Ang Pag-Ibig ni Rizal

ni Alberto Segismundo Cruz

Silahis, Abril 22, 1

— Ang lalong matatamis na alaalang pinitas sa sanga ng walang-kamatayang pakikipagsapalaran ng ating bayani sa larangan ng pag-ibig, ang atin ngayong matutunghayan.

— Si Rizal, katulad din ng lahat ay may puso at sa pitak ng pusong iya’y minsan ding namugad ang pag-ibig.

I.

Kung may kamaliang maituturing sa panig ng mga nagsisulat ng talambuhay ni Dr. Jose Rizal ay walang iba kundi ang pagtutulad sa kanyang katauhan sa isang Bathala at hindi sa isang karaniwang taong may mga paang putik.

Dahilan diya’y lumabo na tuloy ang mga dapat lumiwanag na kabanata sa kanyang buhay lalo na ang nauukol sa kanyang pag-ibig sa pangunang matuwid na ang pag-ibig na ito kailan ma’y hindi kinilala ng mga pangunahing manunulat ng kanyang talambuhay na isang damdamin ng kabataan o isang damdaming katugon ng karaniwang tibok ng puso. At, tanggapin man sakaling ang pag-ibig na iyan ng Bayani ng Kalamba’y nabuo sa isang dakilang damdaming makabayan, dili iba kundi ang pag-ibig sa kanyang Tinubuan, sukat na kanyang dahilan iyan upang huwag na mabatid ng mga huling salin ng lahi ang tunay na damdamin ng kanyang puso?

“Fiat Lux.” Pabayaan nating magkaroon ng liwanag. At ang liwanag na hinihintay ng abang maykatha nito’y walang iba kundi ang ilaw ng katotohanan. Sapagka’t naniniwala’t nananalig pa ang maykatha nito na sa pagkakabunyag ng malalabong kabanatang ito sa buhay ni Dr. Rizal ang kadakilaan niya sa puso ng bayang nagmamahal at halos sumasamba sa kanyang pagka-bayani’y hindi magbabawas bahagya man, bagkus magiging lalo pa ngang dakila dahilan sa lalong naging malapit at matapat ang kanyang larawan sa kanila.

Sapagka’t kung hindi magiging matapat ang pagbubunyag ng kanyang kabanata sa pag-ibig, ang panahon ng kanyang kabataan, na masasabing simula ng pag-aalab ng kanyang damdaming makatao’y maaaring mapakubli at hindi mahirang ang lalong maningning at kapupulutan ng aral na bahagi nito.

Bilang unang palatandaan ng isang maselang na damdaming naghahari sa kaluluwa ni Dr. Rizal sa maagang panahon pa lamang ng kanyang kabataan ay ang malabis niyang pagmamahal sa tula. Napukaw sa kanya ang damdaming-makata sa pagbibigay-sigla ng kanyang ina at ng matandang kapatid na si Saturnina na “nag-atas” sa batang si Pepe na magmahal at mag-aral ng mga bagay na may kinalaman sa sining at sa klasiko. Ang mga aklat ni Saturnina hinggil sa mga paksang nasabi’y pinatutunghayan sa kanyang kapatid kaya’t sa loob ng dalawa pang taon, ay nangyari nang mabasa niya pati ang Bibliyang Kastila. Nang nakasusulat na si Pepe at sa pagbibigay-sigla ng kanyang ina ay nangyaring makalikha ang bata ng isang tulang may mga kamalian, datapuwa’t may mga kamalian ma’y nagpapakilala rin ng matayog na lipad ng diwa’t tanging salamisim.

Bago siya tumuntong sa kanyang ika-walong taong gulang ay nakasulat siya ng isang dula, na itinanghal sa isang kapistahan ng nayon, at sa kasiyahan ng kapitan munisipal, siya’y pinagkalooban noon ng dalawang pisong gantimpala. Gayon din naman, sa gayon ding gulang, ang mga tala ng kasaysaya’y nagsisiwalat na siya’y nakalikha ng isang tulang inihandog sa kanyang mga kababata. Anopa’t sa gayong maagang pagkakagising ng kanyang damdaming-makata, ang kanyang kudyapi’y umunlad at tumaginting sang-ayon sa damdaming inilalarawan ng pihikan niyang diwa. Katibayan nito’y ang kanyang tulang Un Recuerdo a Mi Pueblo (Isang Gunita sa Aking Bayan) na nagpapasariwa’t nagbibigay ng mga alalahanin hinggil sa kanyang kamusmusan sa Kalamba – sa bayan niyang sinilangan.

“Murang kamusmusan,
bayang iniibig,
Bukal ng ligayang walang
kahulilip
Ng mga awiting kapana-panabik
na nagpapatakas sa lungkot at pait!

Magbalik kang muli sa
puso ko’t dibdib,
Magbalik na muli,
sandaling nawaglit!
Magbalik sa aking
katulad ng pipit
Sa pamumukadkad ng
bulaklak-bukid.”

Ang tulang iyan ay sinulat noong 1876 nang maglalabinlimang taong gulang pa lamang ang ating bayani at nang siya’y nagsisimula pa ng pag-aaral sa Ateneo.

Kung ang layon nati’y ang sumulat hinggil sa kanyang pagka makata’t sa mga nalikha niyang tula, tayo’y makapagpapatuloy nang walang sagabal. Walang ibig na ipakilala sa mga talatang sinundan kundi ang maagang pagkakagising kay Rizal ng isang diwang-makata na ang ibig sabihi’y lalong handa ang kanyang damdamin sa tibok ng puso. Maaaring ang tibuking ito’y dahilan lamang sa diwang maka-sining sapagka’t ang diwang-makata’y may pag-ibig na matapat sa sining, datapuwa’t sa ibabaw niya’y hindi maikakait na handa na nga ang damdaming may init at sigla ng kabataan upang isaalang-alaang ang ano mang tibukin ng puso.

Nasa kabataan ang ating bayani, noon. Nguni’t talambuhay niya — at dito nagkakaisa ang mga pangunahing manunulat na nang siya’y labing-animing taon pa’y nakarama na ng “masasal na tibukin ng puso”. Ang tibukin ng pusong ito’y ukol ni Pepe sa isang dalagitang nag-aaral sa Kolehyo ng “Concordia”, kay Segunda Katigbak. Ang mga pangyayari sa bahagi ng buhay na ito ng bayani ay naganap pagitan ng Abril hanggang Disyembre ng 1877.

Ang isang kapatid na babae ni Pepe, si Olimpia, ay isa ring kolehiyala noon sa nasabing kolehiyo at matalik na kaibigan ni Segunda (Gunding). Kung dumadalaw si Mariano, kapatid na binata ng huli, ay nakakasabay si Pepe, sa pagdalaw sa kapatid naman nito — kay Olimpia nga. Sa tuwing darating si Pepe sa kolehiyo’y nasasalubong niya sa tanggapan ng mga panauhin si Segunda at nag-uusisa agad kay Pepe kung nais na makausap ang kapatid.

Bilang gunita sa mga araw na yaon ng kanyang unang pag-ibig, ang mga unang bugso ng damdaming naghahari sa puso ni Pepe, ay lalong kaakit-akit manamnam sa sariling paghahanay din niya:

“Itinatanong niya (ni Gunding) sa akin kung anong bulaklak ang aking naiibigan. Sinabi ko sa kanyang ibig ko ang lahat ng bulaklak, datapuwa’t lalong higit ang maiitim at mapuputi.
Isinagot naman niya sa akin na nais niya ang mga puti at rosas, at pagkatapos ay nag-isip siya.”

“May kasintahan ka ba?”, tanong niyang bigla sa akin makaraan ang ilang saglit.

“Wala!” ang tugon ko. “Kailan man ay hindi ako nagkaroon ng kasintahan, sapagka’t walang sino mang dalagang pumapansin sa akin.”

“Ikaw ay baliw! Ibig mo bang kumuha ako ng isa para sa iyo,” tanong ng dalaga.

“Salamat sa inyo,” ang wika kong lipos ng pamimitagan, “nguni’t di ko ibig na abalahin pa kayo.”

“Nagunita kong may nagbalita sa akin na siya (si Gunding) ay ikakasal sa darating na Disyembre, kaya’t magalang akong nag-usisa, at siya naman ay tumugon sa lahat at bawa’t isang katanungan ko.”

“Dadalaw ba kayo sa inyong bayan sa Disyembre?”

“Hindi”, ang tuyot na sagot niya.

“Ibinalita nila sa akin na may malaking pistang idaraos sa inyong bayan, at kayo’y magiging isa sa mga punong-abala.”

“Hindi”, ang wika niyang kasabay ng pagtawa. “Nais ng aking mga magulang na ako’y mamahinga na, nguni’t di ko nais, sapagka’t nais ko pang manatili dito ng limang taon!”

At isiniwalat ni Rizal, pagkatapos na sila’y nagpatuloy sa pag-uusap, ng iba’t ibang matitimyas na “kabaliwan ng kabataan”. Nang sumunod na mga pagkakataon, si Pepe at si Gunding, ay parang nag-kakahulihan na ng loob, na hindi maikakait na katugon na ng tibukin ng puso. Aywan kung sa anong himala at nangyaring maipagtapat ni Gunding kay Pepe ang ganito:

“Nalalaman mo kaya kung gaano kalungkot sa akin, kung ikaw’y mapalayo pagkatapos na tayo’y magkakilala? Halimbawa’y hindi ako makipag-iisang-dibdib?” at dalawang patak na luha ang nalaglag buhat sa magagandang mata ng kolehiyala.

Datapuwa’t nababatid ni Rizal ang kalagayan ng dalagita. Napipinto na ito upang makipag-isang-dibdib sa isang lalaking matapat na umiibig at umaasa.

Dumating ang Disyembre at kailangang dumating din naman ang sandali ng paghihiwalay. Si Pepe’y nagbalik na sa kanyang bayan, si Gunding ay gayon din. Nguni’t sa lansanga’y nagkatagpo sila – si Pepe’y nakasakay sa isang kabayo at si Gunding nama’y sa isang kalesa — walang nagawa si Pepe kundi yumukod bago ngumiti samantalang ang dalagita nama’y nagwasiwas ng panyolitong nag-aanyaya upang sumama o sumunod sa kanya ang binata. Datapuwa’t si Rizal na nakawawatas sa tunay na kalagayan ni Gunding na nakatakda na ang pakiki-isang-kapalaran sa isa namang matapat na umiibig ay nagpasiyang salungatin ang simbuyo ng damdamin ng kabataan. Noon di’y ipinihit ang kabayo sa ibang landas, sapagka’t naniniwala siyang maaaring siya ang maging dahilan ng pagkapalungi, kung sakali, ng matapat na pag-ibig ng isang lalaki’t binatang katulad niya. Ayaw niyang maging kaapihan ng iba ang ikaliligaya niya.

Nakaraan ang kabanatang ito ng isang pag-ibig na malungkot sa ating bayani, nguni’t siya’y maalam na lumunas sa sugat ng kanyang puso. Nababatid niyang panaho’y isang dalubhasang manggagamot at ito ang tiyak na lulunas sa sugat ng kanyang puso, yamang siya’y maaaring makalimot at ang paglimot na ito’y maaaring sa pamamagitan din ng paghanap ng ibang pag-ibig na kundi man higit ay sadyang kanais-nais upang magpaalab na lalo sa kanyang likas at dakilang pagmamahal sa Tinubuang Lupa.

II. Unang Pag-ibig

Sa buhay ng isang tao, masidhing tibukin ng puso’y nadarama sa panahon ng kabataan. Ang kababata niyang si Leonor Rivera, larawan ng kayumian ng dalagang Pilipina, ay siya niyang unang naging kasintahan, gaya ng isinisiwalat ng mga nagsisiwalat ng kanyang talambuhay. Iyan din ang abang palagay ng sumulat nito, sapagka’t ang pakikipag-kaibigan ni Rizal kay Segunda Katigbak, kung umunlad man, ay likha lamang ng mga biglang pangyayaring bawa’t isa sa kanila’y hindi nakawawatas.

Unang sanhi’t dahilan kung bakit masasabing dakila’t mahalaga sa buhay ni Rizal ang kanyang pag-ibig kay Leonor Rivera ay sapagka’t ang kabanatang ito’y naging sagisag ng kanyang lunggating katugon ng mataos na hangarin sa ikagiginhawa ng kanyang bayan. Sa katotohan, ang kasaysayan nila sa pag-ibig ay maaaring kasaysayan din sa pag-ibig ng isang kabataang katulad nila sa panahong yaon; lalo na’t kung “namamagitan” sa pagmamahalan ng dalawang puso, ang magulang. Datapuwa’t ang katangian ng pag-ibig ni Pepe kay Leonor ay nasa pangyayaring kaakibat nito ang pagsasakit at katugon nga ng damdamin sa pag-ibig sa Tinubuan.

Kung paano iniibig ni Rizal si Leonor ay masasabing gayon din kainit at kadakila ang pag-ibig niya sa kanyang bayan; at sa katotohanan, sa mga bansang narating ng bayani sa Europa, samantalang nagsasakit siyang makagawa tungo sa kabutihan ng kanyang bayan, ang gunita niya kay Leonor ay halos kaugnay ng paggunita sa kalagayan ng kanyang Inang Pilipinas, noon.
Sa katunayan, ang magagandang balita kay Leonor ay nakapagpapasigla kay Rizal sa ibang lupa upang lalong magsumakit siya sa kanyang lunggati at misyon sa paglilingkod sa Tinubuan. Parang init na pampasigla sa pusong nanglalamig, waring hamog sa buko ng mga bulaklak, mandi’y unang patak ng ulan ng Mayo sa tigang na lupa!

Kaya’t nang mabalitaan niyang makikipag-isang-dibdib na si Leonor sa isang binatang Inggles, kay Henry C. Kipping na siyang nangangasiwa sa paglalatag ng daang-bakal buhat sa Bayambang hanggang sa Dagupan, Pangasinan, narama ni Rizal na parang nasagasaan ng mga gulong ng tren ang kanyang puso. Sa laki ng damdamin ay ibinulalas niya ang lahat ng laman ng kanyang nagdurugong puso sa kaiibigang-dayuhan, kay Ferdinand Blumentritt. Ang dalubhasang propesor Aleman ay nagsumakit na malunasan ang sugat ng kanyang puso at inaliw siya. Sa isa sa mga liham ng pantas na Aleman ay sinabi ang ganito:

“Dinaramdam ko ang pangyayaring nabigo ang pag-ibig mo sa babaing pinaglalaanan ng iyong puso’t kaluluwa, nguni’t kung tunay na maaari niyang tanggihan ang pag-ibig at pagmamahal ng isang Rizal, hindi siya nag-iingat ng kadaki1aan ng kaluluwa. Para siyang isang musmos na nagtapon ng brilyante upang pulutin pagkatapos, ang isang batong-buhay . . .” Sa ibang pangungusap, hindi siya ang nararapat na maybahay ni Rizal.

Gaya ng unang nangyari, si Rizal ay nakapangyari sa kanyang damdamin. Minsan pang pinapagtagumpay niya ang isipan at matuwid sa ibabaw ng tibukin ng puso, kaya’t nakapagpasiya siyang walang ibang lunas kundi ang lumimot . . . sapilitang lumimot kay Leonor. At upang magawa ito’y kinailangan niyang dumako na sa ibang panig ng daigdig. Dito naranasan ni Rizal sa unang pagkakataon kung gaano kahapdi ang lumisan sa sariling bayang taglay ang isang sugatang puso.

Para bagang ang bayani’y natitigilan kung minsan. May pagkakataon naman siyang wari’y kausap ang anino ng naglaho niyang Leonor – ang dalagang nang siya’y mapalayo at nakabagtas ng bughaw na karagata’y saka pa mandin lalong naging malapit sa kanyang pusong sa palagay niya’y nawalan ng pampasigla sa paglikha ng mga dakilang tibuking kaugnay ng sa Tinubuang Lupa.

III. Suliranin ng Puso sa Biarritz

Kung hindi man masasabi nang tahasan na kaya nangibang-lupa ang Bayani ng Kalamba ay dahilan sa kabiguan sa pag-ibig ay hindi naman maikakait na ang bagay na ito’y isa pang nakapag-atas sa kanya nang gayon, yamang may lalo siyang dakilang layong nais na maitaguyod sa labas ng Pilipinas, bago pa lamang magwakas ang 1890.

Nabatid ng mga magigiting na kababayan sa ibang lupa ang damdamin ng puso ni Rizal, kaya’t kabilang na rito si Tomas Arejola, na noong ika-9 ng Pebrero ng 1891, ay sumulat sa bayani at ipinapayong natutumpak na ipalit kay Leonor ang isang Adelina Boustead, kilalang angkan sa Biarritz na matapat na kaibigan ng mga Pilipinong nagsisidayo roon sapagka’t may isang uri ng otel ang mag-anak sa nasabing lunsod.

Sang-ayon sa mga tala, si Adelina’y isang dalagang marilag, may dakilang kaluluwa at may mga kaibigang kababayan ni Rizal na naghangad na ang pagkakaibigan ay umunlad at maging kanais-nais sa dalawang puso.

Datapuwa’t nang dumating na ang sandali ng tunay na pagpapasiya, hiningi ni Adelinang si Rizal ay pumasok na Protestante. Dito nag-alinlangan si Rizal, sapagka’t ang gayong pasiya ay nasasalungat sa malalaya niyang palagay. Bukod dito’y nag-aalinlangan din naman si Adelina kung talagang tunay siyang iniibig ni Rizal o baka inaaliw lamang ang sarili upang siya (si Adelina) ay maging pamalit lamang sa isang Leonor, na ang kaugnayan sa pag-ibig ng bayani’y umabot din sa pandinig ni Adelina. Marahil ay nabulay-bulay din ni Rizal ang mga bagay na nasabi. Bukod diya’y naisip din niya ang kanyang dakilang layon sa ibang lupa – ang kanyang misyon sa kapakanan ng Bayang Tinubuan! Kung siya’y magkakaroon ng isang kabiyak ng dibdib, at, samakatuwid ay ng pamilya o kaanak, hindi kaya magiging sagabal iyan sa kanyang mga lakad at gawain? Sa kanyang sarili’y naniwala siyang naging tumpak ang pagtanggi ni Adelina, pagkatapos na maunawaan ang paninindigan at palagay ng dalaga.

