at narinig ang sigaw niya.

“Ano’ng sabi mo, Dupong?” tanong ng asawa. “Ulitin mo nga ang sinabi mo.”

Nagitla si Dupong at nawalang bigla ang pagkayamot sa asawa. Nahalinhan ng takot. Biglang lumambing ang boses, “A, wala, Mahal, sabi ko e, itong mga damit na may kulay at walang kulay na pinalalabhan mo sa akin e… kailangang paghiwalayin ko.”

“Gano’n ba…” mabalasik na turing ni Takya. “Mabuting nagkakaintindihan tayo.”

“Pasens’ya ka na… medyo kasi napalakas ang boses ko!”

“Sa susunod, hina-hinaan mo… naririndi ako!” matalim ang tingin ng asawa. “Saka gusto ko e…malinis ang laba ng mga damit… at kung hindi…uulitin mo ang mga ‘yan.”

“Oo, Mahal… bayaan mo… at pagbubutihin ko ang linis!” nangangatog ang tuhod ni Dupong.

Limang taon nang kasal ang mag-asawang Dupong at Takya. Kahima’t may pakla kung namnamin ang kanilang mga pangalan, balintuna ito sa kanilang anyo. Makisig na lalaki si Dupong at magandang babae si Takya. Ang magkabiyak ay tapos lamang ng elementarya, nguni’t kapuwa may trabaho. Namamasukang tindera sa isang tindahan ng damit sa kabayanan ang babae at mahusay na karpintero naman ang lalaki. Masisinop sa hanapbuhay at sobra-sobra sa kanilang dalawa ang kinikita.

Nguni’t dahil sa mabait si Dupong, nakawilihan na siyang sigaw-sigawan at utus-utusan ni Takya.

Minsan, nalimutan ng lalaki na ibalik ang taklob ng kolgeyt nang magsipilyo ng ngipin. Galit na galit na sinugod siya ng asawa, “Kung magsisipilyo ka ng ngipin, pagkatapos mo, isasara mo ang kolgeyt.”

“Nakaligtaan ko e.”

“Nakakainis ka…talo mo pa ang ulyanin,” bulyaw ni Takya. “Napakamalilimutin mo.”

“Bayaan mo’t sa susunod e, hindi ko na kalilimutang sarhan.”

“Mabuti… dahil pag nalimutan mo pa uli…hindi ka na makapagsipilyo ng ngipin… at masasaktan ka sa akin.”

Malimit ding si Dupong ang nagluluto ng kakanin nilang mag-asawa, bagama’t paminsan-minsa’y nangangatuwiran siya.

“Dupong, magsaing ka nga.”

“Bakit ako?” reklamo niya. “Trabaho naman ‘yan ng babae a.”

“Aba, aba, aba!… at nagrereklamo ka, e, pagod ako.”

“Ikaw, naman kasi, laging ako na lang ang pinagagawa mo ng gawaing-pambabae.”

“Hoy, magsaing ka na nga… at baka isaklob ko sa ulo mo itong kaldero.”

Hindi nakapiyok si Dupong. Sa inis, sinigawan niya ang asawa, “Ilang gatang ba ang isasaing?”

“Tatlo.”

Huminahon ang tinig ni Dupong, “Masusunod, Mahal.” At sinunod niya ang utos ni Takya.

Kung nakikita niyang galit si Takya, iniisip ni Dupong na hagkan ito… hagkan nang hagkan… bigyan ng isanlibo’t isang halik! Sa ganito’y baka mapahuhupa ang galit at mapagbabago ang ugali nito. Nguni’t wala siyang lakas ng loob, sa pangambang ang asawa ay lalo pang magalit.

Sabi ng kanilang mga kanayon, Andres daw si Dupong. Subali’t kung kausap na siya ng mga ito, binabaligtad niya ang mga pangyayari. Ibinabangon ang kanyang pagkalalaki.

“Ginulpi ko ang asawa ko kagabi!”

“Bakit naman?”

“Dahil sa sobrang pagbubunganga!”

“Nagawa mo ‘yon, Dupong?”