Matapos na ituring na makatarungan ang nangyari sa kanila ni Adelina, ang bayani, noong ika-3 ng Pebrero, 1888 ay tumulak patungong Hongkong. Doo’y kasalamuha niya ang mga kabanalang Kastila, kabilang na rito si Jose Maria Basa, pinagbintangan sa pagbabangon ng Paghihimagsik sa Kabite. Upang malimot ang nakaraang pangyayari sa kanyang saglit na pakikipagkaibigan kay Adelina’y sumama siya sa mga kabayang nabanggit nang magsidalaw sa Makaw, isang kolonyang Portuges, at doo’y nanood sila ng mga dulang Intsik na nakatawag ng pansin sa bayani kaya’t pinag-ukulan din niya ng kaukulang panahon ng pag-aaral.

IV. O-Sei-San

Pagkatapos ng paglakbay-bayan sa Makaw, si Rizal ay nagpasiyang dumalaw sa Hapon. Sa loob ng isang maikling panahon ay di lamang nilibot niya ang mahahalagang panig ng Imperyo ng Ninikat na Araw, kundi sadyang pinagsumakitan niyang mapag-aralan ang galaw ng mga tao’t ang kanilang wika, upang kung dumating ang pagkakatao’y matiyak niya kung paano siya makikitungo. Nakarating siya sa Tokyo nang hindi sumakay sa anomang sasakyan sanhi sa pagnanais na makita itong mabuti’t mapag-aralan gaya ng ginawa niyang pag-aaral sa mga narating na lunsod at bayan ng Europa.

Sinasabi ng ilang manunulat ng kanyang buhay na nagdamdam siya ng malabis nang makita ang mga “coolie” na nagsisihila ng “Rickshas”. Ipinalagay niya noong hindi nararapat na magpakahirap ng gayon ang isang tao, sapagka’t ang paghihila ay nauukol lamang sa kabayo. Anopa’t natawag nga ang puso niya ng isang damdaming makatao.

Nakarating din naman siya sa Nikko, Hakone, Miyonoshita . . . ang maririkit na nayon ng Hapon, na nakatawag sa kanyang pansin sanhi sa kanilang kagandahan, pangkaraniwang pamumuhay at kainaman ng simoy ng hangin. Nang una’y nagpatala siya sa pinakapangunang otel sa Tokyo, datapuwa’t makaraan ang ilang araw, ay nanirahan na siya sa tahanan ng legasyong Kastila, na ang pangunang dahilan ay ang makita’t masubaybayan ang kanyang mga kilos at hakbangin.

At doon, ang itinuturing niyang bughaw na kabanata ng kanyang kabataan ay ini-alay nang buong puso. Nakilala niya rito ang isang O-Sei-San, at nagkaroon siya ng pagkakataon at saka masidhing pagnanais na makapagpalitan ng tibukin ng puso. Sa pagkakilala sa kanya at sa katapatan ng kanyang pagmamahal, si O-Sei-San ay tumugon at narama ng ating bayani ang init at walang maliw na pagmamahahal.

Sa kanyang tala-arawan, ang diwang-makata’y nagtala ng ganito:

“Nakapagpalugod sa akin ang Hapon. Ang magagandang tanawin, ang mga bulaklak, punong-kahoy, at mga mamamayan – napakatahimik, napakamapitagan at nakasisiya — O-Sei-San, sayonara, sayonara! Nakagugol ako ng isang buwang mahalaga’t kaayaaya; hindi ko mabatid kung maaari pa akong magkaroon ng ganyang pagkakataon sa buong buhay ko. Pag-ibig, salapi, nang ito’y di masasabing di madarama, sa iyo, ay ihahandog ko ang pangwakas na kabanatang ito ng mga gunitain ng aking kabataan. Walang babaeng katulad mo ang umibig sa akin. Walang babaeng kaparis mo ang nakagawa ng pagsasakit. Katulad ng bulaklak ng chodji na nahulog sa tangkay, nang buo at sariwa pa, nang di man nalagas ang mga talulot o naunsiyami –ganyan ka rin nang mahulog! Hindi naglaho ang iyong kapurihan at ni hindi man nalanta ang mga talulot ng iyong kawalang-malay — sayonara, sayonara!

“Kailan man ay di ka na magbabalik pa upang mabatid na minsan pang ginunita kita at ang iyong larawan ay nasa aking alaala; gayon man, kailan man ay aalalahanin kita — ang iyong pangalan ay mabubuhay sa aking mga himutok at ang iyong 1arawan ay mapapasama at magbibigay-pakpak sa aking mga gunitain. Kailan ako magbabalik upang magparaan ng isa pang banal na hapon gaya noon sa Templo ng Meguro? Kailan pa magbabalik ang maliligayang oras sa iyong piling. Kailan ko matatagpuan itong lalong matimyas, lalong mapayapa’t lalong kalugod-lugod? Nasa iyo ang kasariwaan nito’t samyong kariktan …. – Ah! Huling salin ng isang dakilang angkan, matapat sa isang walang kapalarang paghihiganti, ikaw’y kaibig-ibig katulad ng lahat ay nagwakas na! Sayonara, sayonara.”

V. Ilang Buwan sa “Primrose Hill”

Buhat sa Imperyo ng Ninikat na Araw, ang ating bayani’y nagpatuloy na naman sa kanyang paglalayag. Una muna’y sa Estados Unidos, sa mga lunsod sa baybayin ng Pasipiko, at buhat doon ay sumakay siya sa tren at nagdaan sa Salt Lake City, Omaha, Tsikago at Albany. Lumunsad siya sa siyudad ng New York pagkatapos na makapagpasiyal at makapagmasid sa balitang talon ng Niagara. Hindi naglaon at nilisan niya ang New York, lulan ng “City of Rome”

Bago magwakas ang Mayo, noon, ay nakatagpo siya ng isang mauupahang bahay – isang tahanang malapit sa tinatawag na “Primrose Hill”. Nasa dakong hilagang-kanluran ng Londres, sa isang pook na matahimik ang kanyang natagpuan. Ito’y tinatahanan, noon, ng isang Mr.Beckett, organista ng Simbahang San Pablo.

Sa mga gawain ni Rizal sa kapakanan ng kanyang bayan, kabilang na rito ang pagtatala’t pag-uukol ng palagay sa bantog na aklat ni Morga, ay nangyaring makapamagitan din ang isang bagong kabanatang likha ni Kupido, o kundi man masasabing ganito, ay isang tunay na kabanata ng pakikipagkaibigan. Nakilala niya ang isa sa mga anak na dalaga ng mga Beckett, nang nagsusumakit ang ating bayani na makapagsalita ng wikang Ingles. Si Gertrude (Gettie) ang laging naghahatid ng agahan sa silid niya (ni Dr. Rizal), at ang paraang ito’y kaugalian nang sinusunod ng isang nagpapaupa sa pananahan sa Londres o sa alin mang lunsod ng Inglaterra).

May ilang buwan ding nanahanan ang bayani sa tahanang iyon ng mga Beckett, at sa loob ng nasabing panahon, siya’t si Gettie ay nagkaunawaan at naging matimyas ang kanilang pag-uusap at pagkakaibigan. Datapuwa’t hindi ninais ni Rizal na makadurog pa siyang muli ng isang puso ng anak ni Eba. “Hindi ko maaaring pagsamantalahan siya (si Gettie)”, ang sabi ni Dr. Rizal. “Hindi ako maaaring makipag-isang dibdib sa kanya, sapagka’t may iba pang kaugnayan ako na nakapagpapagunita sa puso sa ibabaw ng isang wagas at bugtong na pag-ibig na maaari niyang itugon sa akin.”

Upang maiwasan ang maaaring nangyari sa kanilang dalawa ni Gettie, nilisan agad ng ating bayani ang Inglaterra upang lumipat naman sa Pransya. Si Gettie, sa kabila ng lahat, ay di nakalimot, at sa katotohana’y sumulat pa sa kanya, datapuwa’t sinadya ni Rizal na malimot na ang babaeng iyon, bagaman at nababatid niyang siya’y (si Rizal) ay naging malupit sapagka’t iyan lamang sa palagay niya, ang kaukulang lunas sa kabutihan din nilang dalawa.

VI. Katuparan ng Pag-Ibig

Walang masasabing katuparan sa pag-ibig ni Dr. Rizal kundi ang sa kay Josephine Leopoldine Bracken, isang marilag na dalagang lahing Irlandes, at anak-anakan ng isang halos ay bulag nang inhenyerong Amerikano, na nagngangalang Taufer, at naninirahan sa Hongkong.

Nang mapatapon ang ating bayani sa Dapitan (tumulak siyang patungo roon, isang tapon ng pamahalaang Kastila noong ika-15 ng Hulyo, 1892) ay naging isa sa mga ginamot niya ang nasabing Mr. Taufer.

May labingwalong taon noon si Josephine, maputi, bughaw ang mga mata, mapulang mangitim-ngitim ang kanyang malago’t mahabang buhok at pangkaraniwan kung manamit. Natuklasan ni
Rizal ang dilag na ito, at, kapagdaka, ang puso niya’y tumibok nang masasal. Paano’y naniwala siyang si Josephine ay hulog ng langit sa kanya, sa panahong yaon ng kanyang pag-iisa.

Hindi nakapag-aral ng mataas na karunungan ang dalagang banyagang ito, datapuwa’t may likas na talino, magiliw sa pakikipag-usap at may malaking pananabik na marinig ang lahat ng isinusulit ng bantog na okulista (ni Rizal). Sa tuwi-tuwinang sila’y magkikita ay lalong nagiging mahalaga sa kanya ang ating bayani, at ito naman, sa tuwi-tuwinang makakapanayam si Josephine ay lalo naman itong nagiging kaibig-ibig. Kaya’t di naglaon at sila’y nagkasundo, sa kabila ng pagtutol ni Mr. Taufer, sanhi sa kanyang pagdaramdam na mawawalan na siya (si Mr. Taufer) ng isang tagapag-akay at isang tunay na katulong sa kanyang buhay, matapos na maiwan siya ng kanyang kabiyak ng dibdib. Upang maiwasan ang masamang tangka ni Mr. Taufer ay sumama na si Josephine sa kanyang ama-amahan sa Maynila.

Kung sa bagay, nang magkasundo na ang ating bayani at si Josephine ay nagbalak agad silang pakasal kay Padre Obach, isang pari sa Dapitan, nguni’t sinabi ng kinatawan ng Diyos sa lupa na kinailangang pa muna niyang humingi ng pahintulot sa obispo sa Sebu. Nang lumisan si Josephine kasama ang kanyang ama-amahan sa Maynila, ay ipinayo ni Rizal sa banal na pari na huwag na munang sumulat sa obispo hinggil sa balak na pag-iisang-dibdib.

Hindi nagbalik sa Hongkong si Josephine sapagka’t nanatili sa Maynila. Nang ipagtapat nito sa ina ni Dr. Rizal na kinakailangan pa ng pari sa Dapitan ang pagkuha ng kaukulang pahintulot, at samakatuwid ay kinakailangan pa ang paglagda ng bayani sa isang kasulatang maaaring mangahulugan ng paninindigan niya sa pananampalataya, nagpahayag ng paniwala ang ina ni Dr.Rizal na hindi dapat na mangyari ang pakikipagkasundo ng manggagamot sapagka’t noon pa’t itinuturing nang lider siya ng bayang Pilipino. Kaya’t si Josephine at si Dr. Rizal ay naging magkabiyak ng dibdib sa harap ng Diyos, sa harap ng lipunan ng mga tao’t ng Katalagahan.

Ang pagmamahal ni Dr. Rizal kay Josephine ay ipinakilala sa isang sulat ng ating bayani sa kanyang ina – sulat na niyari sa Dapitan ay may petsa noong ika-14 ng Marso, 1895.

Anang liham:

“Pinakamamahal kong ina,
Ang may taglay po ng sulat na ito’y si Binibining Josephine Leopoldine Taufer, na munti ko na pong mapanumapaang maging kabiyak ng dibdib sa harap ng isang alagad ng pananampalataya, kung may kaukulan ninyong pahintulot. Ang amin pong pag-iisa sa kanyang payo, ay hindi po natuloy sapagka’t nagkaroon ng maraming sagabal. Siya po’y isang ulila; at ang ama niya’y nasa malayong pook.

“Sapagka’t may malaki po akong pagnanais sa kanyang kapakanan, at sapagka’t malamang na siya’y magpasiyang bumalik dito sa aking kinaroroonan sa hinaharap, at sapagka’t siya po’y maaaring mag-isa at walang sino mang tumingin, kaya’t hinihingi ko sa inyong ituring siya rin na parang tunay ninyong anak hanggang sa magkaroon po ng isang mabuting pagkakataong makabalik siya rito. Tangkilikin ninyo sana si Bb. Josephine na isang taong minamahalaga ko at pinakamamahal, at sadyang di ko nais na makita sa panganib o sa pag-iisa.

“Ang inyong anak na nagmamahal,

“Jose”

Noong ika-15 ng Enero ng1896, sa isang sulat naman ni Dr. Jose RizaI sa kanyang kapatid na si Trinidad ay ibinabalita ang kaligayahan ng ating bayani sa piling ng kanyang kasintahan sa
Dapitan, nang si Josephine ay magpasiya nang bumalik doon.

Sa ganyang pakikisama ni Dr. Rizal, ang mapunahin, noon, ay walang pagsalang nakatagpo ng dahilan upang ilagay sa pagsusuri ang pagsisintahan ng dalawang puso, datapuwa’t hindi nangimi ang bayani, sapagka’t siya’y anak ng katotohanan, isang tunay na maka-Silangan, na di nagpapanggap na banal, bagkus ipinakikilala pa noong siya’y isang taong may mga paang putik, isang lalaking umiibig, at ang pag-ibig na ito’y hindi nakasalig sa pagsunod sa hinihingi at ini-aatas ng mga tuntunin ng simbahan. Sa kanya ay sukat ang mag-ukol ng malinis na pagmamahal sa nagmamahal sa kanya nang boong kawagasan. Tumupad nga siya ng tugkulin sa pagiging tunay na mangingibig. Hindi maaaring siya’y makapagkunwari, magbalat-kayo kaya o magkunwang walang batik, sapagka’t sa harap ng Diyos at ng tao, ay nababatid niyang siya’y matapat na gaya rin ng kanyang “kasalo sa ligaya’t kahati sa hilahil” sa Dapitan.

Nagkaroon ng bulaklak ang kanilang pag-ibig: isang maliit na sanggol na may walong buwan ang isinilang ni Josephine, nguni’t nabuhay lamang ng tatlong oras! Tatlong oras na katimbang ng tatlong siglo o tatlong daang taon sa buhay at kapalaran ng isang bayang nagbabagong-akala na’t nagsisimula nang makasinag ng isang pagbubukang-liwayway.

Bukod sa kanyang tulang Huling Paalam na iniuukol niya sa bayan, ang isa sa pinakamalungkot niyang tula ay nalikha nang ang kanyang kabiyak ng dibdib, si Josephine, ay pahintulutan na niyang makabalik sa Hongkong. Samantalang minamasid niya sa pamamaalam ang minamahal na lumisan, naisulat ni Dr. Rizal ang ganitong mga talata:

“Josefina, Josefinang napaligaw sa pampangin
Naming ito na ang hanap,
Isang pugad ng paggiliw,
Ikaw mandi’y golondrinang
di matiyak ang tunguhin
Kung dito nga o sa Shanghay,
Tsina’t Hapong mararating,
Nguni’t huwag malilimot na
sa lupang ito na rin
ay may pusong nagmamahal,
pusong tunay ang tibukin.”

Katalagahan

ni Vic Macapagal

Kagabi ay hindi ako sumama sa mga kaibigan ko. Naipangako ko kay Kuya na sa kanya ko ipagkakaloob ang isang buong linggo. Itong linggong ito. Kahit na nga ba sa loob ng nakaraang mga buwan ay siya na ang naging gunitain ng buo…ng pamilya.

Alam ko, magiging masaya na naman sa bahay. Wala na ang supil na mga ngiti. At mga halakhak na ang kamatayan ay halos sabay sa pagkakaluwal. Magiging maluwag na naman ang aming paghinga. Noon, tila lahat ng sariwang hanging pumasok sa bahay ay para kay Kuya lamang. Wala na ang wari’y tinik na dumuduro sa aming magkakapatid sa mga panahong kami’y nakalilimot at nakapagbibiruan. Sa aming panaka-nakang pagbibiruan, kung magkagayon man, ay saglit lamang ang dampi ng tuwa sa aming mga mukha. Kahit na nga malayo pa kami sa silid ni Kuya. Talaga lamang na mahirap sikilin ang paminsan-minsang bugso ng damdamin. Sigla at indak ang tunay na kahulugan ng buhay. Iyon ang alam ko. Iyon ang nadarama ko.

Minsan galing sa paglalaro, ang aming bunso’y humahangos na umuwi. Parang ibig umiyak. Ako ang dinatnan sa bahay. (Nasa palengke si Inang. Nagtuturo si Ate Ester sa elementarya. Si Ditse ay nasa tahian, nanahi.) Sa pagitan ng hinahabol na paghinga at pandalas na singhot ay ibinulalas niya ang unang kalbaryo ng kanyang kamusmusan. “Diko, mamamatay na nga ba si Kuya? Kanser nga ba ang sakit ng Kuya, ha, Diko?”

Matagal. Hindi ako nakaimik. Dambuhalang kulog ang bawat salitang umalpas sa kanyang munting bibig. Nakabibingi. Nakapanlulumo. Sa kanya ko unang narinig ang mga tanong na ito. Maliwanag at sukol sa kahulugan. Ni wala akong lakas na bigkasin sa aking sarili ang mga katanungang iyon. Bagama’t matagal ko nang pilit inaarok ang hiwaga ng kamatayan. Matagal na. Bago pa magkasakit si Kuya.

Si Lito. Bata pa siya. Wala pa sa kanyang kamalayan ang hiram na buhay. Siya’y isang kerubin ng kawalang-kamatayan. Sa kanya ang buhay ay isang biyayang sinlusog ng kalikasan. Hindi niya kailangan ang mahabang paliwanag. “Kanser nga sakit ng Kuya, pero madali na itong gamutin ngayon, di tulad noong araw,” sabi ko. “Kita mo at kay lakas ng Kuya ngayon,” dugtong ko pa. Iyon lamang at buong kasiglahan siyang bumalik sa iniwang mga kalaro. Matagal na siyang wala nang muli kong mahagilap ang aking sarili.

Anim na buwan ang taning ng doktor kay Kuya. Pagkaraan ng limang buwan ay malakas pa rin si Kuya. Minsan ay dumalaw si Tata Miguel. Sabi niya, “Bakit hindi ninyo dalhin kay Da Ipe. Aba’y kay-rami nang napagaling ni Da Ipe na tinanggihan na ng mga doktor.” At inumpisahan niya ang litanya. “Naroon si Monico na natuklaw ng ulupong, nakatirik na raw ang mga mata nang idating kay Da Ipe matapos tanggihan ni Dr. Villavicencio. Si Huling na modista, matagal ding nagkasakit, etraytis daw yata ang sabi ng doktor, pero hindi at kulam pala. Sandali lang pinagaling ni Da Ipe. Si Damian, ulser daw, nakatuwaan lang pala ng nuno sa punso. Si Robert ng Tata Sidro mo. Si Ameliang kapitbahay n’yo. Si Turing.”

Marami pa siyang sinabi na pinagaling ni Da Ipe. Wala siyang binanggit tungkol doon sa kung hindi man pinalubha ni Da Ipe ay hindi naman niya napagaling. Si Doro, si Maryang Tuhod, si Enyang, si Andang Pedro, si Tacing.

“Bayaan mo, Kuya Miguel,” sabi ni Inang, “at baka madala rin namin si Berting bago matapos ang linggong ito.” Ngunit alam kong alam ni Inang na hindi papayag ang Kuya. Buung-buo ang sampalataya ni Kuya sa siyensiya ng medisina kung sakit at sakit din lang ang pag-uusapan. Nasa huling taon na sa kolehiyo si Kuya at Medical Technology ang kanyang kurso. Pangarap din kasi niya na makarating sa Amerika.

At ako nga, bagaman at salutatoryan nang magtapos ng haiskul ay napilitang maghinto muna matapos makaisang taon sa UP. “Hintayin mo nang makatapos ang Kuya mo,” madalas na sabihn ni Inang. “Buti kung buhay pa ang Amang mo. Baka sakaling matustusan namin kayong dalawa. Pero ngayon, kahit nakatutulong na ang Ate Ester mo ay hirap pa rin tayo.” Hindi alam ni Inang na hindi na niya kailangang sabihin pa sa akin ang aming pagsusumikap na umunlad. Hindi na niya dapat isa-isahin pa ang matatarik na bundok sa aming harapan. Aalis na lamang akong nahahabag kay Inang, dahil alam kong nahahabag din siya sa akin.

Naalala ko si Danny. Matalik ko siyang kaibigan at mahigpit ding kaagaw. Siya ang aming balediktoryan sa San Ildefonso Academy. Pareho kami ng pamantasang pinasukan at pareho rin ng kursong kinuha. Nahinto nga lamang ako. Noong isang linggo ay dumalaw rin siya kay Kuya. Ngunit alam ko, gusto rin niya akong makita. At makausap.

Masayang tao si Danny. Ewan ko kung paano siya nakatiis na hindi ngumiti simula pagpasok sa bahay hanggang sa siya’y magpaalam. At kung paano siya nakapagtiis na hindi magkuwento. Malakas magkuwento si Danny. At lalong hindi siya marunong maubusan. Alam ko, wala siyang maapuhap na kahit isang kaluluwang may buhay sa buong kabahayan.

Ihihatid ko siya sa abangan ng sasakyan. Wala kaming kibong pareho. “Hanggang kailan ba ang taning sa Kuya mo?” pamaya-maya’y biglang tanong ni Danny.

“Bago matapos ang buwang ito,” sagot ko. Nakatingin ako sa malayo. Alam ko tinatantiya ni Danny kung ano ang nasa kalooban ko. Sa tuwing mag-uusap kami ay kapwa malaya sa mga personal na alalahanin ang bawat isa, di tulad ngayon.

“Lahat naman tayo ay may taning ang buhay, a,” sabi niya. Hindi ako sumagot. Nakatingin pa rin ako sa malayo.

“Mapalad nga ang Kuya mo at alam niya kung kailan siya mamamatay,” muling tuldok ni Danny na parang naghahanap ng mina ng langis.

“Sangangdaan ang patunguhan ng tao, Danny, nalimutan mo na ba si Socrates? May mamamatay at may mamamatayan. Maaaring mapalad ang isa ngunit paano ang iba?” pagtutol ko.

Hindi alam ni Danny, tunay na matatag ang loob ni Kuya. Minsan ay napuna niya marahil ang aming pagkabalisa. Ang hindi pagiging natural ng aming mga kilos. Pati na ang bukas ng aming mga bibig ay kanyang pinagmamasdan. “Masaya sana ako,” sabi niyang nagtatampo, “at kung ako’y nagbibiro ay malalakas ang inyong halakhak, lamang ay wala akong taginting na maulinigan. Sa mga kuwento ko ay tainga lamang ninyo ang matamang nakikinig. Iba ang alagataing kipkip ng inyong mga puso.” Si Ate Ester at si Ditse ay bigla na lang tatalikod at magpapahid ng luha na hindi raw nila kayang mapigilan. Ako naman ay aalis na hindi alam kung saan pupunta.

Mapalad nga si Kuya. Ngunit si Inang? Kami? Si Ate Ester at si Ditse?
Ilang beses kong nabungarang umiiyak si Inang sa kanyang silid. Mula nang mamatay si Amang ay sinarili na naming magkakapatid ang natitira pang kahulugan sa kanyang buhay. Bawat kabiguan namin ay sugat niyang tinitiis. Ngunit ngayon, para kay Inang ay wala nang ningning ang sinag ng araw sa umaga. Sa kanya, at sa aming lahat, ang bawat bukas ay may dalang dagok ng pangamba. Datapwa’t para kay Inang, at iyon ang pinakamasakit sa akin, sa bawat katiyakan ng bukas ay may pangitain pa rin ng pag-asa.

Sina Ate Ester at si Ditse. Silang tatlo ang halos magkakaalinsabay. Silang tatlo ang pumupunit at humahabi sa lahat ng problema ng bawat isa. Malilimutan pa ba ni Ditse nang minsang may bumastos sa kanya doon sa tahian ay napaaway si Kuya. Pinalo si Kuya ng kahoy na may pako at tinamaan siya sa tuhod. Hindi na gumaling ang sugat, at ito nga marahil ang naging sanhi ng kanyang kanser. Paano sila ngayon? Ngayong alam nila na malapit nang mawala sa kanila si Kuya. Unti-unti. Araw-araw.

Abut-abot ang pagtutol ni Danny nang sabihin kong lilipat na ako ng ibang kurso. Alam kasi niya kung gaano kalaki ang paghahangad kong maging isang mahusay na manggagamot. Nagiging labis lang daw ang aking pagiging sentimental. Ang matawag na sentimental ay isang mabigat na paratang sa aming dalawa ni Danny. At maging sa lahat ng mga kabarkada namin sa kolehiyo. Mariin ang aking naging pagpapaliwanag. Marahil ay pagtatanggol sa sarili.

“Alam mo, Danny,” sabi ko, “wala na ang dating magneto ng medisina sa aking katauhan. Aking natuklasan na kung nagagawa mang patagalin ng mga makabagong gamot at pamamaraan ng medisina ang buhay ng tao, wala naman itong kakayahang gawin siyang higit na maligaya. Ilang kutsaritang luha ang kapalit ng kakaunting gamot na ibibigay mo sa isang batang maysakit? Maihahambing mo ba sa libo mang kamatayan ang takot ng isang musmos sa duro ng iniksiyon? Ilang pamilya ang pumalaot sa habambuhay na paghihikayos upang mabuhay ang isang kaanak na magiging inutil lamang sa habampanahon? Ewan ko kung ano ang nadarama mo sa tuwing papasok ka ng ospital. Para sa akin, higit na magaan ang aking hakbang pagkagaling ko sa isang libing.”

Tahimik lang si Danny habang ako’y nagsasalita. Nakatingin sa akin. Alam kong nasa balag siya ng hindi paniniwala at pagkaawa. Kahit kailan ay hindi ko pa nakitang nabigla si Danny.

Muli, nagpatuloy ako. “Kilala mo ba si Da Ipe? Alam mo, higit na marami siyang napaliligayang tao. Maraming taga-ibang lugar ang nagsasadya kay Da Ipe upang magpagamot. Hindi siya tumatanggi. Dalhan mo siya ng naghihingalo, ng sinabugan ng apendisitis, ng may kanser, may lukemya, may ulser, natetano, nalason, nakalulon ng pako, at buong pagtitiwalang gagamutin niya ang kahit sino sa kanila.”

Sumabad si Danny. “Iisa ang kanyang gamot. Iniksiyon ng pag-asa. Hanggang sa huling sandali.”

“Mahiwaga ang pag-asa, Danny,” sabi kong halos pabulong. “Walang mali at tamang pag-asa. Si Da Ipe sa kabila ng pag-asenso ng teknolohiya at sibilisasyon ay patuloy pa ring dinarayo ng mga tao. Mapagaling man sila o hindi ay walang gaanong kaibahan. Ang mahalaga ay madala kay Da Ipe ang mga may karamdamang hindi na kayang lunasan pa ng mga maalam na doktor.”

Pinigil ako ng mga sunud-sunod na tanong ni Danny. Nagpapaalaala. “Mario, hindi ka na ba tulad noong araw? Takot ka na ba sa katotohanan? Hindi ba’t katotohanan at katiyakan ang ating hinahanap?

Maliwanag sa akin ang lahat. Gusto ni Danny na sagipin ang tuluyang pagkalunod ng aking katinuan. Pagtatangkang walang lakip ng pang-unawa.

Malayo ang baryo nina Danny. Maglalakad siya kung palalampasin niya ang huling biyahe. Hindi ko alam kung paano kami naghiwalay. Naramdaman ko na lamang na uminit ang aking mga mata. Ang ugong ng dyip. Ang alikabok na sing-itim ng takipsilim.

Malayo na si Danny ngunit gusto ko pa rin siyang sagutin. Gusto kong isigaw sa kanya: Tunay na madali ang tumanggap ng katotohanan. Ng katotohanang totoo nang talaga. Ano mang bigat ang kapalarang pasan mo sa iyong balikat o sapo ng iyong mga palad ay kaya mong batahin. Ang mahirap yakapin ay ang malupit na katotohanang darating pa lamang. Hindi pa dumarating ngunit tiyak ang pagdating. Si Kuya, anim na buwan siyang minahal ni Inang, naming lahat, ngunit pagmamahal hindi sa isang buhay. Tutoo, ang nagpapagalaw sa aming lahat ay ang matapat na pagmamahal sa isang taong bagaman at masasabing buhay pa, ay malaon nang patay.

Pinakakain nila si Kuya nang ako’y pumanhik sa bahay. Matagal din bago ako nakatulog ng gabing iyon.

Kamakalawa, ang libing ni Kuya ay sinaksihan ng maraming tao. Halos nakiramay ang buong bayan. Pakikiramay na mahigit nang anim na buwan naming nadarama. Pagkat sila, kami, si Inang, ay matagal na naghintay.

Dahil sa Madyong

ni Vic Macapagal

Malaking problema ang idinulot sa akin ng aming bagong kalapit-pinto. Simula nang lumipat sila ay hindi na natahimik ang aking tenga’t kaluluwa. Sa umaga, sa tanghali, at sa gabi ay walang tigil ang ingay na mandin ay nagsasangag ng graba at buhangin. Ang haluang ito ng pitsa ay isa lamang sa hindi mabilang na ingay at tunog sa laro nilang… higit na kilala sa tawag na madyong.

Matapos manggaling sa haiskul na aking pinagtuturuan, ang lagi kong kaharap ay ang aking makinilya upang malaya kong isatitik ang daloy ng aking mga guniguni. Ngunit nagsimula ang Linggo at ngayon ay Biyernes na pero bakante pa rin ang puting papel na dapat ay pinamumutiktikan na ng aking mga obra maestra. Ang guniguni kong nasanay sa tikatik ng makinilya ay biglang naakit ng bagong karibal na ingay kung gabi mula sa nagliliwanag na kapitbahay. Sa pagitan ng pagsasangag na iyon ng bato at buhangin ay mga salitang kadalasan ay napapalakas: “pung”, “one ball”, “Ano’ng tapon?” “Bunot!”, at iba pa.

Buo na ang aking pasiya. Bukas din ay ipakikiusap ko kung maaari ay huwag na silang maglaro sa gabi. Mabait naman daw si Mrs. Sarabia, sabi ni Inang nang minsa’y magkausap sila.

Sabado. Ika-sampu ng umaga. Ako ang kauna-unahang bisita ng mga Sarabia. Dinatnan ko ang isang batang mga sampung taong gulang.

“Mommy, tila may maglalaro na! Tawagin ko na ba si Ate?”

Napagkamalan ako ng batang lalaki. Tututol sana ako nang sa lalabas si Mrs. Sarabia. Nagpakilala ako kaagad.

“Magandang umaga ho, misis. Ako ho si Ariel na nakatira sa kabila. Anak ho ni Aling Nora.”

“Ikaw pala si Ariel. Halika, tuloy ka! Pasensiya ka na at napuyat kasi kami kagabi. Madaling araw na nang maghinto sila Luz.”

“Tungkol nga ho doon ang sadya ko. Nais ko ho sanang . . .”

Pinutol ang sasabihin ko nang biglang lumabas ang dalagang anak ni Mrs. Sarabia. Naka T-shirt ng dilaw, naka-short-shorts, at nakangiti.

“Mommy, ang aga naman yata ng dayo natin.”

“Luz, siya si Ariel, anak ni Aling Nora diyan sa kabilang pinto. Iba yata ang sadya niya.”

“Sayang! Akala ko pa naman ay may pogi na kaming makakalaro.” Maharot ang ngiting ipinukol sa akin ng mapagbirong dalaga.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay sa bibig lumabas ang aking guniguni. “Ibig ko nga sanang magmadyong pero hindi pa ako marunong.,” ang bigla ay nasambit ko. Napakaganda ni Luz. Sa nagdarahop na guniguni’y isang biyaya ang kanyang kabuuan. Siya’y isang kuwentong walang katapusan.

“Iyon lang pala e,” nakangiti pa ring sabi ni Luz, “bayaan mo at tuturuan kita. Bago dumating ang barkada ay marunong ka na.”

Pinilit nila akong doon mananghali, ngunit pinanindigan ko ang aking pagtanggi. Sabi ko’y lilipat na lang ako pagdating ng mga kaopisina ni Luz upang manood at maglaro.

Ikinuwento ko kay Inang ang aking natutuhan sa mga Sarabia sa pagitan ng paghigop sa niluto niyang tinolang manok.

“Nasa Saudi pala ang asawa ni Mrs. Sarabia. Upang huwag mainip si misis ay binayaan niya na matuto ng madyong. Pati na si Luz, ang anak nilang dalaga ay naadik na rin dito. At dahil nag-oopisina ito sa araw, ay sa gabi napipilitang maglaro.”

“Ano ang nangyari sa sadya mo? Bakit ka natagalan?”, ang usisa ng ina ni Ariel.

“Malayo hong mangyari na mapigil ko sila, Inang. Kaya tulad ng kasabihan – Kung hindi mo sila kayang sawayin, sumama ka na lang. Iyon ho ang aking ginawa. Marunong na ho akong magmadyong. Tinuruan ho ako ni Luz.”

Nang hapong iyon ay natalo ako ng mahigit na isandaang piso. Ni hindi ko nakalaro si Luz. Nasa kabilang mesa ito. Natalo ako dahil siguro sa katitingin kay Luz. Inaabangan ko ang pagtingin niya sa akin. Ngunit hindi ito tumingin. Hindi ko nakitang tumingin. Nang matapos na ang laruan, at malaman ni Luz ang aking pagkatalo, ay masuyo itong nag-alok, “Ariel, naku ang laki pala ng talo mo! Kung gusto mo tuturuan kita uli ngayong makahapunan.”

“O sige, para makabawi naman ako,” ang nakatawa ko na ring sagot.

Sa palagay ni Luz ay marami siyang naituro sa akin nang gabing iyon. Kung paanong mamomoro ng up and down mula sa paningit o back to back. O kaya’y one-four-seven, two-five-eight, o three-six-nine. Tinuruan din ako kung paano mamimirmis ng panapon upang hindi tumambog sa kalaban.

Ngunit iba ang aking natatandaan. Ang mga mata niyang wari’y nagpasadya ng pilikmata upang malayang makapaglaro sa ilalim ng naka-arkong kilay. Ang ilong niya sa tingin ko’y nililok upang pulos mababangong simoy lamang ang kanyang sasamyuin. Ang bibig at labi niya’y ginawa upang katagpuin ng pag-ibig. Ang pisngi niya’y katulad ng pastilyas-Bulacan na bagong alis ang balat. Ang maputi niyang leeg, Diyos ko! Ang bugtong ng kanyang dibdib na ang kasagutan ay mapagtatanto sa kanyang bahagyang paggalaw.

Ilang ulit pa niya akong tinuruan at maraming beses pa akong natalo. Hanggang isang hapon, nang dumating ang mga dayo ni Luz ay wala siya. Nanood kami ng sine at kumain sa labas, kasama ang kapatid niyang si Ronnie. Nang pumakabila ako nang araw na iyon ay simple lang ang sinabi ko.