“Aba, e, Oo,” sabi niya. “Naro’n at me pasa pa nga sa mukha… kaya hindi makalabas ng bahay.”

“Sobra ka naman…nilalabanan mo ang babae.”

“Ibahin n’yo ako,” ipinakita sa mga kaharap ang nakatikom na kanang kamay at ang kalamnan ng braso. “Hindi p’wede sa akin ang sinisigawan at pinagdadabugan.”

“E, kung ganyan nang ganyan si Takya… na kahi’t gulpihin mo e hindi rin magbago… ano’ng gagawin mo?”

“Baka hiwalayan ko na… ang bruha!”

Ang pagmamayabang ni Dupong ay hindi pinapatulan ng mga kausap. Alam nila na si Dupong ang laging binubulyawan ng asawa, at hindi nito kayang gulpihin si Takya. Pagkatalikod ni Dupong, para siyang nagbuhos ng tubig sa butas na balde. At nagkakatawanan na lamang ang mga pinaglalakuan ng yabang.

Wala pang anak, kahi’t ilang taon nang kasal sina Dupong at Takya. Di pa man nagkakasupling, hindi nila iyon pinoproblema. Hindi sila tulad ng ibang mag-asawa na nababahala pag hindi agad magkaanak.

Iba ang problema… at ito’y sa panig lamang ni Dupong. Kalbaryo sa buhay ang pagkabungangera at pang-aagrabiyado sa kanya ng asawa. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya ito mababata. Pakiramdam niya, unti-unting napupugto ang kanyang hininga. Para siyang bulateng lulubog-lilitaw sa santumpok na dumi ng kalabaw sa pakikipamuhay kay Takya.

ARAW ng Linggo. Walang trabaho si Dupong. Nagtungo siya sa bahay ng kanyang kumpareng Kulas.

“Bakit mo ba hinahayaang api-apihin ka ni Mareng Takya?” tanong ni Kulas sa kumpare. Si Kulas ang katapatang-loob ni Dupong.

“Hindi ko nga malaman, Pare, ang aking gagawin,” sagot ni Dupong. “Ano kaya’ng mabuti?”

“Sampigahin mo siya nang sakop ang taynga… at matatauhan ‘yon.”

“Hindi ko kaya, Pareng Kulas, mahal ko siya.”

“Ano ba talaga ang nangyayari… at ganyan ang asawa mo? Matagal na ba niyang ginagawa ito?”

“Nang una naman e, hindi siya ganyan,” ani Dupong. “Malambing siya at mabait.”

“E, kailan pa siya nagkaganyan?”

“Kailan lang, Pare.”

“Ano sa palagay mo, bakit ganyan siya?”

“Marahil, Pare, dahil sa lagi niya akong binubulyawan… at pinagagawa ng mga gawaing dapat na siya ang gumawa… wala nang nangyayari sa amin sa kama,” pagtatapat ni Dupong. “At hindi ko na siya ginagalaw magsiping man kami. Mula nang di ko na s’ya galawin sa kama, laging mainit ang ulo.”

“Ano’ng ginagawa n’ya kung mainit ang ulo?”

“Sa umaga, nagsisigaw siya ng ‘Inutil… napakainutil… walang pakinabang!’ tapos, sinisipa n’ya ang timba at ibinabalibag ang tabo…”

“Aha! ‘lam ko na ang lutas sa problema mo, Pare!”

“Ano’ng lutas, Pareng Kulas?”

“Dapat, Pare e, maging masigasig ka pag katabi mo na si Mare sa gabi. Sipagan mo… limitan mo ang dating… paspasan mo… puyatin mo si Mare!”

“Makabubuti ba ‘yon?”

“Oo naman. Makita mo’t pag puyat s’ya… titikom ang bibig n’ya…hindi na bungangera…at may ipagbabago ang ugali. ”

“Talaga?”

“Maniwala ka, Pareng Dupong… Naiintindihan mo ba ang ibig kong sabihin?”

“Oo, Pare.”

Hindi alam ng magkumpare na dinig pala ang pag-uusap nila ni Anding, ang maybahay ni Kulas Naisip niyang makatutulong siya sa problema ng kanilang Kumpareng Dupong. Kakausapin niya ang kanyang kumareng Takya, at pagpapayuhan kung kailangan. Tumalilis siya at naiwan niyang nag-iinuman ng serbesa ang dalawa. Hindi gaanong malayo sila sa tahanan nina Takya at Dupong. Madali siyang nakarating doon.

“Mareng Takya, nasa bahay ngayon si Pare,” sabi ni Anding. Nag-uusap sila ni Kulas.”

“O, e… bakit ka napasugod?”

“Kasi, ikaw ang pinag-uusapan nila.”

“At bakit nila ako pinag-uusapan?”

“Idinaraing ni Pare ang kanyang mga problema tungkol sa ‘yo.”

Ipinaliwanag ni Anding ang kahabag-habag na pagsasalaysay ni Dupong ng pagsigaw-sigaw at walang katwirang pag-uutos ni Takya ng mga gawaing-pambabae rito. “Bakit mo ba ginagawa ‘yon, ha, Mareng Takya?”

“Aywan ko nga ba, Mare… nakawilihan ko na. Kasi naman, payag na lang s’ya nang payag sa bawa’t sabihin ko.”

“Mahal mo naman si Pare, hindi ba?”

“Siyempre. Pakakasal ba ako sa kanya kung hindi.”

“Gano’n naman pala e… Sa palagay ko… hindi naman tama na laging inaapi mo s’ya.”

“Naiisip ko rin ‘yon. Minsan e, naaawa ako kung nakikita kong malungkot siya… hindi ko nga lang ipinahahalata.”

“S’werte ka, Mare, at napakabait ng asawa mo,” sabi ni Anding. “Kung sa ibang lalaki ‘yan… na mahina ang pasens’ya e, baka nilayasan ka na… o kaya’y nambabae na.”

“Oo nga, Mare,” nangangambang turing ni Takya. “At bago mangyari ‘yon e kailangan yatang magbago na ako!”

“Mabuti naman… sa bibig mo na rin nanggaling ‘yan. Talagang gusto kitang payuhan ng ganyan.”

“Salamat, Mare, sa pagmamalasakit mo!”

“Saka nga pala, Mareng Takya, narinig kong pinayuhan si Pare ni Kulas,” nakangiti si Anding.

“Susundin daw ni Pare ang payo!”

“Ano’ng payo?”

At may ibinulong si Anding sa kumare…

Napahagalpak ng tawa si Takya. Subali’t may kiliting gumapang sa kanyang kaibuturan.

Nakabalik si Anding sa kanilang bahay nang hindi namamalayan ng nag-iinuman pang mga lalaki. Malagihay na ang magkumpare.

Hindi nagluwat, nagpaalam na ang Andres na kapilas ni Takya.

“H’wag mong kalilimutan, Pare, ang mga sinabi ko,” bilin ni Kulas.

“Oo… ngayong gabi’y sisimulan ko na!”

Masiglang umuwi ng bahay si Dupong. Buo na ang balak n’ya kay Takya. Pupuyatin niya ang asawa sa kanyang mga gagawin. Sa isip-isip niya, humanda ka, asawa ko, at makakatikim ka ng sisid-marino… at ng isanlibo’t isang halik sa lahat ng parte ng katawan mo!

Pagkapaghapunan, magkatulong na iniligpit nina Dupong at Takya ang kanilang kinanan. Nang makapag-imis sa kusina, naupo sila sa panonood ng telebisyon. Lakas-loob na ninakawan ni Dupong ng halik sa pisngi si Takya. Nang hindi kumikibo, hinagkan niya sa noo, sa batok, at sa leeg.

“Ano ka ba?… nakikiliti ako!” hagikhik ng asawa.

Bigla niya itong pinupog ng halik sa dibdib, gumapang na pataas hanggang sa maghinang ang kanilang mga labi. Maapoy ang ganting-halik ni Takya, tila nagkakabuhul-buhol ang hininga.

Bumulong si Dupong, “tayo na magpahinga, Mahal… sa silid na tayo!”