“Ayoko na yatang maglaro. Sigurado namang talo ako. Kung ibig mo Luz, kumain na lang tayo sa labas at manood ng sine nina Ronnie. Kahit paano makakahati ako sa matatalo sa akin.”

“Aba, sige,” bigla ang sagot ni Luz. “Sigurado namang panalo ako sa ganyang sistema,” pagkuwa’y idinugtong niya, kasama ang pagkatamis na ngiti.

Tutoong ang nakaaakit sa mga naglalaro ng madyong ay ang pagsalat sa nakataob na piyesa. Lalo na at malakas at marami ang kanilang porong hinihintay. Ngunit bago ko pinangarap ang pagsalat ng piyesa, habang tinuturuan ako ni Luz, ay ang malambot, makinis, maliit niyang kamay muna ang sa aki’y bumalisa. Ang paminsan-minsang pagdadaiti ng aming mga kamay na hindi sinasadya ay sapat na upang malimot ko ang lahat niyang itinuturo. Iyon ang simula upang ang malaporselanang kamay na iyon ay pangarapin kong maging akin. At hindi ang malamig na sikreto ng mga nakataob na piyesa ng madyong. Iyon ang dahilan marahil kung bakit hindi ako nanalo sa madyong minsan man. At kung bakit tinuruan ko ng ibang libangan si Luz. Pinahiram ko siya ng mga kuwento at nobela nina Ric Lee, Hernandez, Santos, Agulto, Fanny Garcia at iba pa. Ito ay sinasalitan ko ng pagyayaya sa kanyang mamasyal, magsine, at kumain sa labas.

Nang lumaon, pati na si Mrs. Sarabia ay nag-umpisa na ring mahilig sa pagbabasa ng mga nobela at kuwento. Lalo na kung walang korum upang makapaglaro siya ng madyong, dahil kasama ko nga si Luz sa pamamasyal. Sa simula’y pahiram-hiram si Mrs. Sarabia ng libro sa akin, hanggang sa matutuhan na rin niyang magsadya sa mga bookstore upang malaya siyang pumili at bumili ng makursunadahang basahin.

Habang dumadalas ang pamamasyal namin ni Luz ay dumadalang naman ang pagmamadyong sa kanilang bahay. Ito ang larong aking ipinanalo. Wala na ang ingay na animo’y nagsasangag ng graba at buhangin sa gabi. At natitiyak kong hindi na ito mauulit pa. Lalo na at kasal na kami ni Luz. Ngayon, sa gabing katalik ko ang aking makinilya at nagpupumilit na makabuo ng isang kuwento ay wala nang karibal na ingay na umiistorbo sa akin. Datapwa’t kung minsan ay. . .
“Riel, darling, matulog na tayo. Gabi na. Inaantok na ako.”

Sa ngayon ay ito ang karibal ng aking mga salaysaying pawang kathang-isip. At sa lahat ng pagkakataon ay handa kong ipagpalit ang lahat kong kuwento sa piling ng aking mahal na maybahay. Siya ay isang buhay na kuwentong ang dulot na ligaya’y walang katapusan.

Nagmamadali Ang Maynila

ni Serafin Guinigundo

” GINTO. GINTO… Baka po kayo may ginto riyan?”

“Mga mama.. mga ale… ginto…?” ang alok-anyaya ng isang babaing nakakimona at ang saya ay humihilahod sa sakong at siyang lumilinis sa makapal na alikabok sa bangketa.

” Baka po kayo may ginto?” ang muling sigaw ng babae. ” Kung may ginto ako bakit ko ipagbibili? Hindi baga mas mahal ang ginto kaysa kwalta?” sambot ng isang lalaki na ang kausap ay ang kaakbay.

Ang kalipunan ng mga taong naglipana sa Azcarraga, Avenida Rizal at Escolta ay mga mamimiling walang puhunan (karamihan) at mga tagapagbili ng mga bagay na wala sa kanila at lalong hindi kanilang pag – aari.

Ang hanapbuhay ng mga ito ay magtala sa papel ng mga bagay na nababalitaang ipinagbibili. Madalian ag kanilang usapan, Mabilis magkasundo. Tiyak ang pook na tipanan sa harap ng isang mesa: sa ibabaw ng umaasong kapeng-mais na pinapuputla ang kulay ng gatas na may bantong gatas ng niyog. Kung sila’y palarin; kakamal ang libo, kung mabigo naman ay gutom maghapon.

Sa tawaran ay hindi magkamayaw. Tingin, tawad, silip, tingin, tawad. Tingin sa singsing, sa kwintas, hikaw, at pulseras.

” Ilang ply, anong sukat ng goma?” usisa ng isa.

” Ano? In running condition ba? Baka hindi, Mapapahiya tayo,” ang paniniyak ng isa naman.

” Aba! sinasabi ko sa iyo… garantisado. hindi ka mapapahiya,” tugon ng tinanong.

” Hoy,Tsiko, ang iyong lote, may tawad na. Ano, magkano ang talagang atin doon? Mayroon na ba tayo? Baka wala? Ihanda mo ang papel. Bukas ang bayaran. Tiyakin mo lang ang ating salitaan ha? Kahit hindi nakasulat… ikaw ang bahala.”

” Ako ang bahala, boy. Alam mo na ang bilis natin, hindi ka maaano. Hawak natin ang ibon.”

Ang iba ay maingat; gumamit ng mga lenteng maaninag sa mga tapyas ng brilyante. Nangingilag sa basag na bato: iyong may karbon; iyong may lamat. Malulugi kapagka nabibigla sa pagtawad. Sa bawat may lenteng tumitingin ay marami pang taong nakapaligid na nag – aantay na makasilip naman: makatingin at tumawad sa singsing, hikaw at pulseras. Ang init ng araw ay hindi alumana ng mga taong ayaw iwan ang kakapalan ng nagtatawaran ng lupa, bahay, bakal, pako, trak, lantsa, kabayo, makinilya at iba pang mga bagay. Kakain lamang upang magbalik; babalik lamang upang makipag – usap, tumawad, at tumingin. Ang maghapon ay natatapos sa nakapaghihinayang na pakinabang; nauubos upang umasa sa isang kinabukasang marahil ay lalong mapalad at manigo.

” Balut… balut… baluuuut… baluut!”

“Puto… put.., putt… puto.” Iyan ang mga tagapambulahaw sa mga natutulog, sa mga may nanlalambot sa tuhod.

” Isang oras lamang, maaari ba? Ipapakita ko lang sa aking buyer. Magugustuhan ito. Cash ngayon din. Iiwan ko muna ang aking tubog sa iyo. May halaga yan. ”

” Huwag na. Dalhin mo, Sisirain mo ba ang iyong pangako? Kilala naman kita. Madali ka. Isang oras ang pangako ng aking kaibigan sa may ari nito. Kaya kung dadalhin mo ay sige. Ibalik mo agad aantayin kita. Hindi ako aalis, bago mag-ikalabindalawa. ”

Humahangos ang pinagbigyan ng singsing. Naglagos sa kakapalan ng mga tao. Madagil o makadagil ay tuloy sa kanyang paglalakad. Hinahawi ng kanyang mga bisig ang mga tao. Isinisingit niya ang kanyang manipis na katawan. Maikli lamang ang palugit sa kanya sa singsing – isang oras. Ang taong humahangos at nagmamadali at tila nakikipag -agawan ng oras ay si Maciong. Kabilang si Maciong sa mga bumibili nang walang puhunan kundi laway at nakapagbili nang wala kundi sa listahan. Isa siya sa mga ahente sa pamilihang- kalye na lalong malaki ang pakinabang sa kanyang listahan kaysa sa tunay na tinatanggap ng kanyang bulsang palaging puno ng bigong paghihintay.

Si Maciong na kasalungat ng katwiran ay bata ni Luisita, ang kanyang kabiyak ng dibdib, ay may paniniwalang ang pananagumpay sa buhay ay nakasalig sa kaunting bilis ng isip na kanyang tinatawag na “abilidad”. Ang abilidad na iyan ni Maciong ay siyang ipinangangako kay Luisita. Maipakikilala niya ito sa iba’t ibang sukat ng goma; sa mga hawak niyang option sa trak, sa awto, sa bahay, sa lupa at marami pang iba. Iyan ang kanyang inaasahang masasalapi hindi maglalaon. Mga katapatan lamang niya ang kaniyang pinagsasabihan. Baka siya’y maunahan kung siya’y magsasabi. Mabibigo ang kaniyang pangarap. Muli siyang susumbatan ni Luisita.

Nakaraan din si Maciong sa kumukutong mga tao.

” Teng… teng… teng…teng..,” ang tinig nang dumaragsang dambuhalang trambya
na maraming sakay na hindi makapasok sa loob, tranbiyang tila baga isang kalabaw
na ‘di makayang lumulon sa sinsamungal na sakate sa kanyang namumuwalang
bunganga.

Nangunyapit lamang si Maciong sa tansong hawakan sa tranbya.
Doon siya nagpalumaging nakabitin.

” Pasok po sila… pasok po kayo… dito sa loob at maluwag. Pasok..,pasok.,.” ang dugtong na utos ng konduktor. Hindi alumana ni Maciong ang pagdudumali ng konduktor. Laging hindi napapansin ni Maciong na ang kanyang pagsambot sa tiket ng isang umibis ay sinusulyapan ng konduktor. Ang pagpasok ni Maciong sa loob ng trambya ay hindi nalingid sa kabatiran ng konduktor. Hindi pansin ni Maciong ang pagpapatunog ng taladro ng konduktor.

” Narito, ” sabay abot ni Maciong ng tiket na halos mainit – init pa buhat sa kamay ng kaiibis na mapagkawanggawa na sinambutan ni Maciong.

” Hindi ba kapapasok mo lamang?”

” Kanina pa po ako, bumago lamang ng upo. ”

” Saan kayo sumakay? ”

” Sa trambya, saan pa?”

Hindi napigil ng mga nasa paligid na nakikinig ang pagtatawanan, na naging snhi g pamumutla ng konduktor.

“Saan kang pook ng Maynila, nagsimulang sumakay?” ang buong linaw na tanong ng konduktor sa hangad na makabawi sa pagkapahiya, “Itinanong mo na kanina iyan,” tugon ni Maciong. “Itatanong mo na naman. Ewan ko ba? Tingnan mo sa tiket. Diyan mo iginupit kanina. Hindi ka ba marunong bumasa?”

Naghagikgikan ng tawa ang mga nasa paligd nila na nakikimatyag sa
kanilang pagmamainitan.

Buong pagngingitngit na tinitigan ng konduktor ang gusot na buhok ni Maciong. Sinukat ang laki ng bisig nito; hinagod ng malas ang taas at nang ang kanyang mapanuring paningin ay dumako sa kupi-kuping tainga ni Maciong na tila kulubot na sitsarong – Bocaue ay nagkunwang tinungo ang pintuan ng trambya upang makaibis at makasampa ang maraming sakay.

Mag-iikalabing-isa na at kalahati ng tanghali. May kalahating oras pang nalalabi sa ibinigay sa kanyang palugit upang maipagbili ang singsing. Natitiyak ni Maciong ang pakinabang na halos binibilang na niya sa kanyang palad na hindi nag-aamoy kwalta may ilang buwan na.

Nagdudumaling nanaog si Maciong sa Plaza Burgos. Nag-uumihit na sinundan ang
isang taong may bitbit na bayong. Tinawag niya sa pangalan ang taong iyon.
Lumingon ang tinawag. Nagkakilala silang dalawa.

” Hoy Tasio dala ko ang singsing. Bumibili pa ba ang ating buyer?”

“Aba, eh… kailan ba tayo huling nagkausp? Matagal na. Nawala na sa loob ko. Akala ko’y wala kang makukuha, sayang, nakabili na, Bayaan mo at sa ibang araw.”

Hindi makuhang ilabas ni Maciong sa bulsa ang kanyang kamay na buong higpit na
nakahawak sa singsing. Naaalala niya at inuulit-ulit ang kanyang gunam-gunam ang
“Bayaan mo at sa ibang araw” na katulad na rin ng katagang ” mabibigo yata ako
magpakailanman.” Tinitigan ni Maciong ang pagdaragsaan ng mga tao sa Plaza
Burgos. Unahan sa pagsakay sa trambya. Hindi makaigpaw sa itaas ang ga may
mahihinang mga tuhod lalong mahihinang bisig sa pagdaraingkilan. Ang mga babae
ay naging mapagbigay sa paggitgitang yaon; hindi nila napansin ang pagkaipit ng
kanilang katawan sa matitipunong bisig; halos mayupi ang kanilang mga likod-ang
dibdib. Ang kutob ng dibdib ni Maciong ay halos magpatahip ng kanyang polo shirt
na mamasa-masa na sa pawis.

Sa paningin ni Maciong ay may kulay pa rin ang sikat ng arw, bagama’t ang matitingkad na kulay na yaon ay pilit na pinangungupas ng nagsalabat na dilim na pumipindong sa tuktok ng mga nagtatayuang gusali.

Ang tinatahak ni Maciong ay makikinis na mukha ng aspalto na kadidilig pa lamang. Ang ganti ng liwanag buhat sa mararangyang tahanan ay tila matutulis na palasong nagtalusok sa makikinis na mukha ng kalsadang tinatahak ni Maciong.

” Balut… balut… Baluut… baluuut”.

” Putooo… putooo… puto… puto..!”.

” Maciong, kain na. Malaki ba ang tinubo mo kahapon?” ang naging tanong ni Liusita. ” Hindi
mo na ako nabigyan ng balato. Ibibili ko lamang ng iyong sapatos.”

Nangiti si Maciong. Nalalaman niyang siya ay nililibak o binibiro ni Luisita.

” Maciong, tigilan mo na ang lintik na buy and sell na iyan. Payat ka na, ang pambili mo lang ng sigarilyo ay hindi mo pa makita. Panay lakad… lakad… tuwid…lakad,,. tuwid.. sa libu-libong wala. Nasaan ang iyong lion’s share at itong chicken feed ko ang siyang inaalmusal mo. Panay na ang kita ko sa labada ang iyong nginangangahan para kang luklak na ibong nag-aantay ng ngungo ng ina.”

” Luisita, masasabi mo ang lahat sapagkat iyan ang iyong nakikita. Hindi abot ng isip mo kung bakit si Pedrong Makunat ay tagapangasiwa ngayon ng Lucky Sport Real State Agency, si Kamelong Palos, hayan… may malaking tanggapan ng bakal at ang halaga ng kaniyang bakal ay
sampung ibayo ng kanyang dating puhunan. Sila ay nagsipamula sa walang katulad ko. Si Ruperto, si Mariano, kapwa may bahay na ngayong sarili. Hindi ba ang mga diyablong iyan ay katulad ko rin na nagsimula sa lapis at papel?… at si Calixto, si Melano, aba! Baka masilaw ka sa kanilang suot na brilyante? Mamatahin mo, ngunit mayroong libreta sa bangko. Sila ay para-paraang nauna sa akin, ngunit nahuli ako upang mauna. Hindi sila makatitiyak sa aking abilidad.

” Lubayan mo ako Maciong. Sa abilidad mong iyan, diyan ka magugutom. Kain na. Lalamig ang salabat. Baka naiinip sayo ang iyong kaisplit.”

” Nalalaman ko ang aking ginagawa. ang aking kapalaran ay hawak ng aking dalawang palad. Ang daigdig ay nakapaloob sa aking ulo.”

” Naku, magtigil ka na, Makita ko. Bagay sa iyo ang magsaka. Doon ka sa gitna ng bukid magbungkal at tiyak ang iyong pakinabang. Hindi mo kami mabubuhay sa swing-swing na iyan. Hindi namin makakain ang lintik na listahang iyan. Magsisilaking tanga at walang muwang ang iyong mga anak.”

Kumain si Maciong ng walang imik. Ilang subo lamang ang kaniyang ginawa at ilang higop ng kapeng-mais. Kabilang na naman si Maciong sa hukbo ng mga nagbibili at bumibili ng hindi kanila at wala pa sa kanila.

” Tiyak ba ang iyong sinasabi? Malayo ba? Pick-up hane?’

“Oo, pick-up lang. Malapit lang. Tayo na.”

Pulu-pulo ang nag -uusap. Kani-kaniyang alok; kani-kaniyang tawad. May humihipo ng singsing. May sumisilip, may lumelente sa maliit na tapyas ng brilyante. Silip.., tingin… tawad… silip… tingin,.. tawad..

” Maciong, ano ba ang iyong line ngayon? Mayroon ka bang buyer na goma ng trak? Mayroon akong dalawampu.”

” Ako, kahit anong pagkakasalapian. Totoo ba ang goma mo? Magkano… malayo
ba? Tingnan natin,” wika ni Maciong.

” Diyan lang sa tabi – tabi, isang libong piso ang halaga ng isa.”

” Diyan lamang? Tayo na, tingnan natin. Kung sa bagay dala na ako sa iyo. Madalas kang mag-alok ng wala. Nasusubo ako sa kompromiso sa aking mga kausap. Makita ko muna bago ko ialok.”

” Ikaw naman, patay-patay ka.” ang salag na kausap. Inialok ko sa iyo ang arina, pinabayaan mo. Ang pako, ang trak, ang makina, at ang makinilya. Mabagal ka naman eh…!”

Hindi pa sila nalalayo sa kakapalan ng mga nagbibili ng wala ay nasalubong ni Maciong ang dati niyang kakilala, si Tasiong Abuloy na lalong kinasusuklaman niya tuwing magugunita ang kanyang kabiguan sa singsing.

” Mayroon ba tayo riyan?” ang bungad ni Tasio.

” May buyer ka ng goma?” ” Iyan ang hanap ko. Nasaan.., ilan… magkanao?”

” Dalawampu… isang libo’t dalawang daan ang isa; malapit lang.”

” Sold. Kung mapahigit ko sa halaga ninyo ay akin ha? Wala na kayong pakialam sa higit doon… Iba na amg malinawan,” pagunita ni Tasio.

” Halika na. Iyong lahat. Hoy, Tsiko, ang sabi mo sa akin ay isang libo lamang.” ang bulong ni Maciong sa kanyang kausap. ” Wala ka ring pakialam sa labis doon. Hayan”.. naririnig mo. Huwag kang magsasalita tungkol sa halaga at bayaran mo. Ako ang bahala.”