Marahang tumayo si Takya at pinatay ang telebisyon, saka buong lambing na bumaling sa asawa. “Tayo na…” paanas na tinig.

Humantong sa kama ang magkabiyak. Pinatay ni Dupong ang ilaw. At ang gabing yao’y nalipos ng malalamyos na halinghing at ng mga impit nguni’t matitimyas na daing ng tila ipinagduruyan sa ulap na si Takya.

Kinaumagahan, hindi nagisnan ng lalaki ang asawa. Bumangon siya at hinanap ito. Nasumpungan niya sa kusina, bihis na si Takya para sa pagtungo sa trabaho. Gayon man, naghahanda pa ito ng almusal at masayang kumakanta-kanta.

Sa silong ni Aling Takya,
May asong nakadapa;
Kaya pala nakadapa,
Naninilip ng palaka…

Gustong bumunghalit ng tawa si Dupong sa awit ng asawa, nguni’t nagpigil siya. Takang-taka siya! Ibang-iba ang Takyang ito ngayon…masayang-masaya! Naligo siya at naghanda na rin sa pagtungo sa trabaho.

“Darling,” masuyong tawag ni Takya sa asawa. “Mag-aalmusal na tayo, ‘lika na.”

Lalo nang nagtaka ang lalaki. Sa loob-loob niya, Darling na ngayon ang tawag sa akin. Hindi na yaong dumaragasang ‘Dupong.’ Nabago na talaga ang ihip ng hangin.

“Oo, Mahal,” tugon ni Dupong, “ and’yan na ako.”

Habang naghahain ng almusal, umaawit pa rin si Takya.

Ako’y ibigin mo’t babaeng maganda,
Mahusay magluto’t marunong maglaba;
Ang gawaing-bahay aakuhin ko na,
Pagka’t sa puso ko’y mahal kang talaga…

Hindi napigilan ni Dupong ang sarili. Bigla niyang kinabig at pinupog ng halik ang asawa.

“Baka masilip tayo ng mga kapitbahay… ‘no ba ‘yan… ‘kakahiya!” nakangiti si Takya.

“Bayaan mo ngang manilip sila!” tuloy ang di mapuknat na mga halik ni Dupong.

Masayang nagsalo sa almusal ang magkabiyak.

Bago sila naghiwalay tungo sa kanya-kanyang hanapbuhay, ginawaran pa rin ni Dupong si Takya ng maraming-maraming halik.

MAKALIPAS ang isang linggo, bumalik si Dupong sa bahay ng kanyang kumpareng Kulas.

“O, ano Pareng Dupong, ginawa mo ba ang mga bilin ko sa iyo?”

“Oo, Pare, at maganda ang resulta… nagbago na ang kumareng Takya mo… bumait na siya.”

“Nakita mo na!”

“At hindi lamang ‘yan, Pare, me bonus pa ako sa mga ipinagagawa mo,” pagmamalaking wika ni Dupong.

“Ano’ng bonus ‘yon?”

“Bukod sa mahusay akong puyatin si Takya, lagi ko rin siyang hinahalikan. Basta… halik ako nang halik… binibigyan ko ang kumare mo… ng isanlibo’t isang halik!”

“Tunay, Pare?”

“Oo… mata lang n’ya ang walang tama!”

Nakisali si Anding sa usapan. “Baka naman maubos ang bango ni Mareng Takya, Pare!”

“Hindi mauubos… laging mabango ‘yon.”

“E, gumaganti ba naman ng halik sa ‘yo?”

“Oo, Mareng Anding, ibinabalik n’ya sa akin ang mga halik ko. Isanlibo’t isang halik din ang iginaganti niya.

Nagkatawanan sila.

Isang buwan pa ang matuling nagdaan. Parang ipinako sa pagkakatayo ang mag-asawang Kulas at Anding, nang humahangos na dumating sa bahay nila ang kanilang Kumpareng Dupong.

“Pare, Mare, dahil sa mga payo n’yo… at sa isanlibo’t isang halik…umagang-umaga… nasa bakuran namin ang kumareng Takya n’yo… at kahi’t puyat e… nanunungkit ng manggang hilaw!”—