Dalawang tango lamang ng pagsang -ayon ang iginanti ng kausap ni Maciong. Nagtuloy sila sa isang makipot na lagusan. Tuloy silang pumasok sa silong. Maraming agiw na nagsalabat sa daan. Nabulabog ang mga daga. Ang amoy ng mga lumang kasangkapan ay nakapagpapakalma ng sikmura. Tinalikwas ng nagbibili ang ilang piraso ng yero at nabuyangyang sa kanilang nag-aalinlangang paniniwala ang dalawampung goma ng trak na may balot pang papel.

Lumabas na bigla si Tasio upang tumawag sa telepono. Nakilala ni Maciong ang kaugnayan ni Tasio nang ang goma ay hakutin ng trak. Kitang kita ni Maciong na binibilutan ng sapot ng gagambang bahay ang isang langaw na mabating sa hibla. Habang minamasdan ang agiw na naglawit sa may tagulamig silong na siyang
nagpapangit sa silid na yaon ay hindi maubos – maisip ni Maciong kung bakit doon
niya natagpuan ang kapalarang ipinagkait sa kanya ng makukulay na sikat ng
araw.

Pumailanlang ang isipan ni Maciong. Naririnig ni Maciong ang kiriring ng telepono. Nauulinigan niyang itinatanong kung si Manedyer Maximo Kabangis ay naroon at kung nais bumili ng goma, ng pako, ng langis, ng yero ng trak, ng makina, ng bahay ng lote. Naramdaman ni Maciong na ang hapo at bigong pag-asa niya ay dahan-dahang humihimlay sa malambot na kama. Bumabasa ng pang-umagang pahayagan ang mga paningin ni Maciong na namangha sa isang tagumpay na inaasam-asam at nang ito ay dumating ay hindi niya maunawaan. Naririnig ni Maciong ang awit sa radyo; dinig na dinig niya ang ” Tindig, aking Inang Bayan; Lahing pili sa Silangan.”

Binalak pa rin ni Maciong na ihagis sa nanlilimahid na kandungan ni Luisita ang bungkos ng mga sasampuing piso. Gugulatin niya si Luisita. Hindi na siya bibili ng lumang damit sa panulukan ng mga daang Asuncio Azcarraga para sa kanyang apat na anak na kailan lamang ay hindi niya kayang ibili ng bago. Ipamumukha niya kay Luisita na siya’y may abilidad.

Nagkukumahog si Maciong nang siya ay umuwi nang tanghaling iyon. Ang biglang pamimintog ng bulsa ni Maciong ay damang-dama at nabubunggo ng kanyang mga hita sa kanyang mabilis na paghakbang. Nakapaglagos si Maciong sa kakapalan ng mga tagapagbili ng wala sa kanila, ngunit di niya gaanong alintana ang mga pagtatawaran, ang pagtitipanan ang pagtutuwid sa ibayong pakinabang. Sa ganang kay Maciong ay kanyang lahat ng mga kalye ng Maynila – ang buong Maynila.

” Mama… mama… genuine camel po… genuine… gen…”

” Hoy, bigyan mo ako.” ang tawag ni Maciong.”

” Magkano? ” sabay dukot sa kanyang bulsa na naging masikip sa balumbon ng mga sasampuing piso at walang anumang kumuha ng tatlo nito, iniabot sa bata, kinuha ang sangkahang Camel at ang bata ay iniwang tuwid na tuwid.

Mga ilang sandali pa, ang bata ay humahabol kay Maciong upang ibigay ang sukli.

” Mama… ang inyong sukli…”

” Ah! Hindi bale,” tugon ni Maciong, ” sa iyo na…” ang dugtong pa na ang tinig ay sinadyang ilakas upang marinig ng maraming nagdaraan. Hinigit ni Maciong ang kanyang balikat; tinutop ang kanyang bulsa; tumingala sa langit samantala’y patuloy ang usok ng kanyang sigarilyo at ang alingawngaw ng alukan at bilihan sa pamilihang kalye ay patuloy…

Patuloy ang pagkiriring ng telepono. Ang pukpok na bakal sa hulo, sa liwasan ng lungsod ng Maynila, ay patuloy. Ang mga nagtatayugang gusali ay tila nagbabantang umabot sa rurok ng langit. Ang alimbukay ng aso ng alkohol sa lansangan ay nakahihilo, Tigb ang mga karitela, Punuan ang mga trambya. Humahangos ang mga tao sa lahat ng lansangan ng Maynila. Gumagalaw ang lahat ng bisig, ang lahat ng isip, ang buong katawan ng Maynila.

Impeng Negro

ni Rogelio Sikat

“BAKA MAKIKIPAG – AWAY ka na naman, Impen.”

Tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula sa kinatatalungkuang giray na batalan, saglit siyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

“Hindi ho,” paungol niyang tugon.

“Hindi ho…,” ginagad siya ng ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”

May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Paulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.

Isinaboy niya ang tubig na nasa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at pagkaraa’y naghilamos.

“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala
nang gatas si Boy. Eto ang pambili.”

Tumindig na siya. Nanghihinamad at naghihikab na iniunat ang mahahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangang lumakad na siya. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.

Umiingit ang sahig ng kanilang barungbarong nang siya’y pumasok.

“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”

Sa sulok ng kanyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na giris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.

“Mamaya,aka umuwi ka namang…basag ang mukha.”

Bahagya na niyang maulinigan ang ina. Nakatitig siya sa tatlo pa niyang kapatid. Sunud-sunod na nakatalungko ang mga ito sa isa pang bangkong nas atagiliran ng nanggigimalmal na mesang kainan.nagsisikain pa.

Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahahaba ang kanyang biyas.

Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang mga damit nila nina Kano, Boyet at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.

“Iyan ang isuot mo.” Parang nahulaan ng kanyang ina ang kanyang iniisip.

Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat sa kanya ang kamisetang iyon noong bagong bili
ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsik-beho kapag suot iyon ngunit
wala naman siyang maraming kamisetang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina
sa paglalabada; mahina rin ang kanyang kita sa pag-aagwador.

Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, pasan na niya ang kargahan. Tuluy-tuloy
niyang tinungo ang hagdan.

“Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kanyang ina. “Huwag mo nang papansinin.”

Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa nang matalisod sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.

Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikipagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon
ito: basagulero. Lagi niyang isinasaisip ang mga biling ito ngunit sadya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag naririnig niya ang masasakit na panunuksyo sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.

Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsisimula ng panunukso:

“Ang itim mo, Impen!” itutukso nito.

“Kapatid mo ba si Kano?” isasabad ng isa sa mga nasa gripo.

“Sino ba talaga ang tatay mo?”

“Sino pa,” isisingit ni Ogor, “di si Dikyam!”

Sasambulat na ang nakabibinging tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.

Noong una, sinasagot niya ang mga panunuksong ito:

“E ano kung maitim?” isasagot niya.

Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Pagkuwa’y bigla na lamang nitong kakayurin ng hintuturo ang balat sa kanyang batok.

“Negrung-negro ka nga, Negro,” tila nandidiring sasabihin ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon: Tingnan mo ang buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo ang ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso…Namamalirong!

Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinasabi niya sa sarili. Negro nga siya. Ano kung Negro? Ngunit napapikit siya. Ang tatay niya’y isang
sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.

Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ngang pinagmulan ng nakaraan
nilang pagbababag ni Ogor, ay ang sinabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)

“Sarisari ang magiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!”

Noong kabuntisan ng kanyang ina sa kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa.
Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barungbarong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At siya ang napagtuunan ng sarisaring panunukso.

Natandaan niya ang mga panunuksong iyon. At mulanoon, nagsimula nang umalimpuyo
sa kanyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik: nagsusumigaw na paghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton niya ang mabatong daan patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barungbarong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi nababasa nya ang isinisigaw ng mga paslit: Negro!

Napapatungo na lamang siya.

Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.

Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala niya ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan
si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailanman binigyan ng pagkakataong maging kaibigan.

Halos kassingulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos hindi yumuyuko kahit may pasang balde ng tubig; tila sino
mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan. Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulog tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis sa pagkakakawit ang mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y huwag siya ang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.

Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa
bulsa ng kutod niyang maong. May isa pang nagpapaigib sa kanya.Diyes sentimos na
naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang
tulo ng tubig sa kanilang pook. At bihira ang may poso.

Tanghali na akong makauuwi nito, nausal niya habang binibilang sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwag ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng
pila’y nasa labas pa niyon.

Di-kalayuan sa gripo ay may isang tindahan.

Sa kalawanging medya-agwa niyon ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad
na ng damit at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay May kumakain ng
halu-halo.

Sa pangkat na iyon ay kay Ogor agad natutok ang kanyang
tingin. Pnilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si
Ogor. Hubad-baro at ngumingisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti
pa roon, kahit nakabilad sa init. Pasasaan ba’t di iikli ang pila? naisip niya.
Makasasahod din ako.

Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang siga mula sa tindahan:

“Hoy, Negro, sumilong ka. Baka ka pumuti!”

Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.

“Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e. Baka ka masunog!”

Malakas ang narinig niyang tawanan. Hindi pa rin siya lumilingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod na balde ngunit ang naiisip niya’y ang bilin ng
ina, na huwag na niyang papansinin si Ogor. Bakit nga ba niya papansinin si Ogor?

Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umiisod ang pila, nararamdaman niyang lalong umiinit ang sikat ng araw. Sa paligid ng balde, nakikia niya ang kanyang anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang balat. Tila ibig nang matuklap ang balat sa kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang anit at sa ibabaw ng kanyang nguso.
maybutil na rin ng pawis sa kanyang ilong.

Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan, isinawak niya ang kamay sa nalalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang batok—kaylamig at kaysarap ng tubig sa kanyang batok. Malamig. Binasa niya ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat,
ang mga bisig. May nadama siyang ginhawa ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdaman na tila nangangalirang na naman ang kanyang balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balikat.

“Negro!” Napauwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor.

“Huwag ka nanag magbibilad. Doon ka sa lamig.”
Pagkakataon na ni Ogor
upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakita
na nginingisihan siya nito.

Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni ogor. Napabuntong-hininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakas, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik.

May galak na sumusuno sa kanyang dibdib habang
pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya. Makaka sahod na
siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili.pagkaraan ng kargang iyon ay
uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.

Datapwa, pagkaalis ng hinihintay niyang mapunong balde, at isasahod na lamang
ang sa kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa
kanyang balikat. Si Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang
pinaghatidan nito ng tubig.

“Gutom na ako, Negro,” sabi ni Ogor. “Ako muna.”

Pautos iyon. Iginitgit ni Ogor ang bitbit na balde at kumalantog
ang kanilang mga balde. Iginitgit din niya ang sa kanya, bahagya nga lamang at
takot na paggitgit. “Kadarating mo pa lamang, Ogor, nais niyang itutol. Kangina
pa ako nakapila rito, a. Ako muna sabi, e,” giit ni Ogor.

Bantulot niyang binawi ang balde, nakatingin pa rin kay Ogor. Itinaob niya ang kaunting
nasahod na balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabog sa kanilang mga
paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako
iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa
paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.

“Ano pa ba ang ibinubulong mo?”

Hindi n a niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanan niyang pisngi sa labi ng nabiawang balde. Napasigaw siya. Malakas. Napaluhod siya sa madulas na semento. Kagyat na bumaha ang nakaliliyong dilim sa kanyang utak. Habang nakaluhod, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi. Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa…Mapula…Dugo!

Nanghilakbot siya. Sa loob ng isang saglit, hindi niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.

“O-ogor…O-ogor…” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin.

“Ogor!” sa wakas ay naisigaw niya.

Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagsigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng baldeng nalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga paang
alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.

Bigla siyang bumaligtad. nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakaakma ang mga bisig.

“O-ogor…”

Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumuslit ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw iya. Umiiyak siyang gumuglong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng matinding sakit.

Matagal din bago napawi ang paninigas ng kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanyang mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.

Si Ogor…Sa mula’t mula pa’y itinuring na siya nitong kaaway…Bakit siya
ginaganoon ni Ogor?

Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang muling aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.

Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor.nagyakap sila. Pagulung-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sinunud-ssunod niya: dagok, dagok, dagok… pahalipaw… papaluka…papatay.

Sa pook na iyon, sa nakaririmarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Marumi ng babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak. At siya isang maitim, hamak na Negro! Papatayin niya si Ogor. papatayin.

Papatayinnn!

Dagok, dagok, dagok…Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makapaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok. Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa. Ngunit wala siyang nararamdaman sakit. Wala siyang nararamdamang sakit!

Kakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano…si Boyet…si Diding…At siya…Negro.
Negro. Negro!

Sa mga dagok ni ogor, tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos-lakas at nag-uumiri siyang umigtad.napailalim si Ogor. Nahantad ang mukha ni Ogor. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok…Kahit saan. Sa dibdib. Sa mukha. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, dagok, dagok…

Mahina na si ogor. Lupaypay na. Nalalaglag na ang nagsasanggang kamay.
Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang
mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok…

Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.

“Impen…”

Muli niyang itinaas ang kamay.

“I-Impen…” Halos hindi niya narinig ang halingling ni Ogor. “I-Impen…s-suko n-na…a-ako…s-suko…n-na…a-ako!”

Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya
Abut-abot ang pahingal. makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot
siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at
duguan ang kanyang likod. May basa ng dugo’t lupa ang kanyang nguso.

Maraming sandaling walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador.
Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.

Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng
mga ito. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y pangingimi.

Pinangingimian siya!

May luha siya sa mata ngunit may galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagod niya ang mga kamao. nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay. Ang tatag. Ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.

Sa matinding sikat ng araw, tila sya isang mandirigmang sugatan, ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagiang larangan.

Tata Selo

ni Rogelio Sikat

Ang panitikan ay salamin ng buhay. Ito’y isang representasyon ng mga karanasan sa buhay ng tao sa tulong ng mga salita. Sa kuwentong ito, alamin kung anong mga pangyayari sa mga tao sa lipunan ang malinaw na pinapaksa ng may akda. Matagumpay ba itong nailahad ng may akda? Anong paraan ang ginamit niya?

Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit ng tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan.
Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangan makalapit sa istaked.

“Totoo ba, Tata Selo?”

“Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.”

Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao.
“Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko ho mapaniwalaan.”

Hinaplus-haplos ni tata Selo ang ga-daliri at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di kalayuan sa istaked, ipinagtitilakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang Sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nagsasalisod na alikabok.

“Bakit niya babawiin ang saka?” tanong ng Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?”
Hndi pa rin umalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan.

Hindi mo na sana tinaga ang Kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay, at nakapamaywang habang naninigarilyo.

“Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?”

Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang Kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapapaalis ka niya anumang oras.”
Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas.

“Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinapakan pagkatapos. “alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng Kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon kaya nga po ako hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masasaka man lamang po.nakikiusap po ako sa Kabesa kangina. ‘kung maaari po sana, ‘Besa’’, wika ko po, ‘kung maaari po sana, huwag naman po ninyo akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako pa nama’y malakas pa.’ Ngunit…Ay! Tinungkod po niya ako nang tinungkod, Tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po ‘nyo.”

Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis.

“Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?”

Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, anak-magbubukid na naniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata.

Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik.

“Pinuntahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis ako sa aking saka, ang wika’y iba na raw ang magsasaka. Nang makiusap ako’y tinungkod ako. Ay! Tinungkod ako, amang, nakikiusap ako sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?”

“Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.”

Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata.

“Patay po ba?”

Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat.

“Pa’no po niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina.

Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?”

Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng dyip na kinasaksakyan ng dalawang upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao.

Tumigil ang dyip sa di-kalayuan sa istaked.

“Patay po ba? Saan po ang taga?”

Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpawisang tao. Itinaas ng may-katabaang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking lalaking hepe.

“Saan po tinamaan?”

“Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing ihinagod hanggang sa kanang punog tainga. “Lagas ang ngipin.”

Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw ng batuta ang mga pulis. Ipinasya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked.

“Mabibilanggo ka niyan, Tata Selo,” anang alkalde pagkapasok ni Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.

“Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot at galit na tanong ng alkalde. Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Binawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo—“
“Alam ko na iyan,” kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde.

Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata.

“Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.”

“Saan mo tinaga ang Kabesa?”

Matagal bago nakasagot si Tata Selo.

“Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang ako po’y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.

‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ Tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a’ Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po ako sa kanya, ngunit ako po’y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod.”

“Tinaga mo na no’n,” anag nakamatyag na hepe.

Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin—may mga eskribante pang nakapasok doon—ay nakatuon kay Tata Selo. Nakayuko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa.

“Ang iyong anak, na kina Kabesa raw?” usisa ng alkalde.

Hindi sumagot si Tata Selo.

“Tinatanong ka anang hepe.”

Lumunok si Tata Selo.

“Umuwi na po si Saling, Presidente.”

“Kailan?”

“Kamakalawa po ng umaga.”

“Di ba’t kinakatulong siya ro’n?”

“Tatlong buwan na po.”

“Bakit siya umuwi?”

Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiiyak na napayuko siya.

“May sakit po siya.”

Nang sumapit ang alas-dose—inihudyat iyon ng sunod-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo—ay umalis ang alkalde upang mananghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis.

“Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na

Nakayuko at di pa natitinag sa upuan.

“Binabawi po niya ang aking saka.” Katwiran ni Tata Selo. Sinapo ng hepe si Tata Selo. Sa lapag halos mangudngod si Tata Selo.

“Tinungkod po niya ako ng tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo.

Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig napaluhod si

Tata Selo, nakakapit sa uniporment kaki ng hepe.

“Tinungkod po niya ako ng tinungkod… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod ng tinungkod…”

Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis.

“Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kay Tsip, e,” sinabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe.

Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng buwang iyo’y dapat nang nag-uuulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas.

“Dadalhin ka siguro sa kabesera, Selo,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Don ka suguro ikukulong.”

Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruming sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y natutuyong tamak-tamak na tubig. Naka-unat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, naka-sandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi na gagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon.

“Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ito ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde.

“Patayin na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang narinig si Tata Selo. Napatay ko po ang Kabesa. Patayin na rin ninyo po ako.”

Takot humipo sa maalikabok na rehas ang alkalde. Hindi niya nahipo ang rehas ngunit pinagkiskis niya ng mga palad at tiningnan niya kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito.

May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay taga-Poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi makapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itatanghal.

Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdadakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol.

Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan.

Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umalalay kay Tata Selo. Halos buhatan siyang dalawang pulis.

Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng lakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente.
Nagyakap ang mag-ama pagkakita.

“Hindi ka na sana naparito Saling,” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka, Saling, may sakit ka!”

Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis.

“Umuwi ka na, Saling” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang magsasabi…”

Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa istaked, pinanood na naman siya ng mga tao.

“Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi ng halata.”

“Ang anak, dumating daw?”

“Naki-mayor.”

Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya.

“Tata Selo…Tata Selo…”

Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya.
Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon.

Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umabot sa kanya.

“Nando’n amang si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa’y takot at bantulot nang sumunod…

Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi.

Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila…

Ang Sukatan ng Ligaya

ni Liwayway Arceo

NAGMAMADALI si Aling Isyang sa pagbibihis. Nangangamba siyang pumasok si Medy sa silid at Makita siyang nagbibihis. Natitiyak niyang hindi siya papayagan nito na makaalis. May tatlong araw

nang nagtatangka siyang makauwi sa nayon ngunit lagi siyang pinangungunahan ng anak.

“Ang Inang. . . nagbibihis na naman! Parang inip na inip dito sa ‘min . . .” matatandaan pa niyang parunggit nito. At kung may bahid man ng katotohanan itong sinabing iyon ni Medy ay hindi na siya nagpahalata. Nadama niya agad ang hinanakit sa tinig nito nang pansinin ang kanyang paghahanda sa pag-alis. Ngunit talagang hindi siya mawili sa tahanan nina Medy.

Noong una ay idinadahilan niya ang init. Nang sumunod na bakasyong lumuwas siya ay may isa nang silid sa bahay ni Medy na may sadyang pampalamig na ayon ditto ay nakakabit sa koryente. Wala naman siyang makikitang umiikot na tulad sa karaniwang nakikita niya sa kanilang nayon. Iyon ay isang parihabang kahon lamang sa dingding. Ngunit hindi rin siya nasiyahan. Nasipon pa nga siya. Gayunman ay iyon ang nagawa niyang dahilan upang makauwi sa nayon.

Hindi niya maidahilan ang alikabok. Ang malaking bahay ng kanyang anak ay malayo sa magulong lunsod. Nakatirik iyon sa gulod ay nakabukod. Sa pinakamalapit na kapitbahay. Malawak ang bakurang alaga ng isang hardinero. May languyan sa isang panig at may pinanggagalingan pa ng tubig na sumasaboy sa gitna ng hardin. Ngunit sa tuwing maglalakad siya sa paligid ng bakuran, waring may hinahanap siyang kung anong bagay na mawawaglit.

Naikuwento niya iyon kay Mang Laryo nang magbalik siya sa nayon. “Alam mo, Oy.” simula niya sa pagbabalita sa asawa, “Kahit na nga ano pa ang sabihin, iba ang singaw ng lupa rito sa ‘tin. Saka. . . kung bakit doon kina Medy, gayong binili raw nang napakamahal ang mga halalaman. . . parang hindi ako nagagandahan. Ayaw man lang ipahipo ang mga dahon ng mga masetas, e!”

Napangiti si Mang Laryo. “Ikaw naman, oo! Nagpapahalata ka naman ‘ata sa anak mo. Parang napapaso ka sa kanilang bahay. Nasabi na nga sa ‘kin ‘yan minsan… patuloy ng matanda.

“H-ha?”

“Aba, oo! Sinabi ‘yan mismo ni Medy.”Ika sa kin. . . mas mahal mo raw si Idad kaysa kanya. . . hindi raw pareho ang tingin mo sa kanila. . . “

Sa dakong iyon ng kanyang gunita ay napatigil sa pagbibihis si Aling Isyang. Waring may gumising sa kanya. Parang noon lamang sinasabi ni Mang Laryo ang panunumbat ni Medy.

“Hindi maaaring magkagano’n!” bulong ni Aling Isyang sa sarili. “Si Medy nga ang malaki ang naitulong sa ‘min, palibhasa’y sinuwerte sa pag-aasawa.” Nakakaluwag sa buhay ang naging asawa.”

“Ngunit ang hindi mawari ni Aling Isyang ay kung bakit higit na nagiging matamis ang iniaabot sa kanya ni Idad gayong maliliit na halaga lamang. Marahil ay dahil alam niyang magsasaka ang kanyang manugang kay Idad. Dukha ring tulad nila ni Mang Laryo. At kakaibang kislap sa mga mata ni Ida dang nasisinag niya sa pagkakaloob niyon.

Ilang katok sa pinto ang pumukaw sa pagdidili-dili ni Aling Isyang.

“Inang, “ narinig niyang tawag ni Medy.

“Halika, Anak. . . “tugon niya at mabilis na inabot ang alampay sa likod ng silya at ibinalabal iyon.”Bahala na . . .”bulong niya.

Hindi tumitingin si Aling Isyang sa dako ng pinto nang itulak ni Med yang dahon niyon.

“Ay, salamat. . . at nakabihis na kayo, Inang!” Masayang bati ni Medy at lumapit sa kanya. Nakasungaw sa mga labi nito ang isang masayang ngiti.

Nagtaka si Aling Isyang. Inaasahan niyang magpaparunggit na naman ni Medy at nakikita siyang nakabihis ng panlakad at may balak na umuwi.

“Talagang pagbibihisin ko kayo, Inang, e. . . aalis tayo! Habol ni Medy.

“S-sa’n . . . sa’ n tayo pupunta?” Kunwa’y sabik na sabik niyang tanong.

“Talagang sasabihin ko pa naman sa ‘yo na. . . uuwi na ‘ko. . . ngayon. . .”

Napalabi si Medy, “Ku, heto na naman si Inang! Sumama nga muna kayo sa ‘ming pamamasyal bago kayo umuwi. Magtatampo niyan si Eddie. . . Pag hindi kayo sumama.”

1

Napabuntunghininga nang malalim si Aling Isyang. Hindi siya makatutol kapag ang sinasangkalan ni Medy ay ang asawa nito. Nahihiya siyang biguin ang manugang. . . Iniiwasan niyang may masabi ito.

“Baka kung saan ‘yon, ha?” hindi pa rin napigilang tanong niya sa anak.

Napatawa si Medy. “Ang Inang. . . sa’n ba naman namin kayo dadalhin? Magpapasyal llang tayo at susubbukin daw ng manugang n’yo ang bagong kotse . . . at kakain tayo sa labas. Do’n sa restawran sa tabing-dagat. Huwag n’yo na munang hahanapin ‘yong ilog do’n sa ‘tin!” biro pa ni Medy.

“E sige . . .” patianod ni Aling Isyang. “Basta mamamayang hapon e payagan na n’yo kong makauwi at kawawa namab ang Tatang n’yo. . ’’

“Kasi naman, hindi pa sumama, e . . .’’ paninisi ni Medy.

“Alam mo namang may pinagkakaabalahan sa bukid, e. Kung hindi ba dahil sa kumpleanyo mo, luluwas pa ba ‘ko? Alam mo namang bagong-galing sa sakit si Idad. . . ’’ dugtong pa niya.

“Siya. . . siya. . . oho!’’ Matamlay na tugon ni Medy. “Mukhang talagang hindi na kayo mapipigil, e. . .”

Nang lumabas si Aling Isyang sa silid ay nabungaran niya sa salas ang dalawang apong babae na sinusundan-sundan ng mga yaya.

Ang panganay ni Medy ay anim na taon, ngunit hindi pa mapag-isa. Laging kasunod ang tagapag-alaga. Ni hindi ito makapagbihis nang mag-isa, di tulad ng kanyang apo kay Idad, na bata sa murang gulang na iyon. Ang sumunod na may tatlong taon ay napakalikot naman. Natitigil lang kung karga ng yaya.

Naupo si Aling Isyang sa sopa upang hintayin sina Medy. Hinintay niyang lapitan siya ng mga apo, ngunit waring hindi siya napapansin. Bigla niyang nagunita ang apat na apo kay Idad. Marinig lamang ng mga iyon ang kanyang mga yabag ay nag-uunahan na sa paglapt sa kanya at unahan din sa pagkapit sa kanyang saya. At kung tulad ngayon na nakaupo siya, tiyak na mag-uunahan ang dalawa sa kanyang kandungan at magtutulakan naman ang dalaw pang ibig makababa sa kanyang baliikat.

Nang lumabas si Medy buhat sa silid ay may bitbit itong sapatilyang puno ng palamuting abaloryo.

“Ito na’ng isuot n’yo, Inang. . . ’’ sabay lapag sa sahig, sa kanyang paanan.

“Naku ,’’ tutol niya, “e bakit pa? Tama na ‘tong aking kotso. . . luma nga, hindi naman sira!’’ Hindi niya masabi kay Medy na nang una siyang magsuot niyon ay nanakit ang kanyang mga paa.

“ Ku, kaya kayo ibinili ni Eddie ng bago e hindi na raw nakikitang isinusuot n’yo ‘yong unang binili namin. . . ’’sabi ni Medy.

“Kow. . . e hindi ko lang naibalita sa ‘yo, ibinigay ko sa kapatid mo. Mas bagay sa mga paa ni Idad, e . . . ’’ patuloy ni Alin Isyang.

“Kaya nga! Hubarin n’yo na ‘yang kotso. Kahiya-hiya pag may nakakia sa ‘tin sa pamamasyal.Pusturang-pustura kami. . . tapos. . .’’ at nauntol ang sinasabi ni Medy.

“Mamaya, maisip ng iba na sapatilya lang ay hindi naming kayo maibili. . .”

“Bakit ‘yon ang iisipin n’yo, e ako naman ang may gusto nito? Ngunit pinagbigyan na rin niya si Medy.

Nanibago si Aling Isyang nang tumayo siya. May kataasan ang taking ng sapatilya.At matigas ang entrada. Hindi pa siya humahakbang ay waring nananakit na ang kanyang talampakan.

Isa pa iyon sa mga dahilan kung bakit hindi siya magtagal sa bahay ni Medy. Ang gusto ni Medy ay lagi siyang susunod sa mga sinasabi nito upang walang masabi ang iba. Sa kanyang pakiramdam naman ay iniipit ang kanyang mga kilos at hindi siya Malaya. Gayunman ay ayaw na niyang maging alangan ang kanyang anak sa pamantayan ng kanyang manugang, kaya’t sinisikap niyang makibagay.

Napansin ni Aling Isyang na tuwang-tuwa si Eddie na makita nitong suot niya ang sapatilya.”Ayan. . . sabi ko na’t bagay na bagay sa inyo ang kulay na granate, e! Bumata kayo ng sampung taon!’ at inakbayan siya nito. “Tena kayo. . .’’

Dahan-dahan at buong-ingat ang ginawang pagbaba ni Aling Isyang sa hagdan.

“Masakit ba sa paa, Inang?’’ usisa ni Medy nang mapunang mabagal ang kanyang mga hakbang.

“Hindi naman. . . ’’ pagkakaila niya. “Syempre. . . medyo lang ako naninibago at mababa ang kotso. . .”

2

Wala sa pamamasyal ang isip ni Aling Isyang. Nasa bukid, sa piling ni Mang Laryo, ni Idad, at ng kanyang mga apo. Lalong naging masidhi ang kanyang pananabik sa mga apong naiwan nang makasakay siya sa kotse.

Katabi niya ang dalawang tagapag-alaga ng kanyang mga apo sa upuan sa likuran. Kalong ng mga iyon ang mga bata. Ni hindi niya mahipo kahit sa kamay ang kanyang mga apo. Waring hindi siya nakikilala.

“Sinuswerte kami sa huling transaksiyon, Inang. . .” pagbabalita ni Eddie sa kanya samantalang namamasyal sila sa tabing-dagat.”Kaya pinalitan ko na ang lumang kotse nang walang maireklamo ang anak n’yo. . .” pabiro pang dugtong.

“Maganda, a!’’ tanging naisagot ni Aling Isyang.

“Dapat naman, Inang!” katlo ni Medy.”Papasok na si Millet sa darating na pasukan. . . sa laga e magpapahuli ‘yan sa ibang bata sa kolehiyo?” at binanggit nito kung saang kolehiyo ng mga madre ipapasok ang apo.

“Para disi-otso mil lang!”

Napakislot si Aling Isyang sa pagkakaupo. Labingwalong libong piso! Kaya pala naman saanman niya hagurin ng tingin ang sasakyan ay wala siyang maipintas. Wala pa siyang nakikitang tulad niyon. Kahit ang alkalde ng kanilang bayan o ang gobernador ng kanilang lalawigan ay hindi gayon kagara ang sinasakyang kotse.

Hindi sinasadya ay napailing si Aling Isyang. Naisip niya kung paanong ang kanyang dalawang anak na kapwa babae, kapwa maganda at pareho ang inabot sa paaralan, ay nagkaroon ng magkaibayong kapalaran sa kabuhayan nang magsipag-asawa.

Naisaloob niyang marahil ay dahil magkaiba ang ugali ng dalawa. Palabati si Medy sa kapwa. Madaling makipagkaibigan. Si Idad naman ay tahimik. Mahiyain. Ngunit matay man pakiramdaman ay nasisiyahan sa buhay.

Natatandaan pa ni Aling Isyang ang matinding galit niya nang malamang nakakilala ni Medy ang isang batang-batang mangangalakal galing sa Maynila. Noon ay napadako sa kanilang nayon si Eddie upang bilhin ang tubuhan ng dati ay tinitingal sa kanilang bayan, si Don Alfonso. Hanggang nang hingin ni Eddie ang kamay ni Medy ay hindi napapawi ang pag-aalinlangan sa kanyang dibdib.

“Hindi na kayo kumibo, Inang. . ..” basag ni Medy sa katahimikan nang mapansing walang kakibu-kibo ang ina.

“A. . . e nawiwili ako. . . sa panonood. . .” pagkakaila ni Aling Isyang.

“ Nakita mo na, Ed. . . ’’ at bumaling si Medy sa asawa, “kung hindi natin binili ito, ‘yon bang disi-otso mil e maaaring sakyan? Masisiyahan ba tayo nang ganito?”

Saglit na nakawala sa diwa ni Aling Isyang ang mga nagdaan nang marinig ang masayang tawanan nina Medy at Eddie. At nakadama na rin siya ng kasiyaha. Pinilit niyang masiyahan.

Pumili ng isang sariling hapag si Eddie sa restawrang pinasukan nila. Sa bungad pa lamang ay marami ng binabating kakilala ang mag-asawa. Susunud-sunod naman si Aling Isyang. Ingat na ingat siya sa paghakbang. Nananakit ang kanyang mga paa sa suot na sapatilya. Ngunit sinarili niya iyon.

May kapaitang sumasaisip ni Aling Isyang na kung naroon siya sa kanilang sariling nayon, hindi niya kakailanganin ang magkunwari. Hindi niya kakailanganing magsuot ng anumang hindi siya nagiginhawahan. Kilala niya ang lahat ng tao at nakikilala rin siya. Hindi niya kailangan ang kumilos nang labag sa kanyang kalooban, upang masiyahan lamang sina Medy. Nakadama siya nang bahagyang kapayapaan ng loob nang makaupo na sila sa harap ng hapag-kainan.

“Baka mahal dito?” hindi sinasadyang nasambit ni Aling Isyang.

“Si Inang naman!” may hinampo sa tinig ni Medy. “Baka may makarinig sa inyo ay kung ano ang isipin! Paparito ba tayo nang hindi kami gayak gumasta?

Nagsisi si Aling Isyang kung bakit niya sinabi iyon. At lalo siyang nakadama ng pagkapahiya nang masulyapang ngingiti-ngiti ang manugang.

Ayaw magsiupo ang kanyang dalawang apo. Nawiwili sa kalalakad sa paligid ng restawran. Susunud-sunod naman ang dalawang yaya. Ang nanghihinayang sa ibinabayad ni Medy sa dalawang katulong na kabilang sa marahil ay anim o walo pang utusan sa bahay. May labandera, May kusinera. May tagalinis ng bahay. May tagawalis ng bakuran. May tagadilig. Hindi niya maubos-isipin kung bakit si Idad ay nag-iisang gumagawa sa bahay ay apat ang inaalagaang anak.

“Ano ang gusto n’yo, Inang?” tanong ni Eddie nang mapunang hindi siya kumikibo.

“Kayo na ang bahala. . . lahat naman ay kinakain ko!” mahina niyang tugon. Sadyang hindi niya alam kung ano ang maaari niyang hingin sa restawrang iyon. Alam niyang wala roon ang paborito niyang pangat na malakapas at banak.

3

“Alam ko ang paborito ni Inang!” masiglang sabi ni Medy. At humingi ito ng inihaw na pampano, asadong alige ng alimango, halabos na sugpo, kilawing talangka at tinolang manok, mga sariwang prutas, sabaw ng buko.

“Ang mga bata,bakit hindi pa magsitungo rito?” biglang sabi ni Aling Isyang.

“Kabisado ‘yan ng mga nagsisilbi rito. Dadalhn na ang mga ‘yan kung saan gusto. Pihong nasa hardin,” paliwanag ni Medy.

Hindi makaramdam ng gutom si Aling Isyang. Nalula siya sa dami ng pagkaing nakahain. At umukilkil sa kanyang isipan kung magkano aabutin ang lahat ng iyon, na sa kanyang palagay ay hindi dapat gugulin. Pasulyap-sulyap siya sa ginagawang pagkain ng mag-asawa at pilit niyang ginagaya. Ingat na ingat siya sa pagkain.

Naisip niyang kung nasa sariling bahay siya, pasalampak siyang uupo sa sahig ng dulang. Nadudukit niya ang lahat ng alige ng alimango pati sa talukap. Nakukuha niya pati ang laman sa mga sipit at galamay.Pinaghahandaan niya iyon ng sawsawang suka na may pinitpit na luya at tinimplahan ng asin at asukal.

Sa sugpo ay wala siyang itinapon kundi balat. Kinukutkot pa ng kanyang mga kuko ang taba sa talukap ng ulo. Sinisipsip niya pati ang mga hinlalangot at buntot.

Ibang-iba ang ginagawang pagkain nina Medy. Maraming natatapon. Sa kanyang tingin ay higit pang marami ang naiiwan sa pinggan.Hinayang na hinayang siya ngunit sinasarili niya ang kanyang damdamin.

At nakaramdam ng lungkot si Aling Isyang nang magunita ang mga naiwan sa nayon. Naalala niya ang ginagawa niyang paghihimay ng alimango o alimasag para sa kanyang mga apo. Gayundin ang ginagawa niyang pagsisilbi kay Mang Laryo.

Nagtataka siya kung paanong sa loob ng walong taon lamang na inilagi ni Medy sa lunsod ay hidi na niya mabakas ang nakamihasnan nito sa nayon. Waring limot na nito ang pinag-ugatan. Waring kailanman ay hindi siya nagging bahagi ng kanilang nayon.

“O,” basag ni Medy sa kanyang pag-iisip,” hindi ‘ata kayo kumakain, Inang,”

“Kumakain,” mabilis niyang sagot.”Alam mo naman ako. . . mahinang kumain.”

IPINAHATID ni Medy si Aling Isyang nang umuwi. Bago siya umuwi ay hindi niya nalimutang hingiin muli kay Med yang kanyang kotso. Pinagtawanan siya nito at hinapit ang balikat at dibdib nito. Pagkatapos ay binilinan siya nito na sa hulihang upuan ng kotse siya maupo.

“ Hindi naman si Eddie ang magmamaneho, e. . . tsuper ‘yan sa opisina!” bulong sa kanya.

Tumango lamang siya. Nang maramdaman niyang umuusad na ang kotse ay hinubad niya ang sapatilya at inihalili ang kanyang kotso. Sumandal siya sa pagkakaupo at naramdaman niya ang ibayong pananabik na makauwi sa nayon.

Hindi man lamang niya naisip nab aka magulat ang kanyang mga kanayon kapag nakita ang sinasakyang bagung-bago at nangingintab na kotse, tulad ng sabi ni Medy bago siya sumakay. Ang tanging nakikita niya sa kanyang balintataw ay ang pat na anak ni Idad na naghihintay sa kanya, na nag-uunahan sa pagsalubong sa kanya.

Malayo pa man siya sa nayon ay waring nalalanghap na niya ang naiibang singaw ng lupa- kaiba sa magarang bakuran nina Medy. Waring malayang-malaya na naman siyang gumagalaw, hubad sa pagkukunwari at pakikibagay.

Napuno ng kaligayahan ang puso ni Aling Isyang nang matanaw na niya ang makipot at maalikabok na landas na bumubungad sa kanilang nayon. Waring abot-kamay na niya ang kanilang tarangkahan.

Ang Kasulatan ng Banyaga

ni Liwayway Arceo

Mula nang dumating is Fely kangina ay hindi miminsang narinig niya ang tanong na iyon na tila ngayon lamang siya nakita. Gayong umuuwi siya dalawang ulit sa isang taon – kung Araw ng mga Patay at kung Pasko. O napakadalang nga iyon, bulong niya sa sarili. At maging sa mga sandaling ito na wala nang kumukibo sa tumitingin sa kanya ay iyon din ang katanungang wari ay nababsa niya sa bawat mukha, sa bawat tingin, sa bawat matimping ngiting may lakip na lihim na sulyap.

At mula sa salamin sa kanyang harapan ay nakita niya si Nana Ibang sa kanyang likuran. Hinahagod ng tingin ang kanyang kaanyuan. Matagal na pinagmasdan ang kanyang buhok

Hindi ito makapaniwala nang sabihin niyang serbesa ang ipinambasa sa buhok niya bago iyon sinuklay. Nandidilat si Nana Ibang nang ulitin ang tanong.
“Serbesa ba ‘kama, bata ka, ha?”

Nguniti siya kasabay ang mahinang tango. At nang makita niyang nangunot ang noo nito, idinigtong niya ang paliwanag. “Hindi masama’ng amoy, Nana.”
Ngayon, sa kanyang pandinig ay hindi nakaila sa kanya ang pagtuon ng tingin nito sa kanyang suot. Sa leeg ng kanyang terno na halos ay nakasabit lamang sa gilid ng kanyang balikat at tila nanunuksong pinipigil ang pagsungaw ng kanyang malusog na dibdib. Sa kanyang baywang na lalong pinalantik ng lapat na lapat na saya. Sa laylayan naito na may gilit upang makahakbang siya.
“Ibang-iba na ngan ngayon ang…lahat!” at nauulinigan niya ang buntung-hiningang kumawala sa dibdib ng matandang ale.

Napangiti siya. Alam niyang iyonm din ang sasabihin ng kanyang ina kung nakabuhayan siya. Pati ang kanyang ama na hindi naging maligoy minsan man, sa pagkakaalam niya, sa pagsasalita. Iyon din ang narinig niyang sabi ng kanyang Kuya Mente. At ang apat niyang pamangkin ay halos hindi nakahuma nang makita siya kanginang naka-toreador na itim at kamisadentrong rosas. Pinagmasdan siya ng kanyang mga kanayon, mula ulong may taling bandanna, sa kanyang salaming may kulay, hanggang sa kanyang mag mapulang kuko sa paa na nakasungaw sa step-in na bukas ang nguso.

“Sino kaya’ng magmamana sa mga pamangkin mo?” tanong ngayon ng kanyang Nana Ibang. “Ang panganay sana ng Kua mo…matalino…”
“Sinabi ko naman sa Inso…ibigay na sa ‘kin papapag-aralin ko sa Maynila. Nag-iisan naman ako. Ang hirap sa kanila…ayaw nilang maghiwa-hiwalay. Kung sinunod ko ang gusto ni Inang…noon…kung natakot ako sa iyakan…” Tumigil siya sa pagsasalita. Alam niyang hindi maikukubli ng kanyang tinig ang kapaitang naghihimagsik sa kanyang dibdib.

“Tigas nga naming iyakan nang lumawas ka…” ayon ni Nana Ibang.
“Noon pa man, alam kong nasa Maynila ang aking pagkakataon. Sasali ba ‘ko sa timpalak na ‘yon kung hindi ako nakasisigurong kaya ko ang eksamen?” Malinaw sa isip ang nakaraan.
Hindi sumagot si Nana Ibang. Naramdaman niyang may dumaping panyolito sa kanyang batok. “Pinapawisan ka an, e. Ano bang oras ang sabi no Duardo na susunduin ka?”

“Alas-tres daw. Hanggang ngayon ba’y gano’n dito?” at napangiti siya. “Ang alas-tres, e, alas-singko? Alas-kuwatro na, a! Kung hindi lang ako magsasaya, di dinala ko na rito ang kotse ko. Ako na ang magmamaneho. Sa Amerika…”
“Naiinip ka na ba/” agaw ni Nana Ibang sa kanyang sinabi.
“Hindi sa naiinip, e. Dapat ay nasa oras ng salitaan. Bakit ay gusto kong makabalik din ngayon sa Maynila.”
“Ano? K-kahit gabi?”

Napatawa si Fely. “Kung sa Amerika…nakapunta ako at nakabalik nang nag-iisa, sa Maynila pa? Ilang taon ba ‘kong wala sa Pilipinas? Ang totoo…”
Boglang nauntol ang kanyang pagsasalita nang marinig niya ang mahinang tatat ni Aling Ibang. At nang tumingin siya rito ay nakita niya ang malungkot na mukha nito. At biglang-bigla, dumaan sa kanyang gunita ang naging anyo nito nang makita siya kangina.

Ang pinipigil na paghanga at pagtataka sa kanyang anyo. Ang walang malamang gawing pagsalubong sa kanya. At nang siya ay ipaghain ay hindi siya isinabay sa kanyang mga pamangkin. Ibinukod si ng hain, matapos mailabas ang isang maputi at malinis na mantel. Hindi siya pinalabas sa batalan nang sabihin niyang maghuhugas siya ng kamay. Ipinagpasok siya ng palanggana ng tubig, kasunod ang isa niyang pamangking sa pangaln at larawan lalo niyang kilala sapagkat patuloy ang kanyang sustento rito buwan-buwan. Iba ang may dala ng platitong kinalalagyan ng sabong mabangong alam niyang ngayon lamang binili. Nakasampay sa isang bisig nito ang isang tuwalyang amay moras. At napansin niyang nagkatinginan ang kanyang mga kaharap nang sabihin niyang magkakamay siya.

“Ayan naman ang kubyertos…pilak ‘yan!” hiyang-hiyang sabi ng kanyang hipag. ” ‘Yan ang uwi mo…noon…hindi nga namin ginagamit…”
Napatawa siya. “Kinikutsara ba naman ang alimango?”
Nagsisi siya pagkatapos sa kanyang sinabi. Napansin niyang lalong nahapis ang mukha ng kanyang Nana Ibang. Abot ang paghingi nito ng paumanhin. Kung hindi ka ba nagbago ng loob, di sana’y nilitson ang biik sa silong, kasi, sabi…hindi ka darating…

Wala nga siyang balak na dumalo sa parangal. Ngunit naisip niya – ngayon lamang gagawin ang gayon sa kanilang nayon. Sa ikalimampung taon ng Plaridel High School. Waring hindi niyan matatanggihan ang karangalang iniuukol sa kanya ng Samahan ng mga Nagtapos sa kanilang paaralan. Waring naglalaro sa kanyang isipan ang mga titik ng liham ng pangulo ng samahan. Parangal sa unang babaing hukom na nagtapos sa kanila.

Napakislot pa si Fely nang marinig ang busina ng isag tumigil na sasakayan sa harapan ng bahay. Alam na niya ang kahulugan niyon. Dumating na ang sundo upang ihatid siya sa bayan, sa gusali ng paaralan. Hindi muna niya isinuot ang kanyang sapatos na mataas at payat ang takong.
“Sa kotse n,” ang sabi niya kay Nana Ibang. Ang hindi niya masabi: Baka ako masilat…baka ako hindi makapanaog sa hagdang kawayan.
Ngunit sa kanyang pagyuko upang damputin ang kanyang sapatos ay naunahan siya ng matanda. Kasunod niya ito na bitbit ang kanyang sapatos. Sa paligid ng kotse ay maraming matang nakatingin sa kanya. Ang pinto ng kotse ay hawak ng isang lalaki, na nang mapagsino niya ay bahagya siyang napatigil. Napamaang.

“Ako nga si Duardo!”
Pinigil niya ang buntung-hiningang ibig kumawala sa kanyang dibdib. Nang makaupo na siya ay iniabot ni Nana Ibang ang kanyang sapatos. Yumuko ito at dinampot naman ang tsinelas ba hinubad niya. Isinara ni Duardo ang pinto ng kotse at sa tabi ng tsuper ito naupo.
“Bakit hindi ka rito?” tanong niya. Masasal ang kaba ng kanyang dibdib. “May presidente ba ng samahan na ganyan?”

“A…e…” Hindi kinakailangang makita niyang nakaharao si Duardo. Napansin niya sa pagsasalita nito ang panginginig ng mga labi. ‘A-alangan…na ‘ata…”
Nawala ang ngiti ni Fely. Sumikbo ang kanyang dibdib. Si Duardo ang tanging lalaking naging malapit sa kanya. Noon. Ngayon, nalaman niyang guro ito sa paaralang kanilang pinagtapusan. At ito rin ang pangulo ng Samahan ng mga Nagtapos.
“Natutuwa kami at nagpaunlak ka…” walang anu-ano’y sabi ni Duardo, “Dalawampu’t dalawang taon na…”

“Huwag mo nang sasabihin ang taon!” biglang sabi ni Fely, lakip ang bahagyang tawa. “Tumatanda ako.”

“Hindi ka nagbabago,’ sabi ni Duardo. “Parang mas…mas…bata ka ngayon. Sayang…hindi ka makikita ni Menang…”

“Menang?” napaangat ang likod ni Fely.

“Kaklase natin…sa apat na grado,” paliwanag ni Duardo. “Kami ang…” at napahagikhik ito. “Kamakalawa lang isinilang ang aming pang-anim…’

“Congratulations!” pilit na pilit ang kanyang pagngiti. Tila siya biglang naalinsanganan. Tila siya inip na inip sa pagtakbo ng sasakyan.

“Magugulat ka sa eskuwela natin ngayon,” patuloy ni Duardo nang hindi na siya kumibo. “Ibang-iba kaysa…noon…”

“Piho nga,” patianod niya. “Hindi naman kasi ‘ko nagagawi sa bayan tuwing uuwi ako. Lagi pa ‘kong nagmamadali…”

“Pumirmi na nga rin kami sa bayan kaya hindi naman tayo nagkikita…”

Bagung-bago sa kanyang paningin ang gusali. At nang isungaw niya ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan ay nakita ang mga nakamasid sa kanya. Isinuot niya ang kanyang salaming may kulay. Tila hindi niya matatagalan ang nakalarawan sa mukha ng mga sumasalubong sa kanya. Pagtataka, paghanga, pagkasungyaw. Aywan niya kung alin.

At nang buksan ni Duardo ang pinto ng kotse upang makaibis siya ay lalong nagtimunig ang kahungkagang nadarama sa kanyang mga mata. Tila hindi na niya nakikilala at hindi na rin siya makilala pa ng pook na binalikan niya.

Si Mabuti

ni Genoveva Edroza-Matute

Hindi ko siya nakikita ngayon. Ngunit sinasabi nilang naroroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa walang pintang paaralang una kong kinakitaan ng sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero.

Naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat, at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan. Lagi ko siyang inuugnay sa kariktan ng buhay. Saan man sa kagandahan; sa tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Ngunit walang anumang maganda sa kanyang anyo. at sa kanyang buhay. Siya ay isa sa mga pangkaraniwang guro noon. Walang sinumang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga pananagutan sa paaralan, walang masasabing anumang pangkaraniwan sa kanya. Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang simula ng halos lahat ng kanyang pagsasalita. Iyon ang mga pumalit sa mga salitang hindi niya maalala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandaling pag-aalanganin.

Sa isang paraang alirip, iyon ay nagiging salaminan ng uri ng paniniwala sa buhay. “Mabuti,” ang sasabihin niya, “ngayo’y magsisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito. Mabuti, Mabuti!” Hindi ako kailanman magtatapat sa kanya ng anuman kung di lamang nahuli niya akong lumuluha nang hapong iyon, iniluha ng bata kong puso ang pambata ring suliranin.

Noo’y magtatakipsilim na at maliban sa pabugso-bugsong hiyawan ng mga nagsisipanood sa pagsasanay ng mga manlalaro ng paaralan, ang buong paligid ay tahimik na. Sa isang tagong sulok ng silid-aklatan,pinilit kong lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan. “Mabuti’t may tao pala rito,” wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa narinig. “Tila may suliranin, mabuti sana kung makakatulong ako.” Ibig kong tumakas sa kanya at huwag nang bumalik pa kailanman. Sa bata kong isipan, ay ibinilang kong kahihiyan at kababaan ang pagkikita pa naming muli sa hinaharap, pagkikitang magbabalik sa gunita ng hapong iyon. Ngunit, hindi ako makakilos sa sinabi niya pagkatapos. Napatda ako na napaupong bigla sa katapat na luklukan. “Hindi ko alam na may tao rito . . . naparito ako upang umiyak din.” Hindi ako nakapangusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Nakababa ang kanyang paningin sa aking kandungan. Maya-maya pa’y nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi. Tinanganan niya ang aking mga kamay at narinig ko na lamang ang tinig sa pagtatapat sa suliraning sa palagay ko noo’y siyang pinakamabigat. Nakinig siya sa akin, at ngayon, sa paglingon ko sa pangyayaring iyo’y nagtataka ako kung paanong napigil niya ang paghalakhak sa gayong kamusmos na bagay. Ngunit siya’y nakinig nang buong pagkaunawa, at alam ko na ang pagmamalasakit niya’y tunay na matapat. Lumabas kaming magkasabay sa paaralan. Ang panukalang naghihiwalay sa amin ay natatanaw na ng bigla kong makaalala. “Siyanga pala, Ma’am, kayo? Kayo nga pala? Ano ho iyong ipinunta ninyo sa sulok na iyon na iniiyakan ko?” Tumawa siya nang marahan at inulit ang mga salitang iyon; “ang sulok na iyon na . . . iniiyakan natin. . . nating dalawa.” Nawala ang marahang halakhak sa kanyang tinig: “Sana’y masabi ko sa iyo, ngunit ang suliranin. . . kailanman. Ang ibig kong sabihin ay . . . maging higit na mabuti sana sa iyo ang. . .buhay.”

Si Mabuti’y naging isang bagong nilikha sa akin mula nang araw na iyon. Sa pagsasalita niya mula sa hapag, pagtatanong, sumagot, sa pagngiti niyang mabagal at mahihiyain niyang mga ngiti sa amin, sa pagkalim ng kunot sa noo niya sa kanyang pagkayamot, naririnig kong muli ang mga yabag na palapit sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Ang sulok na iyon. . . “Iniiyakan natin,” ang sinabi niya nang hapong iyon. At habang tumataginting sa silid namin ang kanyang tinig sa pagtuturo’y hinuhulaan ko ang dahilan o mga dahilan ng pagtungo niya sa sulok na iyon ng silid-aklatan. Hinuhulaan ko kung nagtutungo pa siya roon, sa aming sulok na iyong. . . aming dalawa. At sapagkat natuklasan ko ang katotohanang iyon tungkol sa kanya, nagsimula akong magmasid, maghintay ng mga bakas ng kapaitan sa kanyang mga sinsabi. Ngunit, sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno nya ng maririkit na guni-guni an gaming isipan at ng mga tunog ang aming mga pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay.

Bawat aralin namin sa panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan naming sa kagandahan at ako’y humanga. Wala iyon doon kanina, ang masasabi ko sa aking sarili pagkatapos na maipadama niya sa amin ang kagandahan ng buhay sa aming aralin. At hindi naging akin ang pagtuklas na ito sa kariktan kundi pagkatapos lamang ng pangyayaring iyon sa silid-aklatan. Ang pananalig niya sa kalooban ng Maykapal, sa sangkatauhan, sa lahat na, isa sa mga pinakamatibay na aking nakilala. Nakasasaling ng damdamin. Marahil, ang pananalig niyang iyon ang nagpakita sa kanya ng kagandahan sa mga bagay na karaniwan na lamang sa amin ay walang kabuluhan. Hindi siya bumabanggit ng anuman tungkol sa kanyang sarili sa buong panahon ng pag-aaral namin sa kanya, Ngunit bumabanggit siya tungkol sa kanyang anak na babae, sa tangi niyang anak. . . nang paulit-ulit. Hindi rin siya bumabanggit sa amin kailanman tungkol sa ama ng batang iyon. Ngunit, dalawa sa mga kamag-aral namin ang nakababatid na siya’y hindi balo. Walang pag-aalinlangan ang lahat ng bagay at pangarap niyang maririkit ay nakapaligid sa batang iyon. Isinalaysay niya sa amin ang katabilan niyon. Ang paglaki ng mga pangarap niyon, ang nabubuong layunin niyon niyang baka siya ay hindi umabot sa matatayog na pangarap ng kanyang anak. Maliban sa iilan sa aming pangkat, paulit-ulit niyang pagbanggit sa kanyang anak ay iisa lamang sa mga bagay na “pinagtitiisang” pakinggan sapagkat walang paraang maiwasan iyon. Sa akin, ang bawat pagbanggit niyon ay nagkakaroon ng kahulugan sapagkat noon pa man ay nabubuo na sa aking isipan ang isang hinala.

Sa kanyang magandang salaysay, ay nalalaman ang tungkol sa kaarawan ng kanyang anak, ang bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang, ang mga kaibigan niyong mga bata rin, ang kanilang mga handog. Ang anak niya’y anim na taong gulang na. Sa susunod na taon niya’y magsisimula na iyong mag-aral. At ibig ng guro naming maging manggagamot ang kanyang anak at isang mabuting manggagamot. Nasa bahaging iyon ang pagsasalita ng aming guro nang isang bata sa aking likuran ang bumulong: “Gaya ng kanyang ama!” Narinig ng aming guro ang sinabing iyon ng batang lalaki. At siya’y nagsalita. “Oo, gaya ng kanyang ama,” ang wika niya. Ngunit tumakas ang dugo sa kanyang mukha habang sumisilay ang isang pilit na ngiti sa kanyang labi. Iyon ang una at huling pagbanggit sa aming klase ang tungkol sa ama ng batang may kaarawan. Matitiyak ko noong may isang bagay ngang mali siya sa buhay niya. Mali siya nang ganoon na lamang.

At habang nakaupo ako sa aking luklukan, may dalawang dipa lamang ang layo sa kanya, kumirot ang puso ko sa pagnanasang lumapit sa kanya, tanganan ang kanyang mga kamay gaya ng ginawa niya nang hapong iyon sa sulok ng silid-aklatan, at hilinging magbukas ng dibdib sa akin. Marahil, makagagaan sa kanyang damdamin kung may mapagtatapatan siyang isang tao man lamang. Ngunit, ito ang sumupil sa pagnanasa kong yaon; ang mga kamag-aral kong nakikinig ng walang anumang malasakit sa kanyang sinasabing, “Oo, gaya ng kanyang ama,” habang tumatakas ang dugo sa kanyang mukha. Pagkatapos, may sinabi siyang hindi ko makakalimutan kailanman. Tiningnan niya ako ng buong tapang na pinipigil ang pagnginig ng mga labi at sinabi ang ganito: “Mabuti.. mabuti gaya ng sasabihin nitong iyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan.”

“Mabuti, at ngayon, magsimula sa ating aralin”. Natiyak ko noon, gaya ng pagkakatiyak ko ngayon na hindi akin ang pangungusap na iyon, nadama kong siya at ako ay iisa. At kami ay bahagi ng mga nilalang na sapagkat nakaranas ng mgan lihim na kalungkutan ay nakakilala ng mga lihim na kaligayahan. At minsan pa, nang umagang iyon, habang unti-unting bumabalik ang dating kulay ng mukha niya, muli niyang ipinamalas sa amin ang mga natatagong kagandahan sa aralin namin sa panitikan. Ang kariktan ng katapangan; ang kariktan ng pagpapatuloy anuman ang kulay ng buhay. At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyon marahil ay magiging isang manggagamot din balang araw, ay namatay at naburol ng dalawang gabi at dalawang araw sa isang bahay na hindi siyang tirahan ni Mabuti at ng kanyang anak. At naunawaan ko ang lahat. Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyon ay naunawaan ko ang lahat.

Saranggola

ni Efren R. Abueg

Rading, Paquito, Nelson… pakinggan ninyo ang kwentong ito. May isang lalaki, walong taong gulang. Humiling siya sa kanyang ama ng isang guryon.

“Anak, ibibili kita ng kawayan at papel. Gumawa ka na lamang ng saranggola,” wika ng ama.

“Hindi ako marunong, Tatay,” anang batang lalaki.

“Madali ‘yan. Tuturuan kita,” sabi ng ama at tinapik sa balikat ang anak.

Bumili nga ito ng papel at kawayan at tinuruang gumawa ng saranggola ang anak.

“Tatay… ibili mo ako ng guryon,” sabi uli ng bata sa ama.

“Anak, pag-aralan mo na lamang mapalipad ang saranggola nang mataas. Madadaig mo ang taas at tagal ng lipad ng guryon!”

Nainis ang bata sa kanyang ama.

“Kinakantyawan ako sa bukid, Tatay,” anang bata. “Anak daw ako ng may-ari ng kaisa-isang istasyon ng gasolina sa bayan… bakit daw kay liit ng saranggola ko!”

Nagtawa ang ama at tinapik na naman sa balikat ang anak.

Tinuruan nga ng ama ang bata ng higit na mataas na pagpapalipad ng saranggola, pati na ang pagpapatagal niyon sa kalawakan. Nalagpasan nga ng saranggola niya ang ilang guryon. Ang iba namang guryon na lumipad nang pagkataas-taas ay nalagutan ng tali at nagsibagsak, bali-bali ang mga tadyang, wasak-wasak.

Minsan sa pagpapataas ng lipad ng kanyang saranggola, napatid ang tali niyon. Umalagwa ang saranggola. Hinabol nilang mag-ama iyon at nakita nilang nakasampid sa isang balag.

“Tingnan mo…hindi nasira,” nagmamalaking wika ng ama. “Kung guryon ‘yan, nawasak na dahil sa laki. Kaya tandaan mo, ang taas at tagal ng pagpapalipad ng saranggola ay nasa husay, ingat at tiyaga. Ang malaki ay madali ngang tumaas, pero kapag nasa itaas na, mahirap patagalin doon at kung bumagsak, laging nawawasak.”

Nakalimutan na ng batang iyon ang tungkol sa saranggola nang maging katorse anyos siya. May iba na siyang hilig; damit, sapatos, malaking baon sa eskwela, pagsama-sama sa mga kaibigan.

“Anak… dalawang sapatos lamang ang gagamitin mo sa pasukang ito. Kung masira, saka na papalitan. Magtitipid ka rin sa damit at huwag kang gasta nang gasta. Hindi madaling kitain ang salapi,” pagunita ng kanyang ama.

“Kawawa nga ako, Tatay,” katwiran ng bata. “Anak ako ng tanging may-ari ng istasyon ng gasoline at machine shop sa bayan natin, pero ang itsura ko… parang anak ng pobre.”

“Disente ka naman, a. Malinis ang damit mo, husto ka sa mga gamit sa eskwela at husto ka rin sa pagkain. Hindi dapat sobra sa mga pangangailangan ang isang kabataang tulad mo. Hindi natututuhan ang pagtitipid.”

Hindi naunawaan ng bata ang paliwanag ng ama at nagkaroon siya ng hinanakit dito. Tinipid siya sa lahat ng bagay, hinigpitan sa pagsama-sama sa mga kabarkada at madalas, pinatatao sa istasyon ng gasolina at pinatutulong sa machine shop kung araw na walang klase.

“Pinahihirapan talaga ako ng Tatay,” puno ng hinanakit ang tinig na pagsusumbong ng bata sa ina. “Kaisa-isa pa naman akong anak, ang turing niya sa akin… parang ampon!”

“Hindi totoo ang sinabi mo, anak,” malumanay na sansala ng kanyang ina sa paghihinanakit niya sa ama. Alam mo mataas ang pangarap niya para sa iyo.”

“Bakit? Ano ang gusto niya para sa akin?”

“Ibig niyang maging mahusay kang inhinyero.”

Hindi na kumibo ang bata at hindi rin napawi ang hinanakit niya sa ama. Gayunman, hindi siya makapaghimagsik dito. Iginagalang niya ito at pati ang kanyang ina.

Nang labingwalo na siya napagkaisahan ng kanyang mga barkada na kumuha sila ng commerce.

“Mabuti ‘yon. Magsama-sama tayo sa isang unibersidad,” mungkahi ng isa sa limang magkakaibigan.

Pumayag siya. Ngunit nang kausapin niya ang ama, tumutol ito.

“Inoobserbahan kita, anak. Hindi mo hilig ang commerce. Palagay ko mechanical engineering ang bagay sa iyo. Tanungin mo ang iyong ina.”

Masama man ang loob, sumangguni pa rin siya sa ina.

“Hindi sa kinakampihan ko ang iyong ama, anak. Pero sa tingin ko….engineering nga ang bagay sa iyo. May machine shop tayo…sino ba ang magmamana niyon kundi ikaw?”

Nasunod ang kanyang ama at napilitan siyang tumiwalag sa kanyang barkada. Napag-isa siya sa pag-aaral sa lunsod at ngayong binata na siya, hindi na hinanakit kundi paghihimagsik sa ama ang kanyang nadarama.

“Ayoko nang mag-aral, Inay,” sabi niya sa kanyang ina nang dalawin siya nito sa dormitoryo. “Tipid, pagtitiis, kahihiyan lamang ang dinaranas ko rito. Bakit ako ginaganoon ni Itay? Gusto ba niya akong pahirapan?”

Pinayapa ng kanyang ina ang kanyang kalooban.

“Magtiwala ka sa amin, anak. Wala kaming gagawin ng iyong ama kundi makabubuti sa iyong hinaharap.”

“Makabubuti ba sa akin ang magmukhang basahan at magdildil ng asin?”

“Makabubuting matuto kang magtiis. Pagkatapos mo naman ng pag-aaral at magtagumpay ka sa hanapbuhay, magiging magaan sa iyo ang lahat.”

“Bakit kailangan ko pang magtagumpay? Hindi ba’t ipamamana ninyo sa akin ni Itay ang ating kabuhayan?”

“Totoo iyan, anak…pero paano mo mapauunlad ang ating kabuhayan kung hindi mo alam ang mga hirap sa pagtatayo niyan?”

Hindi maintindihan ng binata ang sinabi ng kanyang ina, subalit naisip niyang makapagtitiis pa siya. Isinubsob na lamang niya ang ulo sa pag-aaral.

Nakatapos naman ng inhinyerya ang binata. Hindi siya pangunahin sa klase, ngunit sa pagsusulit sa gobyerno, nakabilang siya sa nangungunang unang dalawampu.

“Ngayon anak…bibigyan kita ng limampung libong piso. Gamitin mo sa paghahanapbuhay,” sabi ng kanyang ama nang makuha na niya ang lisensiya bilang mechanical engineer.

Namangha siya.

“Akala ko…ako na ang hahawak ng ating machine shop pagkatapos ko ng pag-aaral,” nawika niya sa ama.

“Bata pa ako, anak. Kaya ko pang mag-asikaso ng hanapbuhay na iyan. Saka ibig ko, magpundar ka ng sariling negosyo.”

“Bakit pa, Itay? Mayroon na tayong negosyo.”

“Mabuti na ‘yong makatindig ka sa sarili mong mga paa.”

Tinanggap niya ang halagang ipinagkaloob ng ama. Humiwalay na rin siya ng tirahan sa mga magulang.

“Alam kong malaki ang hinanakit mo sa iyong ama. Gayunman, ibig kong isaisip mong, ang kinabukasan mo ang lagi niyang inaalala.”

Ngunit may lason na sa kanyang isip. Hindi na siya nanininwala sa sinabi ng kanyang ina. Naging lubos ang paghihimagsik niya sa kanyang ama.

Nagtayo siya ng isang machine shop sa dulo ng kanilang bayan. Agad-agad siyang pinagsadya ng kanyang ama.

“Bakit hindi pa sa ikatlong bayan ka nagtayo ng machine shop? Magkukumpetensiya pa tayo rito.”

“Akala ko ba’y bahala na ako sa buhay ko, Itay?”

Natigilan ang kanyang ama. Saka napapailing, nag-iwan pa ito ng salita bago lumisan.

“Kung sa bagay…mabuting magturo ang karanasan!”

May isang taon ding nagtiyaga ang binata sa pamamahala ng kanyang maliit na machine shop sa dulong bayan. Kakaunti ang kanyang parokyano dahil higit na malaki ang machine shop ng kanyang ama at mahusay ang mga tauhan nito. Nagkautang tuloy siya ng labindalawang libo sa mga kinukunan niya ng materyales. Nang hindi siya makabayad, inilit ang mga makinang kanyang ginagamit.

“Nabigyan na kita ng pang-umpisang puhunan. Hindi ka sumunod sa mungkahi ko na umiwas sa kumpetisyon. Subukin mo namang maghanap ng puhunan sa sarili mong pagsisikap.”

Noon nagsiklab ang binata. Nakalimutan niya ang paggalang sa mga magulang. Dumabog siya sa harap ng ama.

“Ano kayong klaseng ama? Bakit ninyo natitiis ang inyong anak? Kasiyahan ba ninyong makitang nahihirapan ako?”

“Ibig kong matutuhan mo ang lahat ng nangyayari sa buhay na ito. Hindi madali ang mabuhay sa mundo, anak.”

“Hindi ba kaya may mga magulang ay para gumaan ang buhay ng mga anak?”

“Ang ikagagaan ng buhay ng mga anak ay wala sa mga magulang kundi nasa mga itinuturo nila sa mga ito.”

Nagkahiwalay ng landas ang mag-ama. Naglayas ang binata nang hindi man lamang nagpaalam kahit sa ina. Nagpalipat-lipat sa kung saan-saang trabaho hanggang pagkaraan ng limang taon, nakaipon siya ng sampung libong piso at nakabili ng maliit na machine shop. Kumuntrata siya ng paggawa ng tambutso sa isang auto assembler at kumita siya nang malaki. Sa loob ng tatlong taon, gumawa na rin ang machine shop niya ng mga partes ng kotse.

Ang dugo ay dugo, anang kasabihan, kaya dinadalaw ang lalaki ng kanyang may edad nang ina. Isang araw, dumating ito sa kanilang bahay, gaya ng dati may pasalubong sa tatlong apong lalaki.

“Ibig ng Itay mong makita ang kanyang mga apo, pero hindi siya makadalaw dahil sa hinanakit mo,” sabi ng kanyang ina.

“Kinalimutan ko na, Inay, na nagakaroon ako ng ama!”

Umiyak ang kanyang ina.

“Kung gayon… baka hindi na kayo magkita, anak!” nawika nito bago umalis.

Sa tindi ng hinanakit, hindi pa rin niya binigyang-halaga ang bulalas na iyon ng kanyang ina. Nagpakagumon siya sa trabaho, naghanap pa ng mga bagong kontrata hanggang sa loob pa ng dalawang taon, kilala na ang kanyang machine shop sa Pasay. Isang araw, hindi niya dinatnan ang kanyang asawa at tatlong anak sa bahay.

“Nasaan sila?” usig niya sa katulong.

“Umuwi ho uli sa probinsya. Patawirin daw ho ang inyong ama!”

“Umuwi uli? Bakit, lagi ba sila roon?”

Tumango ang tinanong na katulong.

“May dalawang ulit na hong regular silang nagpupunta roon. Dinadalaw ang inyong matanda.”

May poot na sumiklab sa kanyang dibdib. Nanlambot siya sa galit. Ngunit sa pagkaunawang patawirin ang kanyang ama, nagbalik sa kanyang isip ang masasayang sandali sa piling nito. Nagunita niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.

“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas, nasa husay, tiyaga at ingat iyan!”

Magdamag siyang hindi mapalagay. Lagi niyang naiisip ang sinabing iyon ng kanyang ama. Kinabukasan, sakay ng kanyang kotse, nagbalik siya sa bayang sinilangan.

“Patay na siya!” bulalas ng kanyang asawang umiyak sa kanyang dibdib.

May nabugnos na moog sa kanyang puso. Nahalinhan ng pagsisisi ang hinanakit. Nilapitan niya ang ina at sa pagkakayakap dito, umiyak siya nang marahan, kasamang nagdadalamhati ang lahat ng himaymay ng kanyang laman.

“Huwag kang umiyak… namatay siyang walang hinanakit sa iyo.” Anas ng kanyang ina.

“Wa-walang hinanakit?”

“Oo, anak… dahil natupad na ang pangarap niya. Nasa itaas ka na. At sabi niya sa akin, pati sa asawa mo… nakatitiyak siya na makapananatili ka roon.”

Nang lapitan niya ang kabaong ng ama at tunghayan ang mga labi nito, parang lumundag ang kanyang puso at humalik sa pisngi ng yumao. Kasunod niyon, nagunita na naman niya ang pagpapalipad nila ng saranggola.

“Wala sa laki ng saranggola ang pagpapalipad at pagpapatagal niyon sa itaas. Hayaan mo… tuturuan kita!” paliwanag na ama.

Rading, Paquito, Nelson…tandaan ninyo ang kwentong iyan. Kwento ‘yan namin ng inyong namatay na lolo. Kwento naming dalawa